Isang Bulag ang Tinangkang Holdapin ng Lalaki; Nagulat siya nang Malamang Disguise lang Pala Iyon
Kumakalam na ang sikmura ni Dario. Tanghaling tapat na ngunit hindi pa siya nag-uumagahan at nagtatanghalian. Nang kapkapin niya ang bulsa ng kaniyang pantalon ay wala naman siyang makapang pera.
Napakamot siya sa ulo. “Naibili ko na nga pala ng alak kagabi!” palatak niya. “Saan na naman kaya ako didilihensiya ngayon? Sana naman, malaki-laki ang kitain ko ngayong araw.”
Walang trabaho si Dario. Pitong taon na siyang istambay, kahit pa nga malaki at malakas pa naman ang kaniyang pangangatawan. Paano siya maghahanap ng trabaho? E, wala nga yatang araw na hindi siya lasing. Ngayon nga ay kumikirot ang kaniyang ulo dahil sa natatamong hang-over. Nagpakalasing siya kagabi dahil nakadiskarte siya ng perang pang-inom. Bukod doon ay marami pang bisyo si Dario. Iyon din ang dahilan kung bakit siya iniwan ng kaniyang pamilya at ngayon nga ay nag-iisa na siya sa buhay. Wala rin siyang totoong kaibigan dahil sa napakamainitin ng ulo niya. Madalas siyang masangkot sa kung anu-anong gulo sa kanilang lugar. Kung ituring nga si Dario ay isang salot na dapat nang mawala ngunit nginingisian lamang niya iyon.
Sa lugar na iyon madalas umistambay si Dario. Sa lugar na iyon kung saan talamak ang pagkakaroon ng holdapan.
Sino pa nga ba ang salarin kundi siya lang?
At ngayon nga ay nag-aabang na si Dario ng bibiktimahin upang punan ang kumakalam na niyang sikmura.
“Aba, tamang-tama!” nasambit ni Dario sa sarili habang malawak ang kaniyang pagkakangiti. Isang lalaking nakasalamin habang may hawak na tungkod ang namataan niyang naglalakad sa gilid ng kalsada. Magara ang suot nito at branded din ang bag na dala! Sa wakas! Pagkatapos ng mahaba-habang paghihintay ay nakatiyempo rin siya ng maganda-gandang target.
Pakiramdam ni Dario ay tila biglang nangati ang palad niya. Mukhang tiba-tiba na naman siya sa araw na ito! Nagsusumigaw kasi ng karangyaan ang nakikita niyang bibiktimahin. Hindi lang iyon dahil mukhang may diperensya pa yata ang mata nito. Kanina pa kasi napapansin ni Dario na panay ang kapa ng lalaki sa dinaraanan nito gamit ang tungkod!
Sinundan ni Dario ang lalaki at sinubukang harangan. Nang hindi ito huminto ay nakumpirma ni Dario na isa nga itong bulag!
Ni hindi man lang naawa si Dario na may kapansanan ang kaniyang balak na biktimahin. Itinuring niya pa nga iyong mas magandang oportunidad para kumita siya nang mas malaki ngayong araw.
Kaunting pagsunod-sunod pa kung saan pupunta ang bulag niyang biktima ay inihanda na niya ang kaniyang patalim. Eksaktong-eksakto dahil wala nang gaanong dumadaang tao o sasakyan sa lugar kung saan ito huminto.
“Nasaan na ba ang sundo koʼt napakatagal naman yata?” narinig niyang anang bulag niyang biktima habang papala-palatak habang tila may hinihintay ito.
Doon na kumuha ng tiyempo si Dario. Dinikitan niya na ang biktimang bulag at itinutok sa tagiliran nito ang hawak niyang patalim.
“Holdap ʼto, huwag kang gagalaw!” paunang sabi niya, “ibigay mo sa akin ang bag mo pati na rin ang wallet mo, kung hindi ay sasaktan kita!” may halong pananakot pang dagdag niya gamit ang malalim niyang tinig.
“H-huwag nʼyo po akong sasaktan! Ibibigay ko po ang lahat sa inyo!” agad namang sagot ng bulag niyang biktima kay Dario.
Laking tuwa naman ni Dario nang umpisahan nang dukutin ng bulag ang wallet nito sa kaniyang bulsa. Iyon nga lang, sa sobrang pagkataranta ay tila hindi nito mahanap kung saan nito inilagay ang pitaka nito.
“Ano ba, bulag? Bilisan mo nga! Kapag ako nainis, sasaktan talaga kita makikita mo! Bubutasin ko ʼyang tagiliran mo!” pananakot niya pa rito. Ngunit tila lalo lamang itong nataranta kaya naman lumapit na si Dario at tinulungan itong kapkapin ang kaniyang mga bulsa.
Nasa ganoong akto si Dario nang maramdaman niyang napalilibutan na siya ng maraming kalalakihan. Sa ulo niya ay may nakatutok nang aparato.
“Huwag kang kikilos nang masama. Pulis ʼto! Taas ang kamay!” anang kanina ay inakala niyang bulag na lalaki bago nito tinanggal ang suot nitong salamin aa mata.
“Nalintikan na!” sambit ni Dario nang mapagtantong disguise lamang pala ang pagiging bulag nito. Timbog ang talamak na holdaper na si Dario!
Matagal na pala siyang pinagpaplanuhan ng mga kapulisan sa lugar na iyon kaya naman nang makahanap ng pagkakataon ay isinagawa na ng mga ito ang kanilang operasyon. Ngayon ay mabubulok na si Dario sa bilangguan.