Inday TrendingInday Trending
Isang Illegal Recruiter ang Ginang na Naghahanap ng mga Dalaga sa Lalawigan Upang Dalhin sa Isang Casa; ‘Di Siya Makapaniwala sa Karmang Ibabalik ng Tadhana sa Kaniya

Isang Illegal Recruiter ang Ginang na Naghahanap ng mga Dalaga sa Lalawigan Upang Dalhin sa Isang Casa; ‘Di Siya Makapaniwala sa Karmang Ibabalik ng Tadhana sa Kaniya

“Ikaw Neng, maganda ka. Kapag hindi kita nahanapan ng amo mo bilang kasambahay, puwede kitang gawing artista. Marami akong kakilalang talent manager sa Maynila. Irereto kita. Mas malaki ang kikitain mo,” turan ni Berlinda, 45 na taong gulang, na kilala rin sa tawag na “Mommy.” Trabaho niyang magtungo sa mga lalawigan upang makahanap ng mga babaeng probinsiyana na ma-rerecruit upang madala sa Maynila.

Kunwari, naghahanap siya ng mga magiging kasambahay, subalit ang totoo, sa isang bahay-aliwan masasadlak ang mga babaeng iyon. Target niya ang mga dalagang magaganda, batambata, mukhang birhen at wala pang karanasan; iyong mga madaling mauto at mukhang wala pang alam sa buhay.

Ginagawa niya ang lahat ng ito para sa kaniyang anak na dalagitang si Lorraine na malapit nang matapos sa Senior High School. Isa siyang dalagang ina. Hindi alam ng kaniyang anak ang uri ng trabahong pinasok niya. Ang alam lamang nito, isa siyang matinong recruiter.

“Talaga po?! Naku, dalawang pangarap ko ang matutupad. Makatapak sa Maynila at maging artista. Inay, Itay, pumayag na po kayo! Maiaahon ko na kayo sa kahirapan!” nangingilid ang luha ng dalagitang kausap ni Berlinda.

“Oo. Doon mas gaganda ka pa. Huwag mong sayangin ang ganda mo rito sa mga kalabaw. Kaya pumayag na ho kayo. Ako hong bahala sa anak ninyo. Aahon po kayo sa hirap kapag naging artista ito. Hindi na naman na kailangan ang talento ngayon. Saka na iyan. Importante ang karisma mo,” pangungumbinsi ni Berlinda.

Sa pagpupumilit at pangungulit, napapayag na rin ang mga magulang na parehong magsasaka. Ayaw naman nilang pigilan ang pangarap ng kanilang anak na dalagita. Tatlo pang dalagita ang nahikayat ni Berlinda na sumama sa kaniya sa Maynila.

“Libre ang pagkain, bahay, kuryente, tubig at may allowance pa habang naghihintay tayo ng mga kukuha sa inyong kasambahay. Sa akin muna kayo titira. Bibilhan ko rin kayo ng mga damit ninyo. Aayaw pa ba kayo?” iyan ang linyahan ni Berlinda.

Kinabukasan ay nagbiyahe na sila sa pamamagitan ng ro-ro. Makalipas ang 12 oras ay nakarating na rin sila sa tahanan ni Berlinda. Iginiya niya ang apat sa malaki niyang ekstrang kuwarto.

“Oh, diyan na muna kayo ha. Magkasya-kasya na kayo riyan, “sabi ni Berlinda sa apat na dalagita. May dalawang double deck na kama sa loob nito at de-aircon pa. Itinuro din niya ang mga palikuran.

“Magpahinga kayong mabuti dahil bukas na bukas din lalakad na tayo at dadalhin ko na kayo sa mga magiging amo ninyo,” bilin ni Berlinda sa apat na dalagita na tuwang-tuwa naman.

Nang makaakyat sa kaniyang kuwarto, tinawagan ni Berlinda ang kaniyang “big boss.”

“Hello boss, bukas na bukas dadalhin ko na sa casa ang mga ito. Ihanda mo na ang bayad ko ah. Magaganda itong mga ito. Mga masisikip pa. Morena. Matutuwa ang mga parokyano natin. Dating gawi. Kapag nagtanong ang mga magulang nito, sasabihin kong hindi ko na alam. Lumayas. O kaya nakipagtanan. Ako nang bahala.”

Kinabukasan, isinama na nga ni Berlinda ang apat na dalagita sa magiging trabaho ng mga ito. Masayang-masaya sila at sabik na sabik. Walang kamalay-malay ang apat na ito na pala ang huling beses na magiging masaya sila. Hatid sila ng puting van na pagmamay-ari ng big boss ni Berlinda.

Mga tatlong oras ang kanilang naging biyahe. Pagdating sa casa, inihabilin na niya ang apat na dalagita sa mga taong naroroon na agad na sumalubong sa kanila.

“Oh girls, magpakabait kayo riyan ha. Darating na ang mga amo ninyo. Sila ang kukuha sa inyo mula sa bahay na iyan. Pakabait kayo,” nagmamadaling sabi ni Berlinda at umalis na siya. Nagsenyasan sila ng mga taong sumalubong sa kanila: alam na nila ang gagawin. Tuturukan nila ng morpina ang mga babaeng ito upang hindi manlaban. Pagkatapos, saka sila pipiliin ng mga parukyano, na karamihan ay mga Tsino.

Habang nasa sasakyan, tinawagan siya ng kaniyang big boss.

“Good job ka sa mga napili mo. Magugustuhan ito ng mga parukyano natin. Mukhang mga walang muwang. Bibigyan kita ng bonus,” sabi ng big boss. Tuwang-tuwa naman si Berlinda.

Ilang minuto lamang, muling nag-ring ang kaniyang cellphone. Ang kaniyang anak na dalagitang si Lorraine. Sinagot niya. Umiiyak ito sa kabilang linya.

“Anong nangyari sa iyo, anak?” kinakabahang tanong ni Berlinda.

“M-Mommy… pinagsamantalahan nila ako, pinagsamantalahan nila ako…”

Ipinagah*sa si Lorraine ng kaniyang mga kaibigang lalaki sa mga kabarkada ng mga ito, kapalit ng malaking halaga ng pera. Hindi lamang si Lorraine kundi ang iba pang mga kaibigan nitong babae matapos na magkayayaang mag-inuman.

Pakiramdam ni Berlinda ay tila pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Ginawa niya ang lahat upang maipakulong ang mga lumapastangan sa kaniyang anak, gayundin ang mga kaibigan nito. Mabuti na lamang at hindi na menor de edad ang mga ito.

Labis na nakonsensiya si Berlinda. Binalikan siya ng karma dahil sa kaniyang trabaho. Ang naging kabayaran ng langit sa kaniyang mga kasalanan ay ang kaniyang sariling anak. Nangyari dito ang ginagawa niya sa mga babaeng sinisira niya ang buhay. Kaya naman, isang desisyon ang ginawa ni Berlinda.

Isinuplong niya sa mga pulis ang nangyayari sa casa. Nailigtas ang mga babaeng naroon na karamihan ay lango na sa morpina. Nakulong ang kanilang big boss pati na rin si Berlinda, na tinanggap niya nang maluwag sa dibdib.

Pangako niya sa sarili’y hindi na muling masasangkot sa ganoong uri ng gawain. Limang taon sa loob ng kulungan ay sapat na upang mapagtanto niya na ang lahat ng babae ay dapat na nirerespeto at hindi niloloko lalo na ng kapwa nila babae.

Advertisement