Respetado at Hinahangaan ang Binatang Propesor, Subalit May Lihim Pala Itong Pinakaiingatan
Iginagalang ng lahat ang propesor na si Roswold, na maituturing na hot bachelor, dahil sa gulang nitong 35 taong gulang ay single pa rin ito. Mayaman, matagumpay, matalino, at titulado. Walang sinumang mga babae, at maging binabae, ang hindi magkakandarapa sa kaniya.
“Ano pa bang mahihiling ng isang Roswold Buencamino? Nasa sa iyo na ang lahat. Mag-asawa ka na bro…” biro sa kaniya ng kaibigang si James habang sila ay nasa isang bar at nagrerelaks.
“Naku bro, hindi ko muna iniisip iyan. Tatapusin ko na muna ang thesis ko. Alam mo naman sa trabaho ko, mahalaga na may academic paper ka. Gusto ko na kasi maging associate professor at kayang-kaya ko iyon,” tugon ni Roswold sa kaibigan.
“Oo naman. Diyan ako bilib sa iyo, bro. Parang mani lang sa iyo ang mga academic papers. Ang tanong, mayayakap ka ba niyan tuwing gabi? Tingnan mo kami ng misis ko. Nakakatatlo na kaming junior,” nasabi na lamang ni James.
Pagkauwi ni Roswold sa kaniyang condo, pinag-isipan niya ang mga sinabi ni James. Hindi naman sa nagmamayabang subalit hindi naman siya mababakante kung gugustuhin niyang mag-asawa. Maraming babaeng nagkakandarapa sa kaniya. Ang problema, ayaw niya sa mga ito dahil hindi babae ang hanap niya.
Bata pa lamang ay alam na ni Roswold kung ano ang kaniyang tunay na kasarian subalit natatakot siyang lumantad dahil ayaw niyang mabago ang tingin sa kaniya ng lahat. High school pa lamang si Roswold ay iginagalang na siya ng kaniyang mga kaklase at maging ng kaniyang mga guro. Kagalang-galang din naman kasi ang paraan niya ng pagdadala sa kaniyang sarili. Iniingatan niya ang kaniyang reputasyon hanggang kolehiyo at magkatrabaho.
Subalit tao lamang din naman siya. Kailangan din ng pagmamahal. Sinubukan niya ang iba’t ibang mga ga*y dating apps upang may makilalang iba. Katulad na lamang ng isang lalaking guwapo na nakilala niya. Gumagamit ito ng pangalang “Henry,” at ilang beses na rin niyang naka-video call sa isang sikretong video call app. Dito rin siya nagpapadala ng kaniyang mga sensitibong larawan na hinihiling nito sa kaniya. Naliligayahan siya kapag ginagawa ito.
Isang araw, tinangka ni Henry na mangutang sa kaniya. Dahil hindi pa naman sila literal na nagkikita, tumanggi siya.
“Pasensiya ka na, Henry. Hindi kasi ako nagpapautang sa mga hindi ko pa kilala nang personal. Sana maintindihan mo,” sabi ni Roswold habang sila ay magkavideo call. Katatapos lamang nilang gumawa ng mga bagay na matagal na nilang ginagawa sa harap ng camera.
“Grabe ka naman sa akin. Akala ko naman okay na tayo. Akala ko magdyowa na tayo,” sabi ni Henry sa kaniya.
“Sinabi ko naman sa iyo hindi ba, ayoko ng commitment. Saka hanggang dito na lang tayo. Okay na ako sa ganito,” sabi ni Roswold.
“Eh paano kung sabihin ko sa iyong nirerecord ko ang mga ginagawa mo on-cam at puwede ko itong ipadala sa school kung saan ka nagtatrabaho? May alas ako sa iyo, Roswold. Alam ko ang Facebook at Instagram account mo. Puwede kong i-upload doon ang mga videos mo. At nang malaman nila kung ano ka talaga,” pagbabanta ni Henry.
“Subukan mong gawin iyan at ipahahanap talaga kita. Puwede kang makulong sa gagawin mo,” banta rin ni Roswold kay Henry bagama’t kinakabahan na siya. Kung mangyayari man iyon, mas mauunang masira ang kaniyang pangalan at reputasyon, at magiging balewala rin kung maipakukulong niya si Henry. Makikita ng lahat ang kaniyang “dark secret.”
“Huwag mo akong ganyanin. Sige, bukas makakatanggap ng e-mail ang mga directress ng school na pinagtuturuan mo. Goodnight,” paalam ni Henry at nagbaba na ito ng linya. Tinangka ni Roswold na kontakin ito subalit hindi na niya matawagan pa ang account.
Nang gabing iyon, hindi makatulog si Roswold. Paano kung seryosohin ng hayop ang banta nito? Hindi niya alam ang gagawin niya. Naging balisa si Roswold. Napuyat siya kaiisip sa mga bagay na ito.
Kinabukasan, lalong kinabahan si Roswold nang makatanggap siya ng mensahe mula sa sekretarya ng Directress ng paaralang kaniyang pinagtuturuan, na nais siyang makausap nito.
Halatang-halata kay Roswold na wala siya sa pokus. Pabulol-bulol siya habang nagtatalakay. Malamig ang aircon sa loob ng mga silid-aralan, subalit gumigitaw ang kaniyang mga gamunggong pawis. Marami sa kaniyang mga mag-aaral ang nagtanong kung ayos lang ba siya. Parang umuugong ang mga tainga ni Roswold sa labis na kaba. Hindi pa siya handang mawalan ng trabaho, at lalo’t hindi niya kakayaning masira ang kaniyang magandang pangalan. Mapapahiya siya nang labis sa kaniyang mga boss.
At dumating ang oras na pinakahihintay ni Roswold. Nasa harap na siya ng Directress. Seryoso ang mukha nito nang humarap sa kaniya.
“Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa, Professor Buencamino. You’ve been a very good and competent professor dito sa ating university kaya naman…”
Hindi na natapos ng directress ang sasabihin nang putulin ito ni Roswold; agad na siyang humingi ng tawad.
“Sorry Ma’am, hindi ko po sinasadya. Hindi ko po ginusto iyang lumabas. Yes, I’m gay. Hindi ko po alam na nirerecord pala niya ang videos ko. I’m sorry for my acts. I’m very irresponsible. I’m sorry Ma’am…” umiiyak na paghingi ng paumanhin ni Roswold.
Napamaang ang directress kay Roswold. Nagulat sa kaniyang ginawi.
“W-What are you talking about?” I was just saying na I’m eyeing you for a position. Ano bang tinutukoy mo?”
Ipinagpapasalamat ni Roswold na hindi naman pala ginawa ni Henry ang banta nito. Kung may maganda mang naidulot ito, naipagtapat niya sa kanilang directress ang tunay niyang kasarian, bagay na alam niyang hindi nito ipagkakalat, at nakagaan sa kaniyang pakiramdam na may nakakaalam na sa tunay niyang identidad.
Naging wake up call din ito sa kaniya na huwag nang gawin ang mga kalokohang ginagawa niya sa internet. Maaari kasi itong makaapekto sa kaniyang magandang pangalan, na baka pagsisihan niya sa bandang huli.