“Tiya, sige na po. Tanggapin nʼyo na po ako rito sa puder nʼyo. Wala po akong ibang malalapitan kundi kayo lang, pakiusap po!”
Umaagos ang luha ng binatilyong si Zach habang nakikiusap sa kaniyang tiyahin na tanggapin siya nito sa pangangalaga nito dahil wala siyang ibang mapupuntahan.
Mula nang maulila sa kaniyang ina ay nagpagala-gala na sa lansangan si Zach dahil wala naman na silang ibang kamag-anak pa kundi ang kaniyang Tiya Anita na siyang nag-iisang kapatid ng kaniyang ina.
Ang ama ni Zach ay hindi na niya nakilala pa kahit noong siyaʼy ipinanganak pa lamang. Wala siyang balita kung nasaan ito. Hindi naman niya ito masisi dahil ayon sa kaniyang ina ay hindi naman nito alam na may anak sila ng kaniyang ama kaya hindi na naghangad pa si Zach na hanapin sila nito.
“Tiya, maawa na po kayo sa akin. Masipag po ako. Sinisiguro ko pong hindi ako magiging pabigat kung patitirahin ninyo ako sa inyo. Nakikiusap po ako, Tiya Anita!” muli ay pakiusap ni Zach sa kaniyang tiyahin.
Ngunit tila hindi man lang nabagbag ang damdamin ni Anita sa umiiyak na mukha ng kaniyang sariling pamangkin. Noon pa man kasi ay wala naman siyang pakialam dito at sa ina nito dahil hindi naman sila tunay na magkadugo. Ang totoo ay inampon lamang ng mga magulang ng ina ni Zach si Anita noon.
“Pasensiya ka na pero hindi ko na kaya pang tumanggap ng palamunin sa bahay na ito. Mahirap ang buhay ngayon, Zach. Humanap ka na lang ng ibang matutuluyan. Huwag ako ang perwisyuhin mo!” iyon lang ang mga salitang binitiwan niya at pinagsarahan na niya ng pintuan ang binatilyo. Ni hindi man lamang niya naisip na malakas ang ulan sa labas at hindi malayong magkasakit ito dahil sa sobrang lamig. Walang pakialam si Anita!
Halos mapaluhod naman sa sobrang paghihinagpis ang binatilyong si Zach, ngunit kahit ganoon ay mas minabuti niyang magdasal sa Panginoon at humingi ng gabay. Ang makapangyarihang Diyos lamang ang tanging kinakapitan ni Zach lalo na sa mga panahong ito, kaya naman kahit papaano ay kinakaya niya pa ang kalupitan ng tadhana.
Walang ibang mapuntahan si Zach. Naalala niyang ang tanging mayroon lamang siya ay ang huling tagubilin ng kaniyang ina bago ito pumanaw. Ibinigay nito ang buong pangalan ng kaniyang ama at ang address kung saan daw ito noon nakatira, kaya naman kahit nag-aalinlangan ay nagpasiya si Zach na magtungo na roon at magbakasakaling paniwalaan siya nito kahit na mukhang imposible.
“A-anak? N-nagkaanak kami ni Anita? Ikaw ang anak ko?” sunod-sunod ang naging tanong ng kaniyang ama sa kaniya nang humarap siya rito. Ni hindi na niya pinagkaabalahang pumasok sa loob ng bahay nito kahit na inalok naman siya nito dahil basang-basa siya ng ulan at kinakabahan siyang baka hindi rin naman ito maniwala. Isa pa ay nalulula siya sa laki ng bahay nitong matatawag na ngang mansyon. Walang dudang napakayaman ng kaniyang ama.
Tanging tipid na tango lang ang isinagot ni Zach sa ama na sa gulat niya ay bigla na lamang siyang niyakap nang walang pag-aalinlangan!
“Tama ang hinala ko! Naniniwala ako sa ʼyo, anak! Nang iwan ako ng iyong ina noon ay malaki ang hinala kong buntis siya dahil sinigurado ko talaga iyon. Alam kong siya ang babaeng gusto kong pakasalan. Iyon nga lang, dahil sa maling akala ay iniwan ako ng iyong ina. Akala niyaʼy niloloko ko siya at ipinagpalit sa ibang babae. Maniwala ka, anak. Hinanap ko ang mama mo pero hindi na siya nagpakita pa sa akin!” mahabang paliwanag ng kaniyang ama.
Mabilis na nagkapalagayan ang loob ni Zack at ng amang si Arturo dahil na rin sa lukso ng dugo. Isang kilalang tao si Arturo kaya naman naging malaking balita rin ang paglabas ng nag-iisa nitong tagapagmana… si Zach.
Ang balitang iyon ay mabilis na nakarating kay Anita at ganoon na lang ang pagsisisi niya nang malamang nuknukan pala ng yaman ang ama ng kaniyang pamangkin!
Sa kapal ng mukha ni Anita ay sinubukan niya ngayong pumunta sa mansyon ng mga ito upang sanaʼy maambunan man lang ng grasya, ngunit tila bumalik ang karma sa kaniya nang itanggi ni Zach na sila ay magkakilala.
“Hindi mo naman ako kadugo, ʼdi ba?”
Iyon ang tanging katagang binitiwan ng binatilyo bago siya nito tinalikuran.