“Maxine, gusto kong ikaw ang mag-handle ng charity event na ipinangako ko sa mga nasalanta ng bagyo. Ibibigay ko sa ʼyo ang lahat ng pondo. Siguraduhin mong magiging maayos at talagang mapupunta ang pera ko sa mga taong nangangailangan, maliwanag ba?”
Agad na tinanguan ni Maxine ang utos na iyon ng kaniyang boss na siyang presidente ng kompaniyang kaniyang pinagtatrabahuhan bilang sekretarya.
“Noted po, Sir. Sisimulan ko na po agad ang pag-aasikaso sa charity event na ito,” sagot pa niya nang nakangiti kahit pa nga nagtataka talaga siya kung bakit nag-aaksaya ng pera ang kaniyang boss sa mga ganitong klase ng charity events.
Mabait ang kaniyang boss dahil hindi ito pumapalya sa pagtulong sa mga taong nangangailangan kahit pa nga ito ay nasa tuktok na ng tagumpay. Ganoon pa man, wala namang pakialam na roon si Maxine dahil lagi naman siyang nakikinabang sa mga paganito ng kaniyang boss.
Totoo ngang mabait ang kanilang presidente ngunit uto-uto naman ito. Malaki kasi ang tiwala nito sa kaniya kaya naman palagi itong nauutakan ni Maxine. Lingid sa kaalaman ng kaniyang boss, sa tuwing magsasagawa ito ng events at sa kaniya ipinaaasikaso ay hindi niya ginagastos ang lahat ng pera para sa event. Sa katunayan ay mas malaki pa nga ang ibinubulsa niya kaysa sa kaniyang ipinamimigay.
Ganid na ganid si Maxine sa pera. Para sa kaniya, kayang paikutin ng pera ang mundo kaya ginagawa niya ito kahit pa sa pinakamabuting taong nakilala niya sa kaniyang buhay.
At heto nga. Isa na namang charity event ang naisipang isagawa ng kaniyang boss bilang pagtulong sa mga taong nasalanta ng bagyo. Siyempre, siya na naman ang mag-aasikaso ng lahat. Siguradong tiba-tiba na naman siya sa maibubulsa niyang pera. Pakakainin niya ng napakalaking halaga ang kaniyang bank account!
“Kaunting pamemeke lang ng ilang records at solve na. Hindi na maghihinala pa si Sir kung saan mapupunta ang ibang bahagi ng halagang ibinigay niya sa akin!” ang nakangising ani Maxine sa kaniyang sarili.
Ganoon nga ang ginawa ni Maxine. Tinipid niya ang pamimili ng ipamimigay na relief goods sa mga tao upang magkasiya ang kakarampot na perang itinira niya mula sa pondo.
Kahit kailan naman kasi ay hindi nakialam dito ang kaniyang boss. Sa sobrang busy kasi nito ay wala na itong oras upang i-check pa ang mga charity events na ipinaaasikaso nito. Basta nakapagbigay ito ng pera ay okay na dahil malaki talaga ang tiwala niya sa sekretarya.
Lingid sa kaalaman ni Maxine, sandamakmak na reklamo na ang dumarating at nababalitaan ng kaniyang boss tungkol sa mga charity events na kaniyang isinasagawa. Hindi lamang siya nito kinokompronta dahil bukod sa binibigyan pa siya nito ng pagkakataong magbago ay gusto talaga siya nitong hulihin sa akto.
Ngunit ngayong puno na ito, makakatikim na siya ng parusang hindi niya inaasahan mula sa mabait nilang boss.
Sa kalagitnaan ng isinasagawang event ni Maxine ay pasurpresang dumalaw ang kaniyang boss kasama ang lahat ng kaniyang mga kaopisina. Laking gulat ni Maxine! Hindi niya alam kung papaano ipapaliwanag ang sarili laloʼt nakikita niya ang matinding disgusto sa mukha ng kaniyang boss.
Sa hitsura pa lamang ng venue ng kaniyang event ay hindi maipagkakailang tinipid nang todo ang budget para doon. Idagdag pa ang kakarampot na taong inimbita ni Maxine upang pagbigyan ng tulong gayong napakalaking halaga ang ibinigay ng kaniyang boss bilang pondo sa event na ito!
Agad na rumagasa ang kaba sa dibdib ni Maxine. “Sir, magpapaliwanag po ako—” sinubukan niyang magpaliwanag sa kaniyang boss ngunit pinatigil na siya nito sa pagsasalita.
“Huwag ka nang manloko pa, Maxine. Ilang beses na kitang pinagbigyan kahit pa alam kong ilang beses mo na ring sinasamantala ang tiwala at kabaitang ipinakita ko sa ʼyo. Lahat ng ebidensya sa pagnanakaw na ginawa mo sa akin ay nasa akin lamang at ngayon ay handa ko nang ipakita. Sinayang mo ang pagkakataon, Maxine.” May lungkot sa tinig ng mabuting presidente dahil sa nangyari ngunit kailangan niyang turuan ng leksyon si Maxine upang matuto ito at upang hindi na rin pamarisan pa ng iba.
Bukod sa kahihiyan ay mahahatulan pa si Maxine at makukulong sa bilangguan. Iyon ang napapala ng mga taong ganid sa pera. Mga taong walang pakundangan sa panloloko ng iba, mga taong walang konsensiya.
Laking pagsisisi ni Maxine ngunit huli na ang lahat.