Gusto ng Matandang Dalaga na Maging Ganap na Babae Kaya Ibinigay Niya ang Sarili sa Isang Sundalo; Ito Pala ang Nakatadhana sa Kaniya
Kuwarenta y singko anyos na si Beverly ngunit wala pa rin siyang asawa. Never been kissed at never been touched pa rin ang drama niya sa buhay. Natatakot siya na mas lalong tumandang dalaga nang hindi man lang nakakaranas ng s*ks. Hindi raw kasi magiging ganap ang kaniyang pagiging babae kung hindi siya makakaranas na makipagniig sa isang lalaki.
“Nakakaloka ka, Beverly, kung kailan ka pa nagka-edad ay saka pa kumerengkeng? Para kang nagmumurang kamias niyan, eh!” pang-aasar ng kaibigan niyang binabae na si Harison.
“Ewan ko ba, ba*la, pakiramdam ko kasi, hindi makukumpleto ang pagkababae ko kung hindi ako makakatikim ng…alam mo na. Gusto kong ma-experience ‘yung naranasan ng mga babaeng hindi na vir*gin!” sagot niya sa kaibigan.
“Mahabaging langit! Kung nabubuhay pa ang inay at itay mo ay ibibitin ka ng patiwarik ng mga ‘yon o ‘di kaya ay isusumpa ka sa mga sinasabi mo!” hirit pa ng binabae.
“Basta, gusto ko bago ako mawala sa mundo ay matikman ko ang sinasabi nilang ikapitong langit.”
Kinaumagahan, pupunta sana si Beverly sa batis para maglaba nang may nakita siyang taong nakahandusay sa batuhan. Nang lapitan niya ay isa pala itong batang sundalo na sa tingin niya ay nasa beinte singko o beinte sais anyos ang edad. Wala itong malay at may sugat sa kanang balikat. Dali-dali niya itong inalalayan patayo at dinala sa kaniyang bahay. Nag-init siya ng tubig at naghanda ng mga gagamitin sa paglilinis ng sugat ng lalaki. Habang ginagamot ang sundalo ay hindi niya naiwasang pagmasdan ang mukha nito.
“Ang amo naman ng mukha ng sundalong ito. Napakaguwapong bata!” bulong niya sa sarili.
Matapos na magamot ang sugat ng sundalo ay hindi pa rin ito nagigising kaya hinayaan na niya itong magpahinga. Maya-maya ay pinuntahan siya ni Harison sa bahay niya at nagulat ito nang madatnan doon ang sundalo.
“S-sino ang lalaking ‘yan, mama?!” gulat nitong tanong.
“Sshh…huwag kang maingay, baka magising! Nakita ko siyang walang malay at sugatan sa batis. Tinulungan ko, nakakaawa kasi, eh!”
Pinagmasdang mabuti ng binabae ang natutulog na lalaki.
“Ang guwapo naman ng bagets na sundalong ‘yan, mama at ang katawan, pangromansa! Siya na ang sagot sa matagal mo ng dasal!” kinikilig na wika ng kaibigan.
“Hoy, kahit ako ganito, hindi naman ako hayok sa lalaki ‘no! At isa pa, napakabata ng lalaking ‘yan sa akin, parang kapatid ko na ‘yan.”
“Bahala ka, nasa harap mo na ang grasya, ayaw mo pa? Matitig*k kang vir*gin!”
Hindi na pinansin ni Beverly ang pang-aasar ng kaibigan. Nang sumapit ang gabi ay nagising na rin ang sundalo. Tinangka nitong bumangon sa hinihigaang papag ngunit biglang kumirot ang sugat nito sa balikat.
“Aray ko!”
“O, gising ka na pala! Huwag ka munang magkikilos dahil hindi pa magaling ang sugat mo,” sabi ni Beverly.
“N-nasaan ako? Paano ako napunta rito?” tanong ng lalaki.
“Nakita kitang sugatan at walang malay sa batis kaya dinala kita rito sa bahay ko para gamutin. Ano ang pangalan mo at ano ang nangyari sa iyo?”
“Ako si Boris, isa akong sundalo. May mga naka-engkwentro akong tulisan sa gubat. Nagawa nila akong masugatan sa balikat pagkatapos ay nawalan na ako ng malay at hindi ko na matandaan kung ano na ang sumunod na nangyari. Kung gayon ay iniligtas mo pala ang aking buhay. Salamat sa iyo, binibini,” magalang na sambit ng sundalo.
“Walang anuman. Sige, magpahinga ka na muna para mabawi mo ang iyong lakas at magluluto muna ako ng mainit na sabaw para sa hapunan natin.”
Madaling nakagaanan ng loob nina Beverly at Boris ang isa’t isa. Sa ilang araw na inilagi roon ng lalaki ay lalo itong napalapit sa babae ngunit may nalaman ito na labis nitong ikinabigla.
“Ano, kuwarenta y singko anyos ka na?!” gulat na tanong ni Boris kay Beverly.
“Oo, bakit ka nagulat? Ngayon ka lang ba nakakita ng matandang dalagang gaya ko?”
“Hindi lang ako makapaniwala, dahil hindi ka naman mukhang kuwarenta y singko anyos. Mas bata kang tingnan, Beverly.”
Totoo naman ang sinabi ng lalaki. Hindi mahahalata na wala na sa kalendaryo ang edad ni Beverly dahil mukha pa rin itong bata ng lima o sampung taon sa totoo nitong edad.
Dahil sa taglay na kabaitan at pagiging maasikaso ng babae ay hindi naiwasang mahulog ang loob ni Boris sa kaniya kaya kahit magaling na ang sugat nito ay hindi pa rin ito umaalis. Isang araw ay nagtapat na ang lalaki sa tunay na nararamdaman nito.
“Sa tingin ko ay mahal na kita, Beverly. May mga naging nobya ako sa Maynila noon, pero naiiba ka sa kanila. Para sa akin, ikaw na ang babaeng gusto kong makasama habangbuhay,” sabi ni Boris habang hawak ang kaniyang mga palad.
“Mahal na rin kita, Boris, pero ang laki ng agwat ng edad natin. Baka hindi ako matanggap ng iyong pamilya.”
“Hindi naman sila ang makikisama sa iyo, kundi ako kaya wala silang dapat ipag-alala. Saka isa pa, open minded sina mama at papa kaya siguradong matatanggap nila ang relasyon natin.”
Nagparamdam din ang lalaki na gusto na nitong makipagniig sa kaniya na tanda na gusto nitong iparamdam sa kaniya kung gaano siya nito kamahal. Bumalik sa alaala ni Beverly ang matagal na niyang gustong mangyari, ang ipaubaya ang katawan niya sa isang lalaki para maging ganap na babae. Tama rin ang kaibigan niyang si Harison na si Boris na ang tutupad sa kaniyang hiling. Dahil sa mahal na niya ang lalaki ay isinuko na niya rito ang kaniyang pagkababae.
Kinaumagahan ay mas maagang nagising si Boris. Hinayaan muna niyang matulog si Beverly. Alam niyang napagod ito sa ginawa nila kagabi. Napansin din niya na nasira ang kaniyang underwear kaya naisip niyang sulsihin iyon. Naghanap siya ng sinulid at karayom sa tokador. Laking gulat niya nang makita ang isang lumang litrato. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang batang kasama ng isang babae sa litrato. Agad niyang ginising si Beverly.
“Mahal, mahal, gising!”
Pupungas-pungas pa si Beverly na bumangon sa papag.
“Ano’ yon, mahal ko?”
“Ikaw ba itong babae na nasa litrato?” tanong ni Boris saka ipinakita kay Beverly ang nahalungkat na lumang litrato sa tokador.
“Oo, ako nga ‘yan! Kuha ‘yan noong trenta anyos ako. Maikli pa ang buhok ko riyan kaya hindi mo ako nakilala,” sagot ng babae.
“Beverly, nagkita na pala tayo sa iyong nakaraan!” sambit ng lalaki.
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Ang batang nasa likod mo sa litrato, ako ang batang ‘yan! ‘Di ba ang lugar na ‘yan ay sa Luneta Park?”
Gulat na gulat si Beverly nanang malamang nakasama na niya noon pa sa litrato ang lalaking una niyang minahal at pinag-alayan ng kaniyang pagkababae.
“Isa lang ang ibig sabihin nito, kahit noon pa man ay pinagtagpo na tayo ng panahon. ‘Di ako makapaniwala na sa paglipas ng ilang taon ay magkikita tayong muli at magmamahalan,” wika ni Boris.
“Ngayon ay napagtanto kong sinadya talaga tayong pagtagpuin ng langit. Gusto ko noon na mawala ang aking pagkabirhen upang maging ganap ang aking pagiging babae, ‘di ko akalaing ibibigay rin sa akin ang isang tunay na pag-ibig,” sagot naman ni Berverly.
At minsan pa nilang pinagsaluhan ang tamis ng kanilang pagmamahalan.
Ipinakilala ni Boris ang kasintahang si Beverly sa mga magulang at tanggap naman ng mga ito ang kanilang relasyon. ‘Di nagtagal ay ikinasal na rin ang dalawa at napagdesisyunan na muling manirahan sa probinsya. Tuwang-tuwa naman ang kaibigang binabae ni Beverly na si Harison dahil natupad na rin sa wakas ang pangarap ng kaibigan na maging isang “ganap” na babae.