Ibinagsak ng Titser ang Estudyante Kaya Hindi Ito Naka-Graduate; Babalikan Pala Siya Nito Pagkaraan ng Ilang Taon
Habang nagbabasa ng diyaryo at umiinom ng kape si Wilbur sa isang coffee shop ay may biglang lumapit sa kaniya at tinawag ang pangalan niya.
“Hello, Sir Wilbur Paez!”
Napalingon ang lalaki sa kaniyang likuran. Nakita na ang isang lalaki na nakasuot ng kulay puting t-shirt at sira-sirang maong shorts. Balbas-sarado rin ito na mukhang kinalimutan nang mag-ahit.
“S-sandali, bakit mo ako kilala? Sino ka ba, hijo?!” nagtataka niyang tanong.
“Sir naman, hindi niyo po ba ako naaalala? Ako po si Andrew, Andrew Santiago, ‘yung estudyante niyo noon sa high school,” sagot ng lalaki.
Isinuot ni Wilbur ang kaniyang salamin sa mata para pagmasdang mabuti ang itsura ng lalaki. Tinitigan niya itong mabuti mula ulo hanggang paa. Hindi siya nagtaka o nagdalawang isip nang makilala ang nagpakilalang estudyante niya na si Andrew Santiago. Hindi pa rin ito nagbabago. Sa ayos palang nito at pananamit ay mukhang wala pa rin itong nararating sa buhay.
“Mr. Santiago, ikaw na ba ‘yan? Hindi kita nakilala,” pakitang-tao niyang sagot sa kaharap.
“Kumusta na kayo, sir? Hindi pa rin kayo nagbabago. Parang hindi kayo tumatanda,” tugon ng lalaki.
Natawa lang si Wilbur sa sinabi ng dating estudyante. Muling bumalik sa alaala niya ang nakaraan. Estudyante pa niya noon si Andrew sa high school at siya naman ay ang guro nito sa Matematika. Sobrang mahina ang ulo nito sa kaniyang klase kaya palagi niya itong kinagagalitan.
“Bagsak ka na nga sa exam, bagsak ka pa rin sa recitation, Mr. Santiago? Ikaw ba ay nag-aaral nang mabuti sa subject ko?” tanong niya rito.
“Sorry po, sir. Nag-aaral naman po ako, pero hindi ko po talaga maintindihan,” tugon ni Andrew.
“Pagbibigyan kita, kapag bumagsak ka pa sa pinakahuling exam na ibibigay ko, pasensyahan na tayo, wala akong magagawa kundi bigyan ka ng bagsak na marka. Kapag nangyari ‘yon ay hindi ka makaka-graduate sa high school,” pagbabanta niya.
Nang sumapit ang pinakahuling pagsusulit ngunit hindi pa rin nagawang maipasa ni Andrew ang pagsusulit sa subject ni Wilbur kaya wala na siyang nagawa kundi bigyan ng bagsak na marka ang estudyante. Dahil may bagsak na marka si Andrew ay hindi siya naka-graduate sa high school. Mahigpit na ipinatutupad sa kanilang eskwelahan na kailangang maipasa ng isang estudyante ang lahat ng subject para makaakyat sa entablado at makakuha ng diploma.
Mayamaya ay bumalik na ang alaala ni Wilbur sa kasalukuyan. Inanyayahan niyang maupo ang kaniyang dating estudyante at inalok na magkape.
“Halika, hijo. Samahan mo akong magkape. Hindi ko talaga inasahan na magkikita tayo rito.”
“Naku, salamat po, sir. Ang totoo ay sinadya ko talaga kayong hanapin.”
Napalunok si Wilbur sa sinabi ng lalaki. Bigla niyang naisip na baka hinanap siya nito para gantihan siya sa ginawa niyang pagbagsak dito noon.
“B-bakit mo ako hinahanap?” kinakabahang tanong ni Wilbur.
“Matagal ko na po kayong hinahanap. Nabalitaan ko pong nagretiro na kayo sa pagtuturo. Mabuti na lamang at sadyang pinagtagpo tayo ng tadhana, sir. Gusto ko po sanang magpasalamat sa inyo dahil kung hindi niyo ako ibinagsak noon ay hindi sana ako nagkaroon ng motibasyon para muling mag-aral. Aminado naman po ako na mahina ang aking ulo sa Matematika, pero nagtiyaga akong ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa high school. Sa awa naman ng Diyos ay naka-graduate rin ako nang sumunod na taon. Sayang nga po at hindi ko na kayo naging guro dahil lumipat na raw kayo sa ibang eskwelahan. Nakapagtapos din po ako sa kolehiyo sa kursong Business Administration at ngayon ay may sarili na akong negosyo. Ako po ang nagmamay-ari ng coffee shop na ito. Bukod po rito ay mayroon pa akong ibang negosyo sa Quezon City, Makati at Taguig. Kung dati ay isang kahig at isang tuka ang aming pamilya, ngayon ay maayos at maganda na ang buhay namin. Kaya, sir huwag niyo na pong bayaran ang inorder niyong kape, libre ko na ‘yan sa inyo,” hayag ng lalaki.
Sa ikinuwento ng dating estudyante ay napahiya si Wilbur sa inisip niya rito. Ang akala niya ay wala pa rin itong narating sa buhay ngunit kabaligtaran pala ang nangyari. Nakapagtapos din ito sa pag-aaral at naging matagumpay na negosyante. Hindi niya dapat hinusgahan si Andrew sa itsura nito at pananamit. Kung dati ay naiinis siya rito dahil mahina ang ulo nito, ngayon ay ipinagmamalaki niya ito dahil kahit ibinagsak niya ito noon ay hindi pa rin ito sumuko sa buhay at patuloy na lumaban para makamtan ang magandang hinaharap.