May Nakuhang Wallet ang Babae sa Pantalon na Nabili Niya sa Ukay-Ukay; May Nagmamay-Ari Pala Nito
Malungkot ang nakatatandang kapatid ni Cheska na si Gino dahil nawalan ito ng trabaho sa pinapasukang fast food chain sa Malate. Natapos na kasi ang kontrata nito roon kaya namomroblema ito kung saan uli mag-a-apply. Ipinagdiriwang pa naman ng binata ang ikadalawampu’t lima nitong kaarawan saka pa ito nawalan ng pagkakakitaan. Para mapasaya kahit kaunti ang kapatid ay naisipan ni Cheska na bilhan ang kaniyang kuya ng regalo.
“Tamang-tama, bukas na ang ukay-ukay. Ano kaya ang bibilhin ko para kay Kuya Gino?”
Pumasok siya sa loob ng ukay-ukay at tumingin ng mga damit.
“Ang daming puwedeng iregalo kay kuya kaso hindi sapat ang dala kong pera. Pipili na lang ako ng siguradong magugustuhan niya,” sabi pa niya sa isip.
Tinawag niya ang isang babaeng nag-e-estima ng mga kustomer.
“Ate, ate, magkano ang isang ito?” tanong niya sa babae at ipinakita ang isang pantalong maong.
“Two hundred pesos, miss!” sagot nito.
Sandaling sinipat ni Cheska ang pantalon. Tiniyak na magkakasya iyon sa kapatid niya. Maaari naman daw ibalik ang biniling damit kung hindi magkakasya sa magsusuot at papalitan iyon ng ibang damit.
“Sige, ate, bibilhin ko na ito!”
Hindi na inusisa pa ni Cheska ang nabiling pantalon. May size naman na nakalagay doon kaya tiyak niyang magkakasya iyon sa kuya niya. Nang alisin niya sa plastik at tangkang ibabalot na sa gift wrapper ay may nakapa siya sa bulsa ng pantalon.
“A-ano kaya ito?!”
At nang dukutin niya iyon sa bulsa ay laking gulat niya sa nakita.
“W-wallet? May kasamang wallet ang nabili kong pantalon. Hindi ko ito napansin kanina!”
Binuksan niya ang wallet at may laman itong pera na nagkakahalaga ng limang libong piso. Bukod sa pera ay may mga ID din na nakasuksok sa loob niyon. Tiningnan niya ang isa sa mga ID na naroon. Mayroong pangalan ng may-ari, address at contact number. Agad niyang tinawagan ang numero at may sumagot naman.
“Hello, maaari po bang makausap si Mr. Ryan Dela Cerna?” tanong niya sa lalaking nasa kabilang linya.
“Ako nga si Ryan Dela Cerna. Sino ito?”
“Ako po si Cheska. May nakuha po kasi akong wallet sa nabili kong pantalon sa ukay-ukay. May laman pong mga ID ang wallet na sa inyo nakapangalan. Tumawag po ako para isauli ito sa inyo.”
“Diyos ko! Isang linggo ko nang hinahanap ang wallet ko na ‘yan. ‘Di sinasadyang napasama ang aking pantalon sa mga damit na ibinenta ko sa ukay-ukay. ‘Di ko akalaing may magsasauli pa niyan sa akin. Hindi naman mahalaga ang perang laman ng wallet, ang mahalaga ay ang mga ID na nasa loob dahil sa panahon ngayon ay napakahirap kumuha uli ng panibagong mga ID kapag nawala ang mga ‘yan. May mga papel ding nakasuksok diyan na may nakasulat na mga importanteng contact number na ginagamit ko sa negosyo kaya hiling ko noon na kahit ang mga iyan na lamang ang maibalik sa akin. Mabuti at ikaw ang nakakuha, maraming salamat! Saan ba ang address mo at pupuntahan ko para personal kang pasalamatan?”
Pinuntahan ng lalaki ang bahay nina Cheska para makita ang taong nakakuha sa kaniyang wallet. Isinauli ng dalaga ang wallet sa totoong namamay-ari nito. Nagulat naman ang kapatid niyang si Gino sa nangyari. Nagpasalamat din ito sa regalong ibinigay ng bunsong kapatid.
“Salamat, Cheska! Nag-abala ka pa. Sana ay inipon mo na lang ang perang ipinambili mo ng regalo. Kailangan nating magtipid ngayon hangga’t hindi pa ako nakakahanap ng bagong trabaho,” wika ng binata.
Biglang nagsalita ang may-ari ng wallet.
“Huwag kang mag-alala, hijo. Bibigyan kita ng trabaho sa aking restaurant. Tamang-tama dahil nangangailangan ako ng mga service crew. Kung gusto mo ay maaari ka nang magsimula bukas,” sabi ng lalaki.
“Naku, maraming salamat po, Mr. Dela Cerna!” gulat na sambit ni Cheska.
“Nakakahiya naman po, pero maraming salamat, sir sa trabahong inialok niyo sa akin!” masayang tugon ni Gino.
“Ibinabalik ko lang ang kabutihang ginawa ng iyong kapatid. Napakasuwerte mo dahil nagkaroon ka ng mabait at matapat na kapatid,” sambit pa ni Mr. Dela Cerna.
Sa pagsasauli ni Cheska ng wallet sa tunay na nagmamay-ari nito ay ‘di niya inasahan na may kapalit palang mas magandang regalo para sa kaniyang kapatid, iyon ay ang pagkakaroon uli nito ng trabaho.
Ang paggawa ng kabutihan sa kapwa ay may balik na kabutihan lalo na kung ito’y walang hinihinging kapalit.