Dalagang Gastadora Kahit sa Panahon ng Pandemiya, Hindi Nga Ba Nauubos ang Pera Niya?
“Claire, libre mo naman kami ng isang tagay lang. Namimiss ko na talaga ang uminom,” saad ni Franco sa chat, kaklase ng dalaga.
“Kayo talaga, saan ba kayo bibili ng alak, ‘di ba bawal pa nga?!” mabilis na sagot ng dalaga rito.
“Mayroon dito sa amin, kaso wala kaming pambili. Tara, punta ka dito, inuman tayo,” wika namang muli ng binata.
“Siya sige, i-Gcash ko nalang ang padala tapos mamaya ako pupunta riyan,” mabilis na saad nito sa kaklase at saka nag padala ng dalawang libong piso.
Kilalang galante ang dalaga sa kanilang magkakaklase, wala kasing bukambibig ito kundi ipagyabang ang negosyo nila sa Maynila. Kaya naman ngayon panahon ng pandemic ay siya ang naging takbuhan ng mga kakilala o kaibigan na nais humiram ng pera. Hindi rin nagbago ang kaniyang pamumuhay kahit nga ang iba ay hirap na hirap dahil walang pera. Nariyang masasarap na pagkain pa rin ang nasa kaniyang mesa at buong araw na naka-aircon lamang ito sa kaniyang inuupang apartment.
“Ma, kailan kayo magpapadala ulit ng pera? Ubos na pera ko,” wika ni Claire sa telepono habang kausap niya ang kaniyang nanay.
“Nak, kakapadala lang namin ng limang libo sa’yo nung nakaraang araw ‘di ba? Ubos na ba?” malungkot na sagot ng kaniyang nanay.
“Ma, para ka namang iba. Alam mo naman na ang mahal ng bilihin dito sa lugar namin. Isa pa, hindi ako lumalabas kasi delikado kaya palagi akong nagpapa-deliver. Padalhan niyo na ako ng pera ha, naniningil na rin ‘yung upa rito sa amin,” sabi naman muli ni Claire.
“Anak, hindi ba’t sabi ng pangulo ay hindi muna maniningil ng upa? Saka isa pa, matuto ka naman magtipid ng kaunti, ‘nak, ang hirap ng buhay ngayon. Sarado ang negosyo natin,” sagot naman muli ng kaniyang nanay.
“Hala, ang dami-dami nating pera sa banko tapos titipirin niyo lang ako? Mabuti pa sigurong hindi na lang ako mag-aral, diyan nalang ako sa Maynila at ako ang magpapalakad ng negosyo natin. Bakit ba kasi dito niyo ako sa Paranaque pa pinag-aral, ang layo ko tuloy sa inyo,” inis na sagot niya saka dali-daling pinutol ang kanilang usapan.
“Kasalanan naman nila ito, sinanay nila ako sa marangyang buhay tapos ngayon titipirin ako! Nakakahiya sa mga kaklase ko, sa mga kaibigan ko!” wika niya sa sarili saka nagdabog.
Mabilis niyang naisip ang kaniyang tiyahin at dali-dali rin kinuha ang kaniyang selpon upang tawagan ito.
“Tita, bigyan mo naman ako ng pera,” saad niya kaagad.
“Claire! Ano ka ba namang bata ka, hindi mo ba alam nangyayari ngayon sa negosyo niyo? Nahuli na kayo! Kaya kung ako sa’yo, maawa ka sa mga magulang mo,” siwalat ni Aling Riza, tiyahin ng dalaga.
“Ha? Anong nahuli?” gulat na sagot ni Claire rito.
“Hindi pa ba sinasabi sa’yo ng mama mo? Nakakulong ngayon ang papa mo at kumpiskado lahat ng gamit sa negosyo niyo. Bukod pa roon ay patong-patong na utang din ang kinakaharap niyo. Wala ka talagang alam?” muling tanong ng ale sa kaniya. Hindi na siya sumagot pa at mabilis na tinawagan ang kaniyang nanay.
Doon niya napag-alaman ang tunay nilang pinagkakakitaan at iyon pala ang paglalakad ng mga pekeng dokumento at paggawa ng pekeng pera. Wala siyang kaaalam-alam sa problemang kinahaharap na pala ng kaniyang mga magulang.
“Baka naman pwede niyo akong padalahan ng pera. Kailangan ko lang talaga,” saad niya sa mga kaibigan niya.
“Naku, pasensiya ka na, Claire, walang-wala rin talaga kami. Sa susunod na lang siguro,” paulit-ulit ding sagot na natatangap niya.
Wala ni isang taong tumulong sa kaniya na magbigay ng pinansiyal kahit pa nga lahat ng mga iyon nililibre niya noon.
“Anak, pasensiya ka na kung ganito ang buhay natin. Sana, anak, ay may naitabi ka kahit papano na pera kahit para sa’yo na lang. Pasensiya na, anak,” wika ni Mang Mario, tatay ng dalaga habang kausap lamang ito sa telepono.
Hindi na nagawa pang sumagot ng dalaga at naiyak na lamang ito. Ngayon niya napagtanto na ang mga taong tinuturing niyang kaibigan ay matatawag lamang niya sa oras ng kasiyahan at kapag sa ganitong yugto ng buhay niya ay wala siyang maasahan na ibang tao kundi ang pamilya lamang niya.
Biglang natuto si Claire na magtipid, umalis ito sa inuupahang apartment at sinamahan ang kaniyang nanay sa pag-aayos ng papel ng kaniyang ama.
Labis niyang pinagsisisihan na wala siyang inipon na kahit piso para man lamang makatulong sa kaniyang pamilya
“Claire, galit ka ba sa amin dahil sa trabaho namin?” malungkot na tanong ng kaniyang nanay.
“Ngayon pa ba ako magagalit, ‘ma, sana noon palang alam ko na para naman ako na mismo ang nag-alis sa inyo sa ganiyang gawain. Sana noon palang ay mas nabuhay na tayo ng simple para hindi natin ito dinadanas. Pasensiya na, ‘ma, alam kong gusto niyo lang ako bigyan ng magandang buhay pero huwag nating gawin ito sa ganitong paraan,” sagot niya saka niyakap ang kaniyang nanay.
Mas nangingibabaw ang galit niya sa kaniyang sarili dahil sa naging pabaya siyang anak at higit sa lahat ay gastadora at maluho. Kung noon pa lamang sana ay alam na niya ang totoo baka may mas nagawa pa raw siya.
Simula noon ay nagtrabaho kaagad si Claire kahit nga panahon ng pandemiya. Nariyang nagbenta siya ng kaniyang mga gamit makatulong lamang sa kaniyang ama. Ngayon ay mas naging wais at praktikal na ang dalaga at mas natutunan niyang tumawag sa Diyos upang ipagdasal na matapos na ang pandemic at ang kaso ng kaniyang ama.