Inday TrendingInday Trending
Naglalako Lamang ng Kakanin ang Batang Lalaki Upang May Maibaon at Maiuwi sa Bahay, Dito Niya Rin Pala Matatagpuan ang Kaniyang Swerte

Naglalako Lamang ng Kakanin ang Batang Lalaki Upang May Maibaon at Maiuwi sa Bahay, Dito Niya Rin Pala Matatagpuan ang Kaniyang Swerte

“Nay, aalis na po ako,” paalam ni Arjay sa inang nagsasaing sa kusina.

“Sige anak, mag-iingat ka,” narinig niyang sagot ng nanay niya bago siya makalabas ng bahay nila.

Kagagaling lamang ng batang si Arjay sa eskwela. Pagkatapos kasi ng klase niya ay inilalako niya ang mga kakainin na gawa ng nanay niya. Sa umaga’t maghapon ay ang nanay niya ang naglalako sa labas ng mga eskwelahan. Siya naman pagkatapos ng klase niya sa hapon hanggang sa gabi. Naglalako siya sa daan hanggang sa mga paradahan ng jeep at minsan ay sa mga terminal din ng bus.

Pero nitong nakaraang buwan ay siya na lamang ang naglalako ng mga kakaning paninda nila dahil madalas magkasakit ang nanay niya nitong huli.

“Kuya, kuya, baka gusto niyo po ng kakanin? Bente lang po ang isang supot,” tawag ni Arjay sa lalaking dumadaan ngunit hindi siya nito pinansin. Diretso lang sa paglalakad ang lalaki na para bang hinahabol ang oras. Hindi nalang din ito pinansin ni Arjay at nagpatuloy lang sa pagtawag sa mga dumadaan at sinsubukang maibenta ang kaniyang mga dala na kakanin.

“Ate, kakanin po, bili na po kayo,” tawag ulit ng batang si Arjay sa isang babaeng dumadaan. Tumigil naman ang babae at lumapit sa kaniya.

“Sige bata, magkano itong kakanin mo?” tanong sa kaniya ng babae habang nakatingin sa kaniyang mga paninda.

“Bente lang po ate. Murang-mura. Masarap pero hindi masakit sa bulsa at siguradong mabubusog ka pa,” masiglang sagot ni Arjay sa babae. Napatingi naman ang babae sa nakitang kasiglaan ni Arjay.

“Hapon na pero masigla ka pa rin, hindi ka pa ba pagod sa buong araw na pagtratrabaho?” tanong ng babaeng halatang natutuwa sa bata.

“Hindi pa naman po. Ilang oras pa lang naman po akong naglalako ng mga paninda eh,” sagot naman ni Arjay.

“Ano? So ano pala ginawa mo simula kaninang umaga?” medyo nagulat na tanong ng babae. Akala niya kasi ay naglalako lang talaga ng pagkain ang batang nagtitinda ng kakanin.

“Nasa eskwela po. Sa umaga hanggang hapon po ay nasa eskwelahan po ako tapos pag tapos na po ang klase ko ay naglalako na po ako,” sagot ulit ng bata sa babae.

“Ganun ba? Ang sipag mo naman,” komento pa ng babae kay Arjay.

“Eh nasaan pala ang mga magulang mo?” tanong muli ng babae. Hindi maiwasan ng babae ang ma intriga sa batang naglalako ng kakanin.

Araw-araw niya kasi itong nakikitang nagtitinda kapag hapon na o malapit ng gumabi. Parati ding nakangiti ang bata kaya naman naaagaw parati nito ang kaniyang atensyon sa tuwing siya ay naglalakad at pauwi na.

“Matagal na po kaming iniwan ng tatay namin. Yung nanay ko naman ay nasa bahay na po ngayon at inaalagaan ang mga kapatid ko. Sa umaga’t maghapon habang nasa eskwela ako ay siya ang naglalako ng mga kakaining ito. Siya rin po ang gumagawa ng mga ito. Dito lang po kasi kami kumukuha ng perang pangtustos ng mga pangangailangan naming araw-araw eh. Kaya kailangan ko pong magtyaga at magsumikap dahil saan nalang po kami pupulutin kung tumunganga lang po at walang gawin? Lalo na po ngayong madalas magkasakit si inay,” mahabang sagot ni Arjay sa babae.

Naantig naman ang puso ng babae sa narinig sa batang si Arjay.

“Ganun ba? Nakakabilib ka naman bata. Ang bata mo pa pero napaka responsable mo na. Anong pangalan mo bata?” nakangiting tanong ng babae kay Arjay. Talaga namang napabilib ni Arjay ang babaeng kausap.

“Arjay po, ate. Bibili na po kayo?” inosenteng tanong niya sa babae. Natawa naman ang babae sa kaniya.

“Oo naman. Sige at bibilhin ko na ang lahat ng ‘yan nang makauwi ka ng maaga at matulungan at maalagaan mo ang nanay mo sa bahay niyo,” nakangiting sagot ng babae. Nanlaki naman ang mga mata ni Arjay sa narinig.

“Talaga po ate? Naku maraming salamat po! Pagpalain po kayo ng Diyos! Naku matutuwa po nito si Nanay!” hindi makapaniwalang saad ng bata at kulang nalang ay magtatatalon sa tuwa.

“Oo naman. Pero pwede bang kunan kita ng ilang larawan?” Nakangiting tanong ng babae. May naisip kasi itong gawin para matulungan sana ang batang si Arjay. Pumayag naman ang bata at pagkatapos, gaya ng sabi ng babae ay binili nito lahat ng kaniyang kakaning paninda.

Nang makauwi nang bahay niya ang babae ay agad niyang tinikman ang mga kakaning binili niya.

“Hmm… ang sarap naman pala ng mga ‘to,” komento niya sa mga kakanin. Agad niyang kinuha ang camera niya at ang laptop niya at sinimulan ang kaniyang naisip na gawin para makatulong sa batang si Arjay.

“Ma’am, dumating na po si Atty. Arjay Delos Santos,” tawag kay Ara ng kaniyang secretary.

Ilang taon na ang nakalilipas simula ng pagtatagpo ng kanilang landas ni Arjay Delos Santos. Ang batang naglalako lamang ng kakanin noon ay isa ng matagumpay na abogado ngayon.

“Atty. Delos Santos,” tawag niya sa gwapong binata na kararating lamang.

“Miss Ara naman, sabing Arjay na lang po. Gaya ng tawag niyo sa’kin dati,” nahihiyang saad ni Arjay sa kaniya. Marahan naman siyang natawa sa reaksyon nito.

“Proud lang ako sa’yo iho,” nakangiting sagot niya sa binata.

“Salamat po Miss Ara. Kung hindi po sa inyo ay siguradong wala ako ngayon dito. Utang ko po sa inyo ang tagumpay ko,” sagot ng binata sa kaniya. Marahan naman siyang umiling sa sinabi nito.

“Hindi totoo ‘yan. Naging stepping stone mo ang tulong na naibigay ko, pero sarili mong pagsisikap ang naglagay sa’yo kung nasaan ka man ngayon. Hindi mo mararating ang tagumpay na iyan kung umasa ka lang sa tulong ko,” sagot niya sa binata.

“Kahit na po. Ikaw pa rin po ang nagsilbing daan ko sa tagumpay. Maraming salamat po Miss Ara,” buong pusong pasasalamat ng binata sa kaniya. Ngumiti na lamang siya sa binata bilang tugon sa pasasalamat nito.

Pagkauwi ni Ara sa bahay niya ilang taon na ang nakakalipas nang araw na binili niya ang lahat ng paninda ng batang si Arjay ay nagpost siya sa ilang social sites ng kwento ng batang si Arjay. Agad din naman itong nag viral dahil sa marami ang naantig ang puso sa kaniyang kwento. Dahil dun ay marami ang nagdonate at nag offer ng sponsorship at scholarship kay Arjay. Nabigyan nang trabaho ang kaniyang ina.

Likas na masipat at matalino si Arjay kaya naman hindi niya binigo ang lahat ng tumulong sa kaniya at naging isang ganap na abogado. Dahil narin sa kaniyang nakaraan at sa lubos na pasasalamat sa lahat ng taong tumulong sa kaniya, ay isa na rin siya sa mga tumutulong ngayon sa mga batang kagaya niya na kapos sa pera at hirap sa buhay pero may mga pangarap.

Kagaya ng mga taong tumulong sa kaniya ay gusto niya rin na magbigay ng liwanag sa buhay ng ilang bata. Magbigay pag-asa at tulungan silang abutin ang kanilang mga pangarap.

Advertisement