Kaytagal na Pinangarap ng Dalaga na Makakitang Muli; Laking Gulat Niya nang Malaman Kung Sino ang Nagbigay sa Kaniya ng Panibagong mga Mata
“Kumusta ang pakiramdam mo iha?” tanong kay Maris ng kaniyang doctor.
Napalingon naman ang dalaga kung saan nanggagaling ang boses ng doctor.
“Okay naman po, doc. Medyo kinakabahan po… pero masaya din po ako at excited,” nakangiting sagot ni Maris. Napangiti din ang doctor sa narinig sa dalaga. Pareho nilang matagal na hinintay ay sandaling ito.
“Masaya rin ako para sa’yo. Masaya akong naging matagumpay ang operasyon mo at ngayon ay muling makakakita ka na. Tanggalin na natin ang bandages mo ha?” paalam ng doctor bago nito dahan-dahang tinanggang ang bandages na nakapalibot sa kaniyang ulo upang matakpan ang kaniyang mga mata.
Dahan-dahang binuksan ni Maris ang kaniyang mata. Tumambad sa kaniya iba’t ibang kulay at mga bagay. Hindi na gaya ng dati na puro dilim ang kaniyang nakikita. Hindi napigilan ng dalaga ang mapaluha sa sobrang tuwa na nararamdaman.
“Nakakakita na ako! Nakakakita na ulit ako!” Lumuluhang saad ng dalaga. Napahagulgol din ang kaniyang ina at yumakap sa kaniyang ama na bakas din ang kaligayahan sa mukha.
“Salamat po, doc! Maraming salamat po,” paulit-ulit na pasasalamat ng mga magulang ni Maris sa kaniyang doctor.
Iniikot naman ni Maris ang kaniyang paningin sa loob ng kaniyang silid. Parang may kulang ata. Napatingin siya sa kaniyang nakababatang kapatid.
“Nasaan ang Kuya Dave mo?” tanong niya sa kapatid. Si Dave ang kaniyang nobyo. Ibubuka palang ng kapatid niya ang bibig nito ng biglang magsalita ang kanilang ina.
“Naku anak, magpahinga ka na at baka mabinat ka pa. Kakagaling mo lang sa operasyon. Ipahinga mo na rin ang mga mata mo ha? Matulog ka muna. Babalik na lang kami mamaya,” saad ng kaniyang ina bago lumabas ng kaniyang silid kasama ang kapatid, ama at doctor niya.
Napabuntong hininga na lamang ang dalaga. Napangiti siya sa sarili. Kinuha niya ang salamin na nasa gilid ng kaniyang mesa at pinagmasdan ang kaniyang sarili.
“Ano kaya ang sasabihin ni Dave pag nakita niya nakakakita na ako ulit?” tanong niya sa sarili habang nakatitig sa kaniyang repleksyon.
“Galit pa kaya siya sa’kin dahil sa away namin? Kaya ba wala siya dito ngayon?” nag-aalalang sambit ulit ng dalaga.
Matagal nang magkasintahan sina Maris at Dave. High school pa lamang noong naging sila. Hindi man naging madali ang kanilang relasyon ay pareho silang lumaban para sa isa’t isa, kaya naman tumagal ng halos sampung taon na ang kanilang relasyon.
Tatlong taon na ang nakalilipas simula ng maaksidenta ang dalaga sa daan. Ito ang naging dahilan ng kaniyang pansamantalang pagkabulag.
Hindi ito agad matanggap ng dalaga kaya natagalan bago makumbinsi itong sumubok magpagamot. Ilang therapy ang pinagdaan ni Maris pero walang gumana kaya naman gusto na nitong sumuko.
“Ano ka ba babe, normal lang naman ang mabigo paminsan. Sumubok ulit tayo ng iba. Ang importante ay huwag tayong mawalan ng pag-asa,” pagpapalakas ng loob ni Dave sa nobya nitong si Maris.
“Madaling sabihin para sayo ‘yan dahil hindi ikaw ang labis na nabibigo at nasasaktan sa tuwing palpak ang mga therapy na ‘yan! Ayoko nang umasa! Pagod na pagod na akong umasa! Pagod na pagod na rin ako sa’yo! Umalis ka na! Umalis ka na!” umiiyak na sigaw ni Maris.
Tumulo ang mga luha sa mata ni Dave. Alam niyang nasasaktan lang din ang dalaga pero hindi niya pa rin maiwasan ang masaktan sa mga salita nito.
“Sige, kung ‘yan ang gusto mo. Aalis na ako,” iyan ang huling mga salita ni Dave sa dalaga bago ito tuluyang umalis ng ospital. Iyon din ang huling araw na nagka-usap sila.
Kinabukasan ay dumating ang magandang balita na hinihintay nilang lahat. May eye donor na siya. Gusto niyang sabihin kay Dave pero hindi niya ito matawagan. Hanggang sa isinagawa na nga ang operasyon at sa awa ng Diyos ay naging matagumpay naman.
Si Dave ang una niyang gustong makita pero wala ang nobyo. Lumipas ang ilang araw at tila ba lahat ay iniiwasan ang pag-usapan si Dave. Hindi alam ng dalaga pero parang kinakabahan na siya. Iniwan na ba siya ni Dave dahil sa pantataboy niya sa binata noong huli silang magkita? Nadudurog ang puso niya sa kaniyang naisip. Mahal na mahal niya si Dave, hindi niya kakayaning mawala ang binata sa buhay niya.
“Iha, congratulations at makakauwi ka na rin sa wakas!” masayang pahayag ng kaniyang doctor kay Maris.
“Maraming salamat po sa lahat doc,” nakangiting tugon naman ng dalaga sa doctor.
“Alagaan mo ng mabuti iyang mga mata mo ha?” hindi alam ni Maris pero parang nakahimig siya ng lungkot sa pagkakasabi nun ng kaniyang doctor.
“Oo naman po doc. Hindi ko po hahayaang bumalik ako sa madilim na mundong iyon,” pangako pa ng dalaga sa kaniyang doctor.
“Nga po pala doc, maaari ko po bang malaman ang pangalan ng eye donor ko? Nang makapagpasalamat naman po ako sa kaniya,” nakangiting tanong ng dalaga. Hindi na naitago ng doctor ang lungkot nito. Bakas din sa mukha nito ang pag-aalinlangang sumagot.
“Si David Villanueva ang eye donor mo,” maikli at diretsong sagot ng doctor sa dalaga. Para namang nabingi si Maris sa kaniyang narinig. Biglang nagdilim ang kaniyang paningin at nawalan ng malay ang dalaga.
Pagkagising ng dalaga ay sinabi ng kaniyang mga magulang ang katotohanang pansamantalang itinago ng mga ito sa kaniya.
Noong gabing nag-away ang magkasintahan at itinaboy ni Maris si Dave ay naaksidente ang binata sa daan. Hindi nakaligtas si Dave at inagawan din agad ng buhay pagkarating sa ospital.
Nagpalista si Dave bilang eye donor ni Maris sa oras na may mangyari sa kaniya noong una pa lang na naghahanap sila ng eye donor. Swerte namang compatible din ang kanilang mga mata kaya walang naging problema o komplikasyon nang isalin na ito sa dalaga.
Walang tigil sa pag-iyak si Maris nang malaman ang nangyari sa lalaking kaniyang pinakamamahal. Hindi niya rin mapatawad ang sarili dahil pakiramdam niya ay kasalanan niya ang lahat. Kasalanan niyang nawala si Dave.
“Iha, sa tingin ko’y hindi magugustuhan ni Dave ang ginagawa mo sa mga mata niya. Sigurado rin akong ayaw niyang makita kang umiiyak, dahil mahal na mahal ka niya. Alagaan mo naman ang sarili mo, at alagaan mo din ang mga mata ng anak ko,” marahang saad ng ina ni Dave ng minsang dinalaw siya nito sa kanilang bahay. Nabalitaan kasi ng ginang ang lagay ng dalaga.
Simula noon ay pinilit bumangon ni Maris. Labis siyang nahirapan pero lumaban siya dahil alam niyang iyon ang gusto ni Dave na gawin niya – ang lumaban. Ipinangako niya rin sa sarili na aalagaan niya ang mga mata ng lalaking kaniyang pinakamamahal.