Wala nang Ibang Hiling ang Batang Lalaki Kundi Makitang Muli ang mga Magulang; Nadurog ang Kaniyang Puso nang Malaman ang Dahilan ng Pag-iwan ng mga Ito sa Kaniya
“Lola, wala po ba akong mama at papa? Ang sabi sa akin ng mga kalaro ko, iniwan daw nila ako sa’yo kasi hindi nila ako mahal. Ayaw daw sa akin ng mga magulang ko. Totoo po ba ‘yun lola?” lumuluhang tanong ni Arjay sa kaniyang Lola Rosa.
“Hindi totoo ‘yan, apo. Mahal na mahal ka ng mama at papa mo,” saad ng matanda at marahang niyakap ang apo. Nadudurog ang kaniyang puso para sa bata.
Sanggol pa lamang ay iniwan na si Arjay ng kaniyang mga magulang sa matandang si Aling Rosa. Hindi anak ni Aling Rosa ang mama o papa ng batang si Arjay. Sa katunayan ay malayong kamag-anak na ni Aling Rosa ang ama ni Arjay. Kinupkop niya lamang ang bata dahil sa paki-usap ng mga magulang nito, pero sa katagalan ay minahal niya na ng lubos si Arjay.
“Eh bakit po hindi natin sila kasama? Bakit ikaw lang po ang nagpapalaki at nag-aalaga sa’kin?” tanong pa ulit ni Arjay.
“Pansamantalang umalis lamang sila apo. Huwag kang mag-alala dahil babalik din sila. Lalo na kapag magpakabait ka, malay mo bumalik sila agad,” nakangiting sagot ng lola na nagpaliwanag sa mukha ng batang si Arjay.
Alam ni Aling Rosa na maling paasahin ang bata lalo na at hindi siya siguradong kung babalik pa nga ba ang mga magulang nito. Ni hindi nga niya alam kung nasaan na ang dalawa simula ng iwanan nila ang kanilang anak sa kaniya.
“Talaga po lola? Sige po, pangako po simula ngayon ay mas magpapakabait pa po ako para bumalik na agad ang mama at papa ko. Para po makasama na natin sila,” masayang sabi ni Arjay at niyakap ang kaniyang Lola Rosa.
“Papa God, ang hiling ko lang po sa inyo ay sana bumalik na po ang mama at papa ko. Sana po balikan na po nila ako,” panalangin ni Arjay sa Poong Maykapal. Yaan ang kaniyang palaging hiling sa lahat ng kaniyang kaarawan at sa tuwing pasko. Ito rin ang malimit na laman ng kaniyang panalangin sa bawat gabi bago siya matulog.
“Lola, babalikan pa po kaya ako nila mama at papa?” malungkot na tanong ni Arjay sa lola noong nasa high school na ito.
“Mabait naman po ako ‘di ba? Nagsisikap din po ako sa aking pag-aaral. Lahat naman po ginagawa ko,” hindi na napigilang lumuha ni Arjay. Hindi niya na napigilan ang nag-uumapaw na lungkot na kaniyang nararamdaman.
Gaya kasi ng sinabi ni Arjay ay ginagawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya. Laging siyang kasama sa honors sa kanilang eskwelahan. Mabait at masunuring bata din si Arjay. Lahat ay natutuwa sa kaniya, pero ang rason kung bakit siya nagsisikap ng ganun ay hindi pa rin nagpapakita sa kaniya. Hindi pa rin natutupad ang kaniyang hiling.
Pinanghihinaan man ng loob sa pangambang kahit anong gawin niya ay hindi na siya babalikan pa ng kaniyang mga magulang ay nagpursige pa rin si Arjay at ipinagpatuloy ang pagsisikap. Gusto niyang matupad niya ang kaniyang mga pangarap upang sa araw na bumalik ang kaniyang mga magulang ay maipagmamalaki siya ng mga ito.
Taon ang lumipas at sa wakas ay nakapagtapos na si Arjay ng kaniyang pag-aaral. Nakapagtapos siya ng may maraming karangalang natanggap kaya naman sobra siyang ipinagmamalaki ng kaniyang lola.
“Arjay apo,” tawag sa kaniya ng kaniyang lola isang araw pagkauwi niya galling sa kompanyang kaniyang pinagtratrabahuan.
“Oh lola? Bakit naman po lumabas pa kayo para sunduin ako dito? Hinintay niyo na lang sana ako sa loob,” sagot niya sa matanda at marahang hinalikan ang noo ng kaniyang pinakamamahal na lola.
“May bisita ka,” nakangiting saad ng kaniyang lola. Napansin niya ang marahang panginginig nito at ang konting luha sa gilid ng kaniyang mga mata.
“S-sino po?” kinakabahang tanong niya. Ayaw niyang umasa pero malakas ang pakiramdam niya dahil sa kakaibang ikinikilos ng kaniyang lola.
Ngumiti lamang ang matanda at nauna ng pumasok sa kanilang tahanan. Agad din namang sumunod si Arjay. Sobrang bumilis ang pintig ng kaniyang puso ng makita ang isang pamilyar na babae na sa larawan pa lamang niya nakikita… ang mama niya.
“Arjay anak,” tawag sa kaniya ng kaniyang mama. Tumayo ito sa pagkakaupo at mabilis nilakbay ang distansyang nakapagitan sa kanilang dalawa upang yakapin siya. Mabilis na nagsilaglagan ang kaniyang mga luha.
“Anak ko… patawarin mo ako. Patawarin mo kami ng papa mo,” humihikbing saad ng kaniyang ina.
Hindi niya alam kung bakit pero bigla na rin siyang umiyak nang marinig ang mga salitang iyon. Mga salitang matagal niyang hinintay. Sa wakas, binalikan na siya ng mama niya. Masasagot na din ang mga tanong niya. Mga tanong dinala niya buong buhay niya.
“Huwag po kayong humingi ng patawad ma, dahil hindi pa man po kayo humihingi ng patawad ay napatawad ko na po kayo. Alam ko naman pong may dahilan kayo kung bakit iniwan niyo ako ay Lola Rosa,” sagot niya sa inang lumuluha.
“Salamat po at binalikan niyo po ako. Kahit na sobrang natagalan, ang importante po ay bumalik pa rin kayo,” buong puso niyang pasasalamat sa ina. Sobra siyang nagpapasalamat sa Diyos sa pagtupad nito ng matagal niya ng panalangin. Totoo ngang ibinibigay ng Diyos sa atin ang ating mga hiling basta ba matuto lamang tayong maghintay sa tamang oras na ilalaan Niya.
Napag-alaman niya na may sakit pala ang kaniyang ama kaya kinakailangang dalhin sa Maynila upang doon magpagamot.
Iniwan siya ng kaniyang mga magulang sa kaniyang Lola Rosa dahil walang mag-aalaga sa kaniya habang nagtratrabaho ang kaniyang ina at nagpapagamot naman ang kaniyang ama. Hindi birong halaga rin ang kinailangan sa pagpapagamot ng kaniyang ama, dahil na rin sa sobrang hiya kay Lola Rosa dahil sa hindi man lang sila makapagbigay para sa kaniya ay hindi na sila nagtangkang makipag-ugnayan pa sa kanila.
Hanggang sa tuluyan ng binawian ng buhay ang kaniyang ama. Makatapos ng ilang buwan pagkatapos ng libing nito ay nagtangka na ang kaniyang ina na balikan siya. Siya na lamang daw ang natitira sa buhay ng ginang kaya kinapalan na raw talaga nito ang mukha at binalikan siya.
Imbis na magtanim ng sama ng loob sa ina ay buong puso niya itong tinanggap. Kasama ng kaniya Lola Rosa at muli siyang nagkasama ng kaniyang ina. Hindi matawaran ang saya ni Arjay dahil sa wakas ay nakasama niya na ang mama niya.
Pinuno din naman ng ginang ang kaniyang anak ng pagmamahal. Talagang bumawi siya sa ilang taong pagkukulang niya dito. Naging masaya din naman si Aling Rosa para sa apo, dahil sa wakas ay nasagot na ang mga katanungan nito at nakasama na din ang inang kaytagal hinintay.