Nagmahal ang Pilyong Playboy sa Unang Pagkakataon; Isang Pagkakamali Pala ang Maglalagay sa Kaniyang Minamahal sa Napakasakit na Sitwasyon
Hindi na mabilang ni Joey kung ilang babae na ang kaniyang nakarelasyon. Pero lahat ay nauuwi lamang sa hiwalayan dahil wala kahit sino sa mga babaeng iyon ang sineryoso niya. Tanging hangad lamang niya kasi ay makuha ang gusto niya.
Sa kabila ng lahat ng mali na kaniyang ginagawa, may kaisa-isang taong nandiyan lagi sa kaniyang tabi, si Joan, isang nars sa pribadong ospital sa Rizal.
“O ‘di ba bago lamang iyong chicks mo? Bakit nakipagbreak ka na naman?” tanong ng babae.
“E hindi na kasi ako masaya. Kaya kaysa patagalin pa, hiwalayan na lang ‘di ba?” tugon naman ng pilyong lalaki.
“Nako, ang sabihin mo Joey, nakuha mo na ang gusto ko kaya ka ganiyan. Magbago ka na nga! Darating ang araw makakahanap ka rin ng katapat mo, bahala ka!” pananakot pa ng dalaga. Natawa naman si Joey sa narinig.
Si Joan ang kinukwentuhan ng binata ng kaniyang mga kalokohan. Siya rin ang taga-sermon pagkatapos magkwento ng lalaki. Napakabait ng dalaga, malambing, mahinahon at maalaga, katangian ng isang babae na talagang hinahanap-hanap ng isang lalaki.
“Nahihibang ka na ba, Joey?! Tigil-tigilan mo ako diyan sa mga kalokohan mo ha!” iritableng sabi ni Joan.
“Seryoso nga ako, Joan. Papatunayan ko sa’yo na kaya kong magbago. Tutal kilala naman natin ang isa’t isa, mas alam na natin ang kahinaan natin ‘di ba? Makakapagtulungan pa tayo,” tugon naman ni Joey.
“Ayoko mapabilang sa mga koleksyon mo. Kaya tigilan mo ako!” tanggi pa ng dalaga.
“Pumayag ka nang maging girlfriend ko. Liligawan kita!”
Hindi naman din nagtagal, nahulog si Joan sa mga matatamis na salita at ikinikilos ni Joey. Labis naman ang saya ni Joey na maging nobya ang kaniyang kaisa-isang best friend.
Akala nila noong una ay magiging maayos na ang takbo ng kanilang relasyon, ngunit naging magulo ang lahat dahil tutol ang ina ni Joan.
Hindi maiaalis na ganoon ang maging reaksyon ng ginang dahil sa reputasyon ni Joey na pagiging babaero.
“E ano naman kung ayaw sa akin ng mama mo? Ang mahalaga naman ay yung tayo ‘di ba? Kung ayaw niya sa’kin, aba mas ayaw ko na rin sa kaniya,” mayabang na sabi pa ng lalaki. Galit siya sa ina ng dalaga dahil hadlang ito sa kanilang pag-iibigan.
“Hayaan mo na lamang si mama. ‘Wag mo na lang din patulan. ‘Di ba dapat nga sinusuyo at nilalambing mo siya para makuha mo ang loob niya?” saad ni Joan. Palaging ganoon ang sinasabi ng dalaga sa tuwing nagrereklamo ang binata.
Dahil tutol sa relasyon nila ang magulang ng dalaga. Nagsimula silang magkita at mag-date ng palihim. Kahit saan lang basta hindi abot o makikita ng mata ng ina ng dalaga. Minsan, dumalaw sila sa lumang bahay ng lola ng lalaki. Dala ng kapusukan, may nangyari sa kanila.
Ang isang beses ay naulit pa nang naulit sa tuwing sila’y nagkikita. Tila ba naging normal na lamang ang ganoong set-up para sa kanila.
Nag-apply at natanggap naman si Joey bilang isang store supervisor. Doon niya nakilala ang manager na si Lorie. Napakasungit nito sa mga empelyadong mas mababa kaysa sa kaniya. Halos manlaki ang mata ni Joey sa tuwing makikita niyang pinapagalitan nito ang ibang empleyado.
Sinubukan ni Joey na kilalanin at kaibiganin si Lorie hanggang sa naging malapit sila sa isa’t isa. Masaya naman palang kasama ang babae. Sa isang iglap ay nagbago ang masamang impresyon niya tungkol dito.
Isang gabi, nagising si Joey sa tawag sa kaniyang cellphone, si Lorie.
“Joey, pwede mo ba akong puntahan dito sa apartment ko ngayon? May naririnig kasi akong tao sa labas. Natatakot ako dahil ako lang mag-isa,” pakiusap ng babae.
Ayaw sana ni Joey, ngunit kung totoong nanganganib nga ito, pananagutan niya pa pag nagkataon.
“S-sige. Pupunta na ako riyan.”
Nagtungo nga si Joey doon. Labis na pagkailang ang kaniyang nadarama. Lalo na nang matulog sila ng magkatabi sa iisang kama. Init na init noon si Joey at tumalikod na lamang sa babae. Pinipilit niyang matulog nang maramdaman niyang yumakap ang babae sa kaniya.
Hindi lamang natapos sa simpleng yakap ang nangyari. Unti-unting gumapang ang mga kamay ni Lorie sa kaniyang katawan. Sa madaling salita, naganap ang hindi dapat naganap. May nangyari sa kanila.
Madilim pa noon pero bumangon na si Joey. Umalis siya sa apartment ng babae. Labis na pagkabagabag ang kaniyang nadarama. Nakokonsensya siya dahil nakagawa siya ng kasalanan kay Joan. Pero ang malala pa no’n, naging madalas ang kanilang pagkikita ni Lorie upang gawin ang kasalanang iniiwasan.
Huminto lamang ang maiinit na tagpo nang malipat ng branch si Lorie. Pero isang malaking balita ang iniwan niya.
“Buntis ako, Joey. Ikaw ang ama ng batang ito.”
“P-pero…” hindi na makakibo pa si Joey.
Hindi na malaman ng lalaki ang gagawin. Mahal na mahal niya si Joan at piniling ilihim na lamang muna, ngunit huli na pala ang lahat.
“Akala ko ba magbabago ka na? Akala ko pwede akong magtiwala sa’yo. Tumawag sa’kin si Lorie. Buntis siya at ikaw ang ama. Paano mo nagawa sa akin ito?” umiiyak na tanong ni Joan.
“I’m sorry, Joan…” hindi na makapagpaliwanag pa si Joey dahil totoo naman talaga na kasalanan niya.
“Ibinigay ko sa’yo lahat. Ipinaglaban kita nang patago, pero niloko mo lang din ako. Anong klaseng tao ka? Maghiwalay na tayo. Ayoko nang makita ka pa!” sigaw ni Joan at saka tumalikod at tuluyang iniwan si Joey.
Parang gumuhong bigla ang mundo ni Joey. Sa unang pagkakataon ay iniyakan niya ang isang babae. Halos wala na siyang ganang mabuhay pa. Punong-puno siya ng pagsisisi.
Ilang beses niyang sinubukang balikan si Joan, subalit naging matigas na ito. Puno ng galit at pait. Halos mabaliw si Joey dahil nawala ang pinakaimportanteng tao sa kaniya.
“Hindi ka ba nag-iisip? Babalikan mo ako, tapos hahayaan mong mabuhay ang isang bata na walang ama? Hindi ko kaya iyon. Patawad, Joey, hindi na pwede,” malamig na sabi ni Joan.
“Anong pwede kong gawin para mapatawad mo ako?”
“Ayusin mo na ang sarili mo. Tigilan mo na ang pagloloko at maging mabuting ehemplo ka sa anak mo. Iyon lamang,” saad pang muli ng babae.
Masakit man pero kailangang tanggapin ni Joey ang katotohanan na dahil sa kasalanan niya, hindi na muli pang babalik ang kaisa-isang babaeng minahal.
Nagsama sina Joey at Lorie para sa bata. Sakit na sakit ang kalooban ng lalaki dahil hindi ang babaeng minahal niya ang kasama sa pagbuo ng pinapangarap na pamilya.
Dahil sa kasalanan na dulot ng temptasyon, nasira na ang lahat sa kaniya. Nalaman niyang ikakasal na rin si Joan sa isang OFW at nagpaplanong manirahan na sa ibang bansa.
Sa araw ng kasal ni Joan, nagtungo si Joey upang bigyan ng huling sulyap ang babaeng minamahal. Pumapatak ang mga luha ng lalaki habang minamasdan si Joan na lumalakad sa altar. Puno ng saya ang mga mata at ngiti.
“Ako sana ang lalaking naghihintay sa altar. Sa akin ka sana nakangiti. Sinayang ko ang lahat. Sinayang kita. Huling sulyap ko na mahal ko, sana ay maging masaya ka na. Pangako, aayusin ko ang buhay ko…” bulong ni Joey habang mapait na nakangiti.
Masaya na si Joan. Ngayon ay kailangan na niyang ayusin ang buhay niya. Oras na para siya naman ang maging masaya sa piling ng anak at kinakasama.
Kung nais natin na manatili ang isang tao sa ating buhay, siguraduhin natin na hindi tayo gagawa ng mga bagay na makakasakit o magtutulak sa kanila palayo. Huwag ipagpalit ang pang habambuhay na kaligayahan sa labing limang minutong init ng katawan.
Kung minsan naman kahit gaano natin kagustong makasama ang isang tao, kung hindi tayo ang inilaan para sa isa’t isa, wala tayong magagawa kundi tanggapin ang mapait na katotohanang ito at magpatuloy muli sa buhay.