Inday TrendingInday Trending
Pinikot Lamang ng Babae ang Kinakasama Kaya’t Hindi Siya Magawang Mahalin ng Lalaki; Isang Pangyayari Pala ang Babago sa Kanilang Pagtitinginan

Pinikot Lamang ng Babae ang Kinakasama Kaya’t Hindi Siya Magawang Mahalin ng Lalaki; Isang Pangyayari Pala ang Babago sa Kanilang Pagtitinginan

Sa buong buhay ni Albert, hindi niya lubos maisip na mabibiktima pala siya ng tinatawag nilang pikoy. Warehouse worker siya sa isang malaking tindahan sa Laguna. Nagsimula ang lahat sa pamamagitan ng pakikipag-textmate.

Mayroon siyang nililigawan noon, si Janice. Dahil medyo torpe, hindi niya magawang makapagsalita kapag kaharap na ito. Tanging sa text lamang niya naipapahayag ang nadarama para sa ginigiliw na dalaga.

Ilang buwan rin na ganoon ang set up nina Albert at Janice, pero hanggang ngayon, hindi pa rin ibinibigay ng dalaga ang matamis na ‘oo.’

Isang araw, laking gulat na lamang ng binata nang may mensaheng dumating sa kaniya.

“Hi Albert! Gusto ko lang sabihin na gusto kita. Gustong-gusto kita noon pa. Kapag nadadalaw kami sa bahay ninyo, lagi kitang tinititigan. Nahuhulog na talaga ako sa’yo.”

Nagtaka naman si Albert dahil kahit kailan hindi pa nakakapunta sa kanilang bahay si Janice.

“Gustong-gusto na kitang makitang muli,” mensahe na naman mula sa numero ni Janice.

Dahil sa labis na kasabikan, walang pag-aatubiling nagreply ang lalaki.

“Sige, magkita na lamang tayo sa may lumang plaza, malapit sa banga. Bandang alas singko ng hapon,” tugon ni Albert.

Nagpapogi at nagpabango si Albert. Inayos niya ang buhok at nagmadaling magtungo sa tagpuan. Pagkarating doon, hinanap kaagad niya si Janice, pero si Janeth ang naabutan niya, pinsan ni Janice.

“Anong ginagawa mo dito?” gulat na tanong ni Albert.

“A-ako na muna yung pinapunta ni Janice. Susunod daw siya maya-maya lamang dahil may kailangan siyang ayusin,” saad naman ng dalaga.

Napaisip naman ang binata. May tila ba masamang kutob siya. Parang pinapaikot lamang siya ni Janeth. Pero para naman hindi mabastos ang dalaga, kinausap na rin siya ni Albert. Kaunting palitan ng kwento hanggang sa napansin niyang ilang oras na ngunit hindi pa rin dumarating si Janice.

“Hindi na ata darating si Janice. Mabuti pa, umuwi na lang kaya tayo?” pag-aaya ng binata.

At hindi na nga dumating si Janice. Napaikot siya ni Janeth. Sa kasamaang palad, hindi na talaga humiwalay ang dalaga kay Albert simula noon. Sumama pa ito hanggang sa bahay nina Albert.

“Ah, hija, medyo lumalalim na rin kasi ang gabi. Mabuti siguro kung umuwi ka na muna at magpahinga. Ipapahatid na lamang kita kay Albert,” malumanay na pahayag ng ina ng binata.

Umiling-iling ang dalaga habang nakayuko.

“Ilang taon ka na ba hija?” tanong muli ng ginang.

“17 na po ako,” tugon naman ni Janeth.

“Diyos ko naman Janeth, menor de edad ka pa lang pala. Makakasuhan ako sa ginagawa mo e,” iritableng wika ni Albert.

Iyak na ng iyak si Janeth noon. Ayaw na raw niyang umuwi at sasama na lamang daw sa lalaki. Sa isip-isip naman ni Albert, tiyak na ipapahanap ang dalaga ng mga magulang nito. At kapag nalaman nilang kinupkop nila ang dalaga, baka kasuhan pa sila ng kidnapping.

“Paano ba ‘yan? Papanagutan mo ‘yan anak,” mahinang sabi ng ina ni Albert.

“Papanagutan? Wala naman pong nangyayari sa amin at higit sa lahat hindi ko siya girlfriend!” galit na saad naman ni Albert.

Nagmatigas si Janeth at pilit na nagpalipas ng gabi sa tahanan nila Albert. Gulat na gulat ang binata nang magisnang sa tabi niya natulog ang babae.

Lumabas ang lalaki sa ingay na nanggagaling sa labas. Bumungad sa kaniya ang galit na mukha ng mga magulang ni Janeth. May nakapag-abot-sabi raw sa kanila na sa tahanan ng lalaki tumuloy ang anak.

Wala nang magawa si Albert nang makita ng lahat na sa kwarto niya lumabas ang bagong gising lang din na si Janeth. Ipinagpilitan niyang walang nangyari sa kanila, ngunit makukulong siya kung hindi niya ito papanagutan.

Habang tumatagal ay pasama ng pasama na ang timpla ng lalaki. Ayaw na talagang umuwi ni Janeth. Masakit man tanggapin, nagkaroon siya ng ‘instant asawa.’

Bumilang din ng kay tagal bago may mangyari sa kanila. Nagkataon pa noon na lasing na lasing sa alak si Albert. Magpahanggang ngayon, hindi pa rin matanggap ng lalaki ang sitwasyong kinasadlakan niya.

Magkasama pa rin sina Albert at Janeth, pero malamig ang lalaki at ibang-iba ang trato sa kinakasama. Iba ang tinitibok ng kaniyang puso pero nauwi siya sa babaeng hindi naman niya totoong mahal.

Ganoon man, patuloy pa rin si Janeth sa pagiging asawa ni Albert. Inaasikaso niya ang lalaki. Inaalagaang mabuti at minamahal kahit na hindi ito nasusuklian.

Isang gabi, lasing na lasing si Albert na umuwi. Nagwala siya at pinagsisigawan ang kinakasama.

“Ikaw na babae ka! Sinira mo ang buhay ko! Umalis ka na sa buhay ko. Palayain mo na ako. Gustong-gusto kong maging masaya sa piling ng taong totoong mahal ko. Magkusa ka na lang, please!” sigaw ng lalaki.

“H-hindi mo ba talaga ako magagawang mahalin? Hindi mo ba talaga ako magugustuhan?” naluluhang tanong ni Janeth.

“Hindi! Hinding-hindi! Nasusuklam ako sa’yo. Kaya ‘wag ka sanang t*nga. Ayoko sa’yo!” bulyaw pa ni Albert.

“Puwede bang kahit ako na lang ang magmahal sa’yo? Hayaan mo na lang ako mahalin at alagaan ka?” umiiyak na pahayag ng babae.

“’Di ka ba makaintindi. Gusto ko pagkagising ko bukas, wala ka na!” sigaw pa ni Albert at saka kinalabog ang kwarto.

Kinabukasan, nagising si Albert. Inilibot niya ang mata. Walang bakas ni Janeth. Tahimik ang bahay. Inalala niyang mabuti ang mga nasabi at saka napakapit sa mukha. Umalis na si Janeth. Hindi na rin siya nagpaalam pa.

Lumipas ang buong maghapon na tahimik ang bahay. Walang kinaiinisan si Albert. Tila ba walang kulay at walang buhay. Dapat masaya siya ‘di ba? Dapat natutuwa siya, pero parang may kulang.

Ilang araw pa ang lumipas. Hinanap ni Albert si Janeth. May nakapagsabi na papunta na raw ito sa Maynila upang mamasukan. Kaya’t agad siyang nagtungo sa sakayan ng bus. Natagpuan niya si Janeth na pasakay na.

“Janeth! Sandali lang!” paghabol ng lalaki.

“Bakit? Hindi ba magiging masaya ka na kapag nawala ako? Sana masaya ka na. Aalis na ako, Albert. Pasensiya ka na sa nagawa ko,” malamig na sabi ni Janeth.

“’Wag mo akong iwan!” hinawakan ng lalaki ang kamay ng babae tsaka ito hinila. “Dito ka na lang sa’kin. Patawarin mo ako sa mga nagawa at nasabi ko…”

“B-bakit?”

Hinila ng lalaki si Janeth at niyakap ng mahigpit “Hindi ko lang magawang aminin sa’yo at sa sarili ko, pero mahal na kita, Janeth. Mahal na mahal na talaga kita. Magsimula tayo ulit. Pangako aayusin ko na. Patawarin mo ako.”

“Totoo ba iyan, Albert?” naluluhang sabi ng babae.

“Oo. Napakalungkot ng buhay ko nung nawala ka. Pangako mas magiging mabuting asawa ako sa’yo. Simulan ulit natin. Mahal kita, asawa ko…” nakangiting pahayag ng lalaki.

Napaluha si Janeth sa labis na kaligayahang nadarama mula sa naririnig. Magmula ng araw na iyon, napakalaki ng nagbago sa relasyon ng dalawa.

Nagpakasal ang dalawa at nagsimula ngang muli. Bumawi si Albert at sinuklian ng doble ang pagmamahal ng asawa. Ngayon ay masaya na silang nagsasama habang hinihintay ang pagdating ng kanilang unang supling.

Advertisement