Lumayo at Nagalit ang Bunsong Kapatid Dahil sa Labis na Inggit Niya sa Kaniyang Ate; Isang Malaking Rebelasyon Pala ang Mabubunyag
Masaya ang kabataan ng magkapatid na Trina at Jelly. Matalik silang magkaibigan habang lumalaki. Subalit lahat ay nagbago magmula nang mamuo ang inggit sa puso ng bunso na si Jelly.
Maganda si Trina, mabait, masunurin at matalino. Palagi siyang nagbibigay karangalan sa pamilya dahil honor student siya sa klase. Lagi rin pinupuri dahil sa kagandahang panlabas at panloob na labis ikinainggit ni Jelly.
Nang magdalaga, lumayo si Jelly sa kaniyang ate at naging malamig. Para sa kaniya, isang malaking kakompentensiya na ang kaniyang ate na kailangan malagpasan. Gusto niya ang parehong atensyon at papuri. Kaya lahat ay ginagawa niya upang masapawan ito.
“Jelly, gusto mo mag hangout ngayon? Labas tayo? Nami-miss na kasi kita,” pag-aaya ni Trina sa bunsong kapatid.
“Hindi. Ayoko! At saka may plano na kami ng mga kaibigan ko,” malamig na tugon ni Jelly.
“Magbe-bake na lang ako ng cupcakes, tara bonding tayo? Minsan mo na lang kasi ako kausapin.”
“Ikaw na lang, ate. Diet kasi ako. At saka marami pa akong gagawin,” tumayo ang bunsong kapatid at saka pairap na umalis.
Hindi man magsalita ngunit ramdam na ramdam ni Trina ang galit at inggit ng kapatid. Lahat naman ay ginagawa niya upang mapalapit muli rito, ngunit talagang pilit na umiiwas si Jelly.
Sinubukan ni Trina na kausapin pang muli ang kapatid, ngunit napakatigas talaga ng loob nito.
“Jelly, baka pwede naman tayong mag-usap?”
“Para saan pa? May dapat ba tayong pag-usapan? Magpaganda ka na lang at mag-aral, tutal dun ka naman magaling ‘di ba? Gusto mo pinupuri ka,” pabalang na sagot ng nakababatang kapatid.
“P-pero… ano bang nangyari? Bakit ka ba nagagalit sa’kin? Ano bang ginawa ko sa’yo?” tanong ni Trina.
“Naging kapatid kita! Okay na?” muling tinalikuran ni Jelly ang ate niya at saka umalis.
Sinubukan pang lapitan ni Trina ang kapatid kahit sa paaralan. Pareho sila ng High School na pinapasukan kaya’t madalas silang magkasalubong doon.
“Jelly, sabay ka ba ng uwi sa’kin mamaya? Kain naman tayo sa labas?” alok ng ate.
“Wag na. Umuna ka na! Gagabihin pati ako ngayon. Aayusin pa namin yung booth namin para sa school fest bukas,” malamig na tugon ng bunsong kapatid.
“Gusto mo intayin na lang kita? Mas delikado kung mag-isa kang uuwi ngayon. Mukhang uulan pa.”
“Hindi ka ba makaintindi, ate? Ayoko nga ‘di ba? Umuna ka na nga!” umirap at saka nag walk out si Jelly.
Hindi mapalagay si Trina. Ipinagtabuyan man ng kapatid, tiniis niyang intayin ito hanggang sa mag gabi. Pasado alas otso din nang matapos sina Jelly sa kanilang booth.
“Jelly!”
Napalingon si Jelly. “O anong ginagawa mo rito? ‘Di ba sabi ko umuwi ka na?”
“Inintay na kita. Nag-aalala kasi ako sa’yo dahil baka walang kang kasabay,” saad naman ni Trina. “Eto o, binilhan kita ng makakain.”
“Wag na!” itinapon ni Jelly ang alok na pagkain ng kaniyang ate. “Tigilan mo nga ako sa kaplastikan mo, ate! Yung kunwaring mabait mo. Alam naman natin na hindi tayo magkakasundo.”
“Pero bakit? Bakit biglang nagbago? Best friends tayo noon ‘di ba? Bakit bigla kang lumayo Jelly?”
“Kasi naging ate pa kita! Naging kapatid kita at nabuhay ka! Pwede bang maglaho ka na lang?!”
Napaluha si Trina sa narinig. “Anong ginawa ko sa’yo, Jelly? Bakit?! Bakit…”
“Kasi lahat ng atensyon kinuha mo na! Ikaw na yung maganda! Ikaw na lang lagi yung matalino at ikaw na lang lagi yung pinupuri. Never naman akong lumapit sa galing mo.
Lahat na inagaw mo sa’kin. Sana hindi na lang kita naging kapatid!” umiiyak na sabi ni Jelly.
“Pero lahat ng mayroon ako, mayroon ka rin. Sana nakikita mo kung gaano ka kaganda. Sana naririnig mo rin yung mga papuri sa’yo ng mga tao. Kasi napakahusay mo rin sa maraming bagay.
Jelly, mahal ka namin. Mahal kita dahil ate mo ako. Sana lumapit ka sa’kin noon pa para hindi na tayo umabot sa ganito. Patawarin mo ako kung may nagawa man ako,” napaluhod si Trina at umiyak sa harapan ng kapatid.
Lumapit naman si Jelly at yumakap sa kaniyang ate. “I’m sorry ate. Nilamon ako ng insecurities ko. Sorry kasi naapektuhan ang relasyon natin bilang magkapatid. Patawarin mo ako, ate.”
“Gusto ko lang naman maging maayos tayong muli. Miss na miss kita, Jelly,” iyak pa ni Trina.
Nagkapatawaran ang magkapatid nang gabing iyon. Masayang nilang binaybay ang daanan pauwi sa kanilang tahanan. Umaambon na noon kaya’t nagsalo sila sa isang payong.
Nang makarating sila sa isang madilim na eskinita hinarang sila ng grupo ng mga kalalakihan na lango sa alak.
“Hi mga miss. Saan ang punta niyo?” tanong ng isa sa mga lalaki.
“Makikiraan po,” malumanay na sabi ni Trina at saka hinawakan ang kamay ng kapatid.
“Wag naman kayong suplada! Ang gaganda at ang babango niyo pa naman,” ngisi pa ng lalaki. Akmang hahawakan sana nito si Jelly nang tapikin ni Trina. “Iyan ang gusto ko, palaban!” at saka nagtawanan ang mga lalaki.
“Ate, natatakot ako,” yumakap si Jelly sa kaniyang ate habang napapalibutan ng mga kalalakihan.
“Jelly, makinig ka sa’kin… pag itinulak kita, kumaripas ka ng takbo. Humingi ka ng tulong ha?” mahinang bulong ni Trina.
“Paano ka, ate? Ayokong iwan ka. Ayoko ate!”
“Makinig ka na lang ha? Mas okay nang makaligtas ka kaysa mapahamak ka. Kaya humanda ka ha?” yumakap si Trina sa kapatid. “Pagkatulak ko sa’yo, bilisan mo ang takbo. Basta Jelly, lagi mong tatandaan na mahal na mahal ka ni ate. Ikaw ang best friend ko…”
“Ate…” naiyak si Jelly sa naririnig.
Itinulak ni Trina si Jelly at saka sumigaw, “takbo!”
Kumaripas ng takbo si Trina, ngunit napalingon siya. Pinagtutulungan ng mga lalaki ang kaniyang ate. Nakatingin ito sa kaniya na may luha ang mga mata habang nakangiti. Tumango lang si Trina na parang bang sinasabing “ayos lamang…”
Nagsisigaw si Jelly at humingi ng tulong. Medyo natagalan ang pagresponde ng mga tao. Nang makabalik sila kasama ang mga pulis at magulang ay wala na si Trina at ang mga lalaki sa madilim na eskinita.
Natagpuan na lamang nila ang walang buhay na katawan ng dalaga sa may ilalim ng tulay na lumulutang sa sapa. Wala na itong pang ibabang saplot at puro pasa ang katawan.
Hindi makapaniwala si Jelly sa nangyari. Iniligtas siya ng kaniyang ate mula sa matinding kapahamakan kahit pa kapalit nito ay sariling buhay.
Lalo namang naiyak si Jelly nang makita ang kwintas na suot ng kaniyang ate. Nakasabit kasi rito ang singsing na regalo niya nung sila’y mga bata pa.
“Hanggang sa huli, pinatunayan mo ang pagmamahal mo sa akin. Salamat ate. Sana ay mapatawad mo ako sa mga nagawa ko noon.
Pangako sa susunod na buhay, babawi ako. I’m sorry, ate. Mahal na mahal kita…” umiiyak na sambit ni Jelly habang naluhod sa may puntod ng kaniyang ate.
Nahuli naman ang mga salarin sa pagpaslang at panghahalay kay Trina kaya’t nabigyang hustisya din ang kaniyang pagkasawi.
Maiksi lamang ang buhay natin sa mundo. Walang nakakaalam kung kailan tayo mawawala. Kaya’t hangga’t buhay pa ang mga mahal natin sa buhay, maiparamdam sana natin sa kanila ang pagmamahal at pag-aaruga, dahil hindi natin namamalayan na sa isang iglap lang, posibleng mawala rin sila.