Inday TrendingInday Trending
Butas na Gulong pa Pala ang Maghahatid ng Pag-ibig sa Isang Laos na Artista; True Love na Kaya ang Destinasyon Nila ng Gwapong Mekaniko?

Butas na Gulong pa Pala ang Maghahatid ng Pag-ibig sa Isang Laos na Artista; True Love na Kaya ang Destinasyon Nila ng Gwapong Mekaniko?

“Hello? Hello?! Anak ng—hello!!!” iritang-irita si Nina nang makitang walang signal ang kaniyang cellphone. Nang inspeksyunin niya ang nangyari ay napansin niyang marami palang nakakalat na matutulis na bagay sa kalye na dumale sa kaniyang kotse. Dahil sa inis ay nasipa niya ang butas na gulong. Napalakas ang sipa niya kaya’t nasaktan ang kaniyang paa.

“Aww! Aray ko po! Naku ang heels ko!” napangiwi ang dalaga dahil sa kamalasang nangyayari sa kaniya. Nasiraan lang naman siya ng kotse sa gitna ng kawalan, wala pang signal sa lugar na iyon kaya wala siyang matawagan. Mahalaga ang araw na iyon sa kaniya dahil mago-audition siya para sa isang malaking role. Pagkatapos niyang manalo sa isang patimpalak sa telebisyon ay akala niya sisikat na siya, ngunit matapos lang ang ilang buwan ay parang nakalimutan na siya ng mga tao. Ito na nga lang ang tsansa niyang makakuha ng big break ngunit mukhang mauunsiyami pa.

Wala nang nagawa ang dalaga kung hindi maglakad sa init ng araw para makahanap ng tulong. Sakto namang nakakita siya ng isang maliit na talyer. Kinakalawang ang maliit na karatula sa harapan at nakabukas ang maliit na gate kaya tuloy-tuloy siyang pumasok.

Mainit ang kaniyang ulo kaya nang may masumpungan na isang lalaking nagkukumpuni sa ilalim ng isang kotse ay lumapit siya dito at sinabing kailangan niya ng tulong. Ngunit nakailang sabi na siya ay wala pa rin itong sagot sa kaniya. Hindi ba siya nito naririnig? Sa inis ay sinipa niya ang gulong ng kotseng kinukumpuni nito.

Nagulat siya at saglit na natulala sa lalaking pawisan at nakakunot ang noong tumingin sa kaniya. Nanaig ang kabadtripan niya kaya naman nasigawan niya ang gwapong lalaki naka-earphones pala kaya ‘di siya naririnig.

“Ganyan ba kayo mag-entertain ng kostumer dito? Kanina pa ho ako satsat nang satsat dito mister wala pala akong kausap. Kako eh yung kotse ko nabutasan ng gulong dyan malapit sa may tapat. Siguro kayo din naglalagay ng mga matutulis na bagay don para may kostumer kayo ‘no,” pang-aakusa ng dalaga dahil sa labis na inis.

“Pasensiya na miss, marangal ang trabaho namin dito kaya ‘wag ka sanang manghusga. Pakidala na lang kotse mo dito para matingnan ko.” Iyon lang at bumalik na ang lalaki sa ilalim ng kotse.

Gigil na gigil si Nina sa sinabi nito. Sisigawan na dapat niya ito nang may biglang isang matanda ang lumapit sa kaniya. ‘Di niya namalayan kung saan ito nanggaling, ngunit mabait ang ngiti nito sa kaniya.

“Naku hija, pasensiya ka na d’yan sa anak ko. Maupo ka muna at ako na lang ang magtutulak sa kotse mo.” Sabi nito na inalok pa siya ng isang basong tubig. Napakabait ng matanda dahil habang nagkukumpuni ito ay panay ang kwento nito, na gustong-gusto ni Nina sapagkat likas siyang madaldal, ‘di tulad ng anak nito na laging masama ang tingin sa kaniya. Nang maayos na ang kaniyang kotse ay nagpasalamat siya sa matanda. Nang kapain ang bag upang kuhanin ang kaniyang pitaka ay nataranta siya dahil hindi niya iyon makita. Hinanap niya pati sa loob ng kotse ngunit wala talaga. Hindi siya makapaniwalang sa pagmamadali pati pitaka ay nakalimutan niya!

Hiyang-hiya siyang humarap sa mga ito at sinabi ang nangyari. Binigay ni Nina ang number niya at siniguro sa mga itong babalik siya upang magbayad.

“Wala naman palang pambayad,” narinig niyang bulong nito sabay talikod.

Makalipas ang ilang araw ay hindi na nakabalik si Nina sa talyer.

“Tay, ‘wag niyo na ho asahan iyon. Napaka-mapangmataas, hindi naman pala magbabayad,” sabi ni JC sa amang laging nagtatanong sa kaniya kung dumaan na si Nina.

Sa gulat ng binata ay isang araw, bigla na lamang dumating ang dalaga sa kanilang maliit na talyer. May kasama itong mga camera man at iba pang tao. Kinausap nito ang ama niya at sinabing nais nilang ipakita ang kanilang talyer sa telebisyon. Doon lang nila nalaman na artista pala ito! Payag naman agad si Mang Mario dahil pangarap talaga nitong mapalago ang talyer, at isang daan na iyon para matupad iyon.

Marami ngang tulong ang nagawa ng paglabas sa telebisyon. Napalaki ng tatay niya ang talyer at mas marami silang kostumer. Labis-labis ang pasasalamat ni Mario kay Nina na simula noon ay lagi nang bumibisita sa kanila. Nahihiya si JC dahil hinusgahan niya kaagad ang dalaga at kagaspangan ng ugali ang ipinakita.

Isang araw nagulantang sila nang pumutok ang balita tungkol kay Nina, maraming nagagalit dito dahil may sinigawan daw na isang matanda sa isang restaurant. Kilala na nila ang dalaga kaya alam nilang hindi iyon magagawa nito.

Nang mapanood niya ang video, di malaman ni JC kung bakit bigla niya ito gustong ipagtanggol. Nag-iwan siya ng komento tungkol sa kabutihan ng dalaga at pagtulong nito sa kanila. Pati siya ay nasangkot sa issue, may nagsabi ba namang baka daw magjowa na sila kaya pinagtatanggol niya. Agad din namang natabunan ang isyung iyon dahil may naglabas ng isa pang video na kaya pala sumisigaw si Nina ay dahil mahina ang pandinig ng matandang tinangka nitong tulungan.

Napangiti naman si JC dahil tulad ng inaasahan niya, hindi totoong masama ang ugali ng dalaga. Natagpuan niya ang sariling laging lilingon-lingon kapag may dumadaang kotse upang sipatin kung si Nina na ba iyon. Napansin din ng ama niya na madalas na niyang panoorin sa TV ang dalaga kaya naman isang araw ay pinayuhan siya nito.

“Anak, mabait na bata si Nina ‘no? Maganda pa,” kindat nito sa kaniya. Malungkot na ngiti lang ang sagot niya. “Sa tingin ko’y bagay kayo noon, papasa ka na nga ring artista sa gwapo mo ‘nak,” biro pa ng ama niya.

Nang mapadaan muli si Nina upang bumisita ay naglakas loob si JC na magpasalamat ditto sa lahat ng ginawa nito.

“Wala iyon! Salamat din pala sa pagtatanggol ah? Dami tuloy nagsasabi bagay daw tayo kasi ang gwapo mo,” pakindat-kindat pa ito sa kaniya.

Tulala ang dalaga nang magtapat sa kaniya ng damdamin ang gwapong mekaniko. Hindi lang ito napakagwapo sa pangingin niya kundi labis din siyang humanga sa diskarte at galing nito, pati na pagmamahal nito sa ama. Hindi na nagpatumpik-tumpik ang aktres at buong-buong tinanggap at tinugunan ang damdamin nito.

Kung babalikan niya ang araw na nagkakilala sila, hindi niya akalaing hindi pala malas kung hindi labis na biyaya iyon. Sino ba naman ang mag-aakalang flat na gulong pala ang maghahatid sa kaniya sa kaniyang pag-ibig.

Advertisement