Inday TrendingInday Trending
Ayaw Itabi ng Mapagmataas na Lalaki ang Kaniyang Kotse Para sa Ambulansya; Pagsisisihan Niya ang mga Sumunod na Pangyayari

Ayaw Itabi ng Mapagmataas na Lalaki ang Kaniyang Kotse Para sa Ambulansya; Pagsisisihan Niya ang mga Sumunod na Pangyayari

Mayaman, matikas, respetado… ganyan ilarawan ng mga taong nakakakilala dito ang apatnapung taong gulang na negosiyanteng si Mr. Arturo Gomez. Marami ang humahanga ngunit marami rin ang takot dito, sapagkat kilala din ito bilang arogante at istrikto.

“A-alis ka? Akala ko ba sasamahan mo ‘kong pumunta sa orphanage?” Malungkot na tanong dito ng asawang si Isabella.

“Isa I’m sorry, may kaunting aberya lang akong kailangang ayusin sa opisina. Promise sasamahan kita next time,” nagpapaintinding sagot nito dito. Kahit na arogante at istrikto ito, ‘di maikakailang malambot at mahal nito ang asawa. Ngunit madalas ay nawawalan na ito ng oras dito dahil busy lagi ito sa pagpapalago ng kumpanya, malimit din itong may lakad kahit araw ng linggo.

“Mmmmh… okay, next time na lang,” malungkot na ngiting paalam nito sa kanya.

Mainit ang ulo ni Arturo nang pumasok siya sa kumpanya sapagkat nagkaroon ng problema sa isa sa mga negosyo niya. Lalong sumama ang timpla niya nang madatnan niya ang isa niyang empleyadong natutulog sa lamesa nito nang mahimbing.

“Mr. Santos?!” Sigaw nito sa malamig at nakakatakot na boses. Napabalikwas ng bangon ang nasabing empleyado at nanglalaki ang matang napatingin sa kanyang boss.

“S-sir… S-sorry po,” nanginginig na hinging paumanhin nito.

“You’re fired! Tanggal ka na sa trabaho!” Tuloy-tuloy na pumasok ito sa opisina habang binabasa ang hawak na papeles. Tila ba ‘di nito naririnig ang patuloy na paliwanag at pagmamakaawa ng empleyado nito na huwag itong tagggalin sa trabaho. Para sa kaniya walang kwenta kung ano pa ang rason nito, basta ang mahalaga pagdating sa trabaho, bawal ang tatamad-tamad.

“Ms. Cruz!” Pagalit na tawag niya sa kanyang sekretarya. “Bakit mali ang pangalan ng kliyenteng nakalagay dito, alam mo ba kung gaano kahalaga ‘to ha! Hala, ulitin mo ‘yan!”

“S-sorry po sir,” utal na turan nito habang nakayukong pinupulot ang mga nagkalat na dokumentong inihagis niya dito.

Hanggang sa makauwi ay ‘di na napawi ang init ng ulo niya. Kasalukuyan siyang may kausap na kliyente sa cellphone habang nagmamaneho nang may pumara sa kanyang mga motorista.

“Tabi! Tabi! May ambulansyang dadaan, bingi ka ba o nagbibingi-bingihan ka lang?!” Galit na sigaw sa kanya ng isang lalaki. Kanina pa siya binubusinahan at pinapatabi ngunit ‘di iyon pinakinggan ni Arturo, katwiran niya ay siguradong may ibang kotse naman na tatabi. Bukod tanging ang kotse na lang niya ang nakaharang sa kalsada nang makadaan ang nasabing ambulansya. Parang masama pa ang loob na bahagyang tumabi si Arturo sapagkat mahuhuli na siya sa usapan nila ng isa sa mga malalaki nilang kliyente. Wala pang limang minuto ay nakatanggap siya ng tawag mula sa isang ospital. Nasa emergency room daw ang asawa niya at kritikal ang lagay nito!

Nang makarating sa ospital ay napag-alaman niyang nagkaroon ng isang malaking aksidente kung saan nasangkot ang kanyang asawa. “Doc! Ano pong lagay ng asawa ko?” Kinakabahang tanong niya sa doktor nang lumabas ito mula sa emergency room.

“I’m sorry Mr. Gomez pero comatose ang asawa nyo. Hindi natin masabi kung kailan siya magigising. Ang tanging magagawa nalang natin sa ngayon ay magdasal.” Tila siya’y napagsakluban ng langit at lupa sa mga narinig.

Hawak niya ang kamay ng asawa habang tahimik na umiiyak nang mailipat ito sa pribadong kwarto, isang lingo nang nakalilipas. “Isabelle, I’m sorry… please gumising ka na,” puno ng pagmamahal na hinaplos nito ang mukha ng asawa.

Nagagalit siya sa kanyang sarili, sapagkat alam niyang ‘di na niya ito napagtutuunan ng pansin. Muntik na nga niyang masuntok ang sarili nang mapag-alaman niyang ito pala ang lulan ng ambulansyang nagpatabi sa kanya. Paano nalang pala kung nahuli ito ng dating sa ospital? Paano nalang pala kung nabawian na ito ng buhay bago pa ito madala sa emergency room nang dahil sa kapabayaan niya? Inaamin niyang madalas wala siyang pake sa paligid niya, wala rin siyang konsiderasyon sa nararamdaman ng iba. Hindi niya batid kung may nasasaktan ba siya o may nababangga nang tao. Natakot siya nang maisip na ang mga bagay na iyon pala ang maglalagay sa kanyang asawa sa panganib.

Palabas na siya ng ospital nang may bumangga sa kanyang balikat. Isang lalaking tila nagmamadali ang agad na humingi ng tawad sa kanya.

“Mr. Santos?” Tawag niya dito nang mamukhaan ito. Napagtanto niyang matagal nang nasa ospital ang ina nito at ito lang ang sumusuporta dito kaya kinailangan nitong mag ekstra ng ibang trabaho bukod sa pagpasok nito sa kumpanya niya. Hindi niya alam, naisip niyang napakawalang puso niya siguro sa paningin ng iba. “Bumalik ka na sa trabaho, sa totoo lang bakante pa rin ‘yung posisyong iniwan mo,” sabi niya dito

“T-talaga po sir? Naku salamat po! Promise po hindi na ‘ko matutulog sa oras ng trabaho,” sabi pa nito.

“Mr. Gomez! Gising na ho ang asawa nyo!” Napalingon siyang bigla sa nurse na naghatid sa kanya ng magandang balita. Patakbong pumunta siya sa kwarto ng asawa at agad na niyakap ito ng mahigpit. “Thank God gising ka na!” Puno ng kaligayahan at naiiyak na bulong nito sa asawa.

Himala daw na nagising agad ito makalipas lamang ng isang linggo at wala ding ibang komplikasyong nangyare makalipas pa ng ilang araw. Marahil ay sa kadahilanang maraming tao ang nagmamahal at nagdadasal para dito sapagkat napakaraming tao ang dumalaw sa kanyang asawa buhat nang maospital ito. Mga taong hindi niya kilala. Mga taong natulungan at patuloy na tinutulungan nito. Pumunta rin ang mga kabataang galing sa bahay ampunan na lagi nitong pinupuntahan. Marami ang nagpasalamat sa kanya sa mga bagay na di naman niya ginawa. Dito niya napagtanto kung gaano kalayo ang katangian nila ni Isabelle. Sobrang mapagmahal ito sa kapwa at handang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Di tulad niya na walang ibang ginawa kundi ang magpakalunod sa trabaho at magpayaman.

Buhat ng pangyayaring iyon kita ang pagbabago sa ugali ni Arturo. Hindi na mainitin ang ulo nito. Naging bukas na rin ito sa mga empleyado at palaging nangangamusta kung may problema ba o wala ang mga ito. Natututo na rin siyang intindihin and nararamdaman ng ibang tao at naging aktibo sa pagtulong sa kapwa sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga aktibidades ng asawa.

“Maganda ba? Ano sa tingin mo?” Nakangiting tanong niya sa asawa habang hawak kamay nilang pinagmamasdan ang bagong gawang bahay ampunan. Labis itong nasorpresa nang mapag-alaman nitong ipinagawa niya ito para sa kanya. Masaya siya habang kontentong pinagmamasdan ang kaniyang paligid. Nakita niya ang ilang paru-parong lumilipad sa ibabaw ng makukulay na bulaklak. Ang mga malalagong punong banayad na sumasayaw sa ihip ng hangin. Ang asul na kalangitan. Higit sa lahat pinagmasdan niya ang pinakamahalagang tao sa kanyang buhay. “Halika tingnan natin ‘yung loob,” natatawang aya niya na lang dito nang ‘di pa rin ito makapagsalita sa labis na pagkasorpresa.

Advertisement