Dahil sa Pagyayabang ng Ina sa Family Reunion ay Saka Lang Napagtanto ng Dalaga ang Masamang Ugali; Matuto Kaya Siya sa Pagkakamali ng Ina?
“Ate, tapos ka na ba dyan?” Inip na katok ng nakababatang kapatid ni Eva sa pinto ng dressing room ng isang sikat na tindahan ng mga damit.
“’Heto na nga, saglit lang,” isusukat na sana niya ang panghuling terno ng damit na kaniyang natipuhan ngunit ipinagpaliban na lang niya ‘yon. Sambakol ang mukha ng kapatid niya ng malabasan niya ito. “O, anong mukha yan? Tara na.”
“Anong anong mukha yan? Nakakainis ka naman ate eh! Isang oras ka nang nagsusukat diyan ng damit, pa model model ka pa, e hindi naman tayo bibili nakakahiya!” Pabulong na sita pa nito sa kaniya.
Hindi naman sila mahirap, at hindi rin naman sila mayaman. Komportable naman silang namumuhay sapagkat sinusuportahan sila ng kanilang amang matagal nang nagtatrabaho sa Saudi. Alam ni Evang ‘di niya afford ang damit na sinukat.
Pagkauwi niya sa bahay ay agad na nag post si Eva sa Facebook ng mga larawan kung saan suot niya ang iba’t-ibang klase ng damit na sadyang magaganda at mukhang mamahalin. Sabik na naghintay siya sa kung anong ikokomento ng kaniyang mga kaibigan sa Facebook.
Maya-maya lamang ay marami na ang nag-like at comment sa kaniyang mga post.
“Wow, gusto ko rin niyan kaso mahal. ”
“Mahal nga mga damit diyan pero magaganda naman.”
“Ang taray, ang sosiyal.”
“How to be you po ate?”
Nangingiting naglakad si Eva patungong kusina upang kumuha ng meryenda habang patuloy pa rin na nagkokomento sa kaniyang Facebook post. Nadatnan niya ang kaniyang inang si Aling Vilma na nag aayos ng mga pinamili nitong groceries. May nakita siyang veggie salad at fruit juice sa ref at agad niya itong inayos sa lamesa sabay kuha dito ng larawan. Pinost niya ito sa facebbok ‘Healthy food. Healthy life’.
“Ma, anong meryenda?” Baling niya sa kaniyang ina habang binabalik sa ref ang mga kinuhang pagkain.
“Huh? Aba’y akala ko kakainin mo yan kaya mo nilabas,” naguguluhang saad nito sa kaniya.
“Hindi naman ako mabubusog diyan Ma, order nalang tayo ng fastfood.”
“Bahala ka, siya nga pala, sa isang linggo may family reunion tayo, tumawag ang Tita Amelia nyo kanina lang. Naku masisingil ko na rin si Alberto sa utang niya sakin!
Nakikinikinita na ni Eva ang mangyayari sa reunion. Tiyak na magyayabang na naman ang kanilang ina sa iba pa nilang mga kamag-anak. Mahilig kasi itong magmayabang ng mga bagay-bagay na kalimitan ay wala namang katotohanan.
Araw ng reunion ay di nga nagkamali ng hinala si Eva, sapagkat narinig niya kung paano ito magkwento sa kanilang mga kamag-anak.
“Itong anak kong si Eva, naku malapit nang maging titulado yan. Isang taon nalang may engineer na ‘kong anak,” sabi nito sa kanilang Tita Amelia. “Ito namang si Marie, nakapasa dun sa university sa Manila, praybeyt doon kaya mahal ang tuition,” dagdag pa nito.
“Sadyang umasenso na nga kayo Vilma, masaya ako para sa pamilya mo,” taos sa pusong sabi ng kanilang Tita Amelia. “Nakita ko nga yung dala niyong kotse, maganda.”
“Maganda diba? Mahal ang bili namin doon,” mayabang na banggit pa nito. ”Siya nga pala Alberto, ano na ‘yung utang mo? Kailan mo balak bayaran?” Taas kilay na tanong pa nito sa Tito Alberto niya.
Napasapo na lamang si Eva sa kaniyang ulo sa mga pinagsasabi ng ina. Lihim siyang nahihiya para dito sapagkat alam niyang marami sa mga sinabi nito ay hindi totoo. Bigla tuloy niyang naalala ang kaniyang mga post sa Facebook. Napagtanto niyang ‘di siya nalalayo sa kaniyang ina. My gosh! Mukha ba siyang desperada sa puri tulad ng ina niya? Hanggang sa makauwi ay iyon ang laman ng kaniyang isipan.
Ngiting tagumpay naman ang ina dahil lubos itong napagyabangan ang mga kapatid na tila walang masabi sa kaniyang mga naabot. Walang laman ang bibig nito kung hindi ang ani nito ay “nakasimangot na mukha ng mga kapatid dahil sa inggit sa kaniya”. Isang tawag ang bumura sa ngiti ni Vilma. Umiiyak na tumawag sa kanila ang kanila si Amelia, sinugod daw sa ospital ang asawa nito dahil inatake sa puso! Agad naman nila itong pinuntahan kung saan nadatnan nila ito sa tapat ng emergency room na umiiyak sa bisig ng Tito Alberto niya.
“A-ate!” Mahigpit na niyakap nito ang kanilang ina. “A-ate, t-tulungan mo kame please, kailangan daw agad na maoperahan si Jun. Wala kameng hawak na pera sa ngayon…hi-hihiram muna sana kame sayo ng pera,” umiiyak na sumamo nito sa kanilang ina.
Napag-alaman nilang matagal na palang pabalik-balik sa ospital ang Tito Jun niya. Nahihiya lang lumapit ang Tita niya sa kaniyang ina. Ngunit ngayon ay kinapalan na nito ang mukha sapagkat kinailangan na nga nitong agad na maoperahan. Tumulong naman ang kanilang ina at nag-abot ng paunang bayad para sa operasyon. Doon lang din nila nalaman na tumigil na rin pala sa kolehiyo ang anak nito at nagtrabaho muna upang makatulong sa pamilya. Ang Tito Alberto naman niya ay gipit din. Ang perang inutang nito sa kanilang ina ay para pala sa pang tuition ng kaniyang pinsan. Kaya pala kanina sa family reunion ay mukhang nakasimangot ang mga ito, hindi pala dahil sa naiinggit ngunit dahil may mabibigat na pinagdadaanan sa buhay.
Napatingin si Eva sa kaniyang ina. Puno ng pagsisisi at konsensiya ang mukha nito, marahil ay bumalik sa alaala nito ang inasta kanina. Labis itong nagyabang ngunit lingid sa kaalaman nito na naghihirap na pala ang mga kapatid nito. Tila bigla ang bugso ng reyalisasyon dito. Huminga ito ng malalim at tinignan ang mga kapatid nito na nakikisimpatya.
Labis na nanghingi ng tawad ang kanilang ina sa mga ito. Tawad para sa mga pagmamayabang na minsan, wala namang katotohanan. Sa mga panahong sagana sila ngunit naghihirap pala ang mga ito. Inamin lahat ng kaniyang ina ang mga kasinungalingan nito.
“Hindi talaga amin yung kotse, renta lang yan wampayb lang.” Natawa ang mga pinsan niya sa tinuran ng ina.
“At wala ren kaming babayaran sa matrikula nitong si Marie, iskolar yan.”
“At hindi Alberto, hindi mo na kailangang magbayad ng utang sa ‘kin. May mga problema pala kayo, bakit hindi ninyo ipinapaalam sa ‘kin? Hindi naman kami mayaman pero ano pa’t pamilya tayo diba?” Malumanay na sabi ng kanilang ina.
“Naku! Tama na nga ang drama, mag picture nalang tayo! One, two, three, smile!” Basag ni Eva sa madramang tagpong iyon.
Masaya siya at magaan ang kaniyang pakiramdam nang makita niya ang litrato ng kaniyang buong pamilya. Tulad ng kaniyang ina, marami siyang natutunan mula sa mga nangyari. Na maging tunay na ikaw ka lang, di mo kailangang magyabang ng mga bagay na wala ka naman talaga. Di mo kailangang magsinungaling para lang maging mabango o maganda ka sa paningin ng iba. Pinost ni Eva ang picture ng kanilang pamilya na may nakasulat sa itaas na ‘One big happy family’. Natutuwa siyang ipagmalaki na hindi na iyon kasinungalingan.