Inday TrendingInday Trending
Isang Tusong Amo ang Nais Utakan ang Kaniyang Empleyado; Dahil Sa Pandemiya ay Babalikan Siya ng Karma

Isang Tusong Amo ang Nais Utakan ang Kaniyang Empleyado; Dahil Sa Pandemiya ay Babalikan Siya ng Karma

Halos isang dekada na rin ng simula nang pumasok si Grace sa kumpanya ng kaniyang boss na si Allen. Kahit na maraming suliranin ang pinagdadaanan ng kumpanya at maraming reklamo ang natatanggap niya mula sa ibang manggagawa ay nanatili siyang tapat sa kaniyang tungkulin at sa kaniyang amo.

Sa tagal na nga ng paninilbihan niya sa kumpanya ay hindi na niya nagawang pagtuunan pa ng pansin ang kaniyang buhay pag-ibig. Dahil ito na rin unang trabaho siya ay minahal na niya ito.

“Ma’am Grace, totoo po ba ang balita na humihina na raw ang benta ng kumpanya natin?” tanong ng isang empleyado.

“Ang balita pa nga po ay may ibang investors daw po na umaatras na sa kasunduan. Gaano po ito katotoo?” tanong pa ng isa.

“Hindi totoo ang mga iyan. Nakausap ko si Boss Allen at natanong ko na rin ang mga bagay na iyan. Sa ngayon ay maayos ang kumpanya natin at patuloy sa paglaki. Huwag kayong mawalan ng tiwala. Mahal kayo ng kumpanyang ito,” sagot ni Grace.

“Baka kasi matulad po tayo sa ibang kumpanya na bigla na lamang pong nagtanggalan at baka mawalan kami ng kabuhayan,” dagdag pa ng empleyado.

“H’wag kayong mag-alala. Ako na ang nagsasabi sa inyo na maayos ang takbo ng kumpanya ngayon,” paninigarado ni Grace.

Ngunit alam niya ang katotohanan at pinagtatakpan lamang niya ang tunay na nangyayari. Matagal nang umatras ang iba nilang investors at wala na ring gustong pang mag-invest sa kanilang kumpanya dahil na rin sa kredibilidad ng kaniyang among si Allen.

At sa katunayan ay may kinakaharap na reklamo ang kumpanya dahil daw sa mga nadispalko na pondo ngunit hindi pa naman ito napatutunayan.

Ngunit dahil sa pagmamahal ni Grace sa kumpanya ay nagagawa niyang pagtakpan ang lahat ng suliranin na ito.

“Grace, alam mo kung ano ang nangyayari sa kumpanya. Bakit hindi mo na lamang tapatin ang mga empleyado ninyo upang makapagsimula na silang mag-adjust. Mahirap ‘yung bigla niyo na lamang silang gugulatin na wala na silang trabaho,” saad ng matalik niyang kaibigan na si Reign.

“Hindi ko alam. Basta naniniwala ako na gagawan ‘yan ng paraan ng boss ko. Magagawan niya ‘yan ng paraan,” tugon ng nangugulumihanang si Grace.

“Lubusan ang pagmamahal mo sa kumpanya at lubusang pagtatakip ang ginagawa mo sa boss mo. Sana nga ay mahalin ka pabalik ng kumpanya mo,” saad pa ng kaibigan.

Isang araw ay ipinatawag na lamang si Grace ng kaniyang amo.

“Grace, gawin mo ang lahat para gipitin ang mga empleyado at magsipagbitiw na sila. Hindi kakayanin ng kumpanya na magtanggal ng mga manggagawa dahil ayaw kong magbayad pa ng naaayon sa batas. Nalulugi na ang kumpanya,” wika ni Boss Allen.

“Pero, boss, karapatan nilang makakuha ng sapat na benepisyo,” aniya.

“Hayaan mo na ang mga ‘yan. Basta ikaw na ang bahala sa kanila,” saad ng kaniyang amo.

Ngunit dahil mabuti ang kalooban ni Grace ay ipinabatid niya ng maayos sa mga manggagawa ang kalagayan ng kumpanya. Tinulungan din niya ang mga ito na makakuha ng benepisyo kahit paano.

Muli siyang ipinatawag ng kaniyang boss at nagulat siya sa kaniyang narinig.

“Grace, ibibigay ko na sa iyo ang isang branch natin sa Mandaluyong. Ikaw na ang magpapatakbo nito. Sa iyo na ‘yon. Pasasalamat ko sa tagal na ng pagtatrabaho mo sa akin at sa pagiging tapat mo sa iyong tungkulin,” sambit ni Allen.

Laking tuwa ni Grace. Hindi siya makapaniwala na isa sa mga pinakamalaking branch ng kanilang negosyo ay ibinibigay na lamang sa kaniya ng kaniyang boss bilang pasasalamat sa pag-aakalang nakakabawi na ang kumpanya.

“May pinirmahan ka bang kasulatan, Grace?” pagtataka ni Reign.

“Sabi ni boss, aasikasuhin na raw niya. Pero tiwala naman ako sa kaniya. Natutuwa ako masiyado, Reign, isa na akong ganap na may-ari ng negosyo,” saad ni Grace.

“Kaso parang may mali, Grace. Hindi ko alam kung bakit pero may kutob ako na may binabalak ‘yang tusong amo mo!” wika muli ng kaibigan.

“Huwag ka ngang nega diyan! Tulungan mo na lang ako kung paano ko pa mas mapapalago ang negosyo ko!” galak na galak na sambit ng dalaga.

At hindi nga nagkamali si Reign. Nais ng boss na saluhin lahat ni Grace ang problema ng nasabing branch at kung ayos na ay muli niya itong babawiin sa dalaga. Dahil nga naman walang pirmahan na nanaganap. Ginagamit lamang si Grace ng kaniyang boss.

Ngunit iba pa rin ang karma kung gumanti.

Ginulantang ang lahat ng isang matinding pandemiya at ang lahat ng mga negosyo at establisimento ay nagsara. Halos tatlong buwan na sarado ang negosyo ni Grace. Hindi rin niya alam kung saan siya kukuha ng isang daan at limangpung libong piso upang makabayad sa renta ng kanilang branch dahil nga wala namang pumasok na kita noong mga nakaraang buwan.

Humingi siya ng tulong sa kaniyang amo ngunit ang tanging naging sagot lamang nito ay siya na ang bahala.

“Sa’yo na ang negosyong iyon hindi ba? Ikaw na ang gumawa ng paraan. May mga kailangan din akong asikasuhin, Grace. H’wag ka namang dumagdag,” wika ng boss nito.

Kahit anong pakiusap ni Grace na tulungan siya ng kaniyang amo ay ipinagtutulakan lamang siya nito.

Alam ni Grace na hindi sasapat ang kaniyang mga naipon para ipambayad lamang sa upa ng kaniyang tinatawag na negosyo. At alam niyang maaari siyang sampahan ng kaso kung hindi siya makakapagbayad ng tama sa tamang panahon.

Pilit siyang nakipag-usap sa may-ari ng establisyemento upang humingi ng palugit. Nagulat siya sa tinugon nito.

“Ms. Grace, hindi dapat ikaw ang nakikipag-usap sa amin sapagkat hindi naman ikaw ang may-ari ng negosyo. Kailangan naming makausap ang boss mo at siya ang kailangang humarap dito,” sambit ng ginoo.

Doon niya naisip na ang legal pa rin palang may-ari ng nasabing branch ay ang kaniyang ganid at tusong Boss na si Allen. At dahil wala silang dokumentong pinirmahan ay walang patunay na naibigay na sa kaniya ang nasabing negosyo at wala siyang pananagutan sa batas.

Kaya ito na ang kaniyang ginawa. Humingi siya ng tulong sa abugado upang asikasuhin ang problema na ito. Bandang huli ay si Allen pa rin ang pinagbabayad ng nasabing utang. At higit sa lahat ay hindi alam ni Grace na baon na baon na pala ang kanilang kumpanya.

Naging aral ito kay Grace na kahit gaano niya ibigay ang kaniyang buhay sa isang kumpanya ay hindi maibabalik ito sa kaniya lalo na kung tuso at ganid ang namamahala dito.

Tuluyan na ngang bumagsak ang kumpanya ni Allen at si Grace naman ay ginantimpalaan ng Diyos ng maayos na trabaho sa isang maayos na kumpanya kung saan kaya siyang pahalagahan.

Advertisement