Nagulat ang Dalaga na Muling Magpapakasal ang Kaniyang Balong Ama; Susubukan Niyang Pigilan ang Pagmamahalan ng Dalawa Dahil sa Lihim na Natuklasan
Mahirap man pero tanggap na ni Chelsea na kahit kailan ay hindi na babalik pang muli ang kaniyang ina matapos ang isang malagim na aksidente. Isang gabi kasi habang pauwi galing trabaho ang kaniyang ina lulan ng isang pampasaherong sasakyan ay bumuhos ang napakalakas na ulan.
Ang drayber daw na nagmamaneho ng taxi ay parang lasing pa at dahil sa lakas ng ulan, madulas ang kalsada at sitwasyon ng nagmamaneho, ay bigla na lamang sumalpok ang sinasakyan ng kaniyang ina sa isang malaking sasakyan. Hindi niya akalain na sa ganito lamang pala magtatapos ang buhay ng kaniyang pinakamamahal na ina.
Kahit na malungkot ay pinilit ni Chelsea na magpakatatag para sa kaniyang amang si Rex. Alam kasi niyang wala nang hihigit sa sakit na nararamdaman ng kaniyang ama sa pagkawala ng pinakamamahal nito.
Lumipas ang mga taon at nasanay na ang mag-ama na sila lamang dalawa ang magkasama. Hanggang sa isang araw, pag-uwi niya mula sa kaniyang unibersidad na pinapasukan sa kolehiyo ay may pinagtapat ang kanyang Papa Rex.
“Anak, limang taon na rin simula ng mawala ng mama mo. May nais sana akong sabihin sa iyo,” saad ni Rex sa dalaga.
Maya-maya ay isang babae ang lumabas mula sa kusina.
“Siya ang Tita Precy mo. Isang taon na kaming magkasintahan at ngayon ay binabalak na naming magsama at tuluyang magpakasal,” dagdag ng ama. Lubusan itong ikinabigla ni Chelsea.
“P-pasensiya ka na, pa. Pero hindi ko maintindihan ang lahat ng ito,” tugon ng dalaga sabay takbo papasok ng kaniyang silid.
Agad din naman siyang sinundan ni Rex.
“Anak, p’wede ba akong pumasok?” tanong ng ama.
“Sana man lang, papa, sinabi niyo sa akin muna na may dadalhin kayong bisita dito sa bahay para hindi ako nagugulat nang ganito,” wika ni Chelsea.
“Sa pagkakaalam ko kasi ay masaya na kayo sa buhay na magkasama tayo. Saka, papa, kahit kailan ay hindi magagawa ng sinuman na palitan si mama,” dagdag pa ng dalaga.
“Alam ko, anak. Walang kahit sinong makakapalit sa mama mo dito sa puso ko. Ngunit kailangan nating maghilom. At saka naisip ko rin na mas maganda na may isang babae rito sa bahay para masubaybayan ka sa iyong pagdadalaga,” sambit ng ama.
“Patawarin mo ako kung nagulat ka sa desisyon ko, anak. Pero ito ang tandaan mo, ikaw pa rin ang babaeng nangunguna dito sa puso ko,” pagtatapos ng ama sabay yakap sa dalaga.
Dahil na rin sa pagmamahal ni Chelsea sa kaniyang ama ay hindi na nito nagawang tumanggi pa sa pakiusap ng ama. Hindi man siya kumportable na basta na lamang may ibang tao sa kanilang tahanan ay kailangan niya itong pakisamahan nang mainam dahil ito na ang bagong minamahal ng kaniyang ama. Higit pa rito ay nakikita ni Chelsea ang ligaya na dulot ni Precy sa buhay ng kaniyang ama.
Madalas nga lamang na mailangan itong si Chelsea sa kaniyang Tita Precy dahil masyado niyang gustong gampanan ang pagiging ina sa dalaga. Marahil ay hindi pa handa si Chelsea para dito.
“Anak, nakita ko ang ginawa mo kanina sa Tita Precy mo. Hindi maganda na ipinapahiya mo siya. Nagluto siya ng agahan natin at baon mo sa eskwela, ano ba naman iyong kainin mo at pasalamatan siya?” pangaral ni Rex sa anak.
“Pa, nagmamadali lang talaga ako!” dahilan naman ng dalaga.
Napansin na rin ni Chelsea ang pagbabago ng kaniyang ama. Mas binibigyang prayoridad na ng kaniyang Papa Rex si Precy kaysa sa kaniya. Madalas na ring mapagsabihan si Chelsea ng ama dahil sa mga ikinikilos niya sa harap ng kaniyang madrasta at ang pakiramdam ng dalaga ay naiitsapwera na siya sa kanilang pamamahay.
Dahil sa kaniyang inis ay nais niyang tuluyan nang mapaalis ang madrasta at mabuhay na lamang sila ulit ng ama na magkasama tulad ng kanilang nakagawian. Nararamdaman niyang may balak lamang ang babaeng ito kaya mabilis na sumama sa kaniyang ama. Lalo nang lumakas ang kaniyang kutob dahil ilang beses na niyang nahuhuli si Precy na tila may kinakausap ng palihim sa kaniyang telepono.
Isang araw, habang kasama ang kaniyang mga kaibigan sa mall, ay hindi sinasadyang matanaw ni Chelsea ang isang pamilyar na babae. Nang kaniyang lapitan ay ito nga ang kaniyang madrasta at may kasamang ibang lalaki. Halatang matagal na silang magkakilala dahil sa kanilang mga tawanan. Upang makasigurado sa kaniyang hinala na may itinatago ito ay tinawagan niya ang madrasta.
“Tita Precy, naasan po kayo?” tanong ni Chelsea.
“Nandito ako sa bahay ng kumare ko, Chelsea. Bakit ka napatawag?” tugon ng madrasta.
“May nakalimutan po kasi ako sa bahay. Pero sige po, ayos lang. Ako na lang po ang bahala,” sambit ng dalaga saka ibinaba ang telepono.
Kumpirmado nga na may nililihim ang kaniyang Tita Precy.
Dahil dito ay agad niyang nilitratuhan ang madrasta at ang kasama nito bilang ebidensya. Agad siyang umuwi ng kanilang bahay at hinintay ang ama upang isiwalat ang lahat ng kaniyang nalalaman.
Sa wakas ay matutupad na din ang pinapangarap niyang magbalik ang buhay nila ng ama sa dati. At mapapatunayan na rin niya na tama ang kaniyang hinala.
Ilang oras pagkatapos makarating sa bahay ang ama ay dagling kinausap ni Chelsea ang ama.
“May sasabihin po ako sa inyo, pa. Sa totoo lang hindi ko talaga alam kung paano ito sasabihin dahil alam kong madudurog ang puso niyo. Pero hindi kasing buti ng inaakala niyo ang babaeng minamahal niyo,” pagsiwalat ni Chelsea.
“A-anong sinasabi mo riyan, anak?” sambit ng nagugulumihanang si Rex.
“Si Tita Precy, niloloko lamang niya kayo. May maitim siyang balak sa inyo,” dagdag pa ng dalaga.
At biglang dumating si Precy.
“A-anong maitim na balak, Chelsea? Anong niloloko ang sinasabi mo riyan?” wika ng madrasta.
“Nakita kita sa mall kanina may kasama kang ibang lalaki. Nakita ko rin kung gaano kayo kasaya na namimili. Nang tawagan kita ang sabi mo sa akin ay nasa bahay ka ng kumare mo. Sinungaling ka! Tama ang tingin ko sa’yo, niloloko mo lang ang papa ko!” paglalahad ng dalaga.
“Sandali lang, Chelsea, hayaan mo muna akong magpaliwanag!” pakiusap ni Precy.
“Pa, huwag kang maniniwala sa sinasabi ng babaeng ‘yan. Kitang-kita ko sila ng lalaki niya kanina. Sa katunayan ay ito ang mga larawan. Kinuhaan ko sila ng litrato sa selpon ko,” wika pa ng dalaga sabay pakita ng mga litrato.
“Chelsea, hindi ‘yan tulad ng akala mo! Hindi ko ibang lalaki ang kasama ko, si Danny ‘yan, ang nakakababata kong kapatid,” sambit ni Precy. “Aaminin ko may tinatago talaga ako. Pero hindi dahil sa niloloko ko ang papa mo!” dagdag pa niya.
“Nasa mall ako kanina kasama ang kapatid ko kasi gusto ko kayong supresahin ng papa mo dahil malapit na ang anibersaryo namin ng Papa Rex mo at dahil ayaw kong maramadaman mo na nawawalan ka na ng lugar sa puso ng ama mo dahil nandito ako ay naghahanda ako ng surpresa. Isang maliit na salu-salo para sa atin,” paliwanag ng ginang.
“Pasensiya ka na kung nagsinungaling ako kanina noong tumawag ka sa akin. Ayaw ko lang naman masira ang hinahanda kong supresa,” pagpapatuloy ni Precy.
Lubusang kahihiyan ang naramdaman ni Chelsea dahil sa kaniyang ginawa.
“Alam ko, Chelsea na mahirap sa iyo na kalimutan ang iyong ina at tanggapin na narito na ako ngayon. Pero hindi ko hinihiling na kalimutan mo ang mama mo dahil kahit kailan ay hindi ko siya matutumbasan sa buhay at d’yan sa puso mo. Pero ang tanging hiling ko lamang ay pagbigyan mo ako na maging ina para sa’yo. Gusto kong alagaan kayo ng papa mo dahil mahal na mahal ko kayong dalawa,” wika pa ng madrasta.
Hindi alam ni Chelsea ang kaniyang isasagot kaya napalapit na lamang ito sa kaniyang madrasta at niyakap ito.
“Patawarin mo ako, tita,” tanging sambit ng dalaga.
“Pa, patawarin mo rin ako sa mga inasal ko. Hinding-hindi na po ito mauulit,” wika niya sa ama.
Isang mahigpit na yakap ang isinukli nina Precy at Rex sa kanilang nag-iisang dalaga.
“Mahal na mahal ka namin, anak. Narito kami lagi para sa’yo. Huwag mong kakalimutan,” wika ni Rex sa anak.
Mula noon ay natanggap na ni Chelsea ang kaniyang Tita Precy, nakalauna’y tinawag niya nang Mama Precy. Kahit kailan ay hindi mapapalitan ni Precy ang tunay na ina ni Chelsea sa buhay nito ngunit masaya ang dalaga na mayroon siyang kaagapay at matatawag na ina sa lahat ng panahon.