Inday TrendingInday Trending
Putok sa Buho Kung Tawagin ang Bata Sa Kanilang Lugar; Nagulantang ang Lahat nang Malaman ang Tunay Niyang Pagkatao

Putok sa Buho Kung Tawagin ang Bata Sa Kanilang Lugar; Nagulantang ang Lahat nang Malaman ang Tunay Niyang Pagkatao

Hindi iniinda ng sampung taong si Rodel ang init para mailako lamang ang kaniyang tindang biko na gawa ng kaniyang ina. Kahit na kumakalam na ang sikmura nito at uhaw na uhaw ay walang tigil pa rin sa pagsigaw ang bata ng kaniyang bitbit na paninda. Nais kasi niyang maubos na ang kaniyang panindang biko nang sa gayon ay makauwi na siya at maibigay na ang kinita sa ina.

Tuwing araw ng Sabado ay halos buong araw na nililibot ng bata ang kanilang lugar para mag-alok ng kung ano-anong tinda.

“Kulot, salot! Kulot, salot! Kulot, salot!” walang tigil sa pangangantiyaw ang mga kabataan sa kawawang si Rodel habang pilit niyang inililigtas ang kaniyang sarili.

“Umalis ka na dito, kulot! Hindi ka nababagay sa lugar namin kasi putok ka lang sa buho. Wala kang tatay!” sigaw ng isang bata sabay pambabato kay Rodel. Hindi na lamang umiimik ang bata at nagpatuloy na lamang ito sa paglalakad habang pinoprotektahan ang bilao na kaniyang dala.

Ngunit isang bata ang tumulak sa kaniya at nagkalat ang natitirang biko sa daan. Inis na inis si Rodel sa mga ito nang makita niya ang paninda na marumi na. Tiningnan niya ang mga ito ng masama at nang sinusubukan niyang bumangon upang gumanti ay tila narinig niya ang boses ng kaniyang ina na nangangaral na umiwas siya sa gulo.

Pilit niyang kinalma ang kaniyang sarili. Tumayo siya at pinulot na lamang ang kaniyang tinda habang nangingilid ang luha.

“Wala ka pala, e! Akala pa naman naming lalaban ka. Duwag ka rin pala!” patuloy sa pang-iinis ang mga kabataan.

Habang pinupulot ni Rodel ang kaniyang mga nasayang na paninda ay hindi niya naiwasan na maisip kung sino nga ba ang tatay niya. Ang tanging alam lamang kasi niya ay nagtrabaho sa ibang bansa ang kaniyang ina at nang makauwi rito sa Pilipinas ay dala na siya. Ang sabi ng ibang kapitbahay ay nabuntis daw ang kaniyang ina ng ibang lahi. Hindi naman ito itinanggi ng kaniyang ina. Ngunit dahil ayaw niyang masaktan pa ang ina ay hindi na lamang niya inusisa ang tungkol dito. Lalo pa at nakikita niya ang lubos na pagmamahal sa kaniya ng ina.

Nang makauwi si Rodel ay lubusan ang paghingi niya ng tawad sa ina.

“Nay, nadapa po ako, patawad natapon ko po ang mga biko,” bungad niya sa ina.

“Huwag ka nang maglihim sa akin, anak. Ginambala ka na naman ba ng mga batang iyon? Sinaktan ka ba nila? Halika dito at tingnan ko kung may sugat ka, anak,” sambit ng ina nito.

“Anak, kahit na ano pa ang sabihin nila sa’yo ay pabayaan mo na lang. Ang Diyos ang maghihiganti para sa iyo,” wika ng ina.

“Pero, ‘nay, madalas po ay sobra na ang ginagawa nila sa akin. Minsan naiisip ko po sana ay may tatay ako para nang sa gayon ay may magtatanggol sa akin. Iba na nga ang itsura ko, tapos hindi pa po kumpleto ang pamilya natin,” hindi na napigilan pa ng bata ang tuluyang maiyak.

“Patawarin mo ako, anak. Kasalanan kong lahat ito. Kung ipinaglaban ko lang ang karapatan mo noon sa iyong ama ay hindi sana naging ganito ang buhay natin. Hindi ka sana nahihirapan ng ganito,” malungkot na tinig ng ina.

“Nay, patawad. Hindi ko po gustong saktan ang damdamin ninyo. Masaya po ako na kapiling ko kayo at sapat na po ang pagmamahal ninyo sa akin. Kasi naisip ko rin na kung mahal ako ng tatay ko, e ‘di sana ay hinanap niya ako. Patawad po, ‘nay!” sambit ni Rodel sa ina.

Kinabukasan ay patuloy pa rin sa pagtitinda si Rodel kahit na alam niyang makakasalubong na naman niya ang mga kabataang iyon at kakantiyawan siyang muli. Hindi na niya ito inalintana sapagkat mas matibay ang kaniyang hangarin na mabenta ang lahat ng ito upang may pantustos silang mag-ina.

Hindi nga siya nagkamali. Sa isang eskinita ay muling nag-aabang ang mga kabataan at patuloy ang mga ito sa pang-aasar sa kawawang si Rodel. Sa pagkakataong ito ay pinagtulungan nila ang kawawang bata at binaboy ang mga panindang dala nito.

Iyak nang iyak si Rodel. Nais na sana niyang gumanti nang may isang sasakyan ang tumigil sa kanilang harapan. Bumaba ang isang ginoo at sinindak ang mga kabataang nang-aapi kay Rodel. Agad naming nagpulasan ang mga ito patakbo palayo sa bata.

“Ayos ka lamang ba, iho?” saad ng ginoo.

Umiiyak na tumango si Rodel. “Opo. Pero hindi ko po alam ang gagawin ko sapagkat lahat ng paninda ko ay natapon na. Naaawa ako sa nanay ko po dahil pinaghirapan niya itong gawin at baka mamaya ay wala na rin kaming kainin dahil wala akong kinita,” patuloy sap ag-iyak ang bata.

Agad na nag-abot ng pera ang ginoo. “Ito, babayaran ko lahat ng nasayang mong paninda, huwag ka nang umiyak. Ibigay mo ito sa nanay mo kaagad,” sambit ng ginoo.

“Bata, pwede ba akong magtanong? May kilala ka bang Leslie na nakatira dito?” tanong ng ginoo.

“Opo. Leslie po ang pangalan ng aking ina,” sambit ni Rodel.

“Maaari mo ba akong samahan sa nanay mo? Nasa loob ng sasakyan na iyan ang boss ko at matagal na niyang hinanap ang isang babaeng nagngangalang Leslie,” saad muli ng ginoo.

Agad nang sinamahan ni Rodel mga ito sa kanilang tahanan. Nabigla naman ang ina ng bata ng makita niyang sakay ng isang magarang sasakyan ang kaniyang anak kaya ito napatakbo palabas.

“Anak, ano ang nangyari sa iyo? Sino ang mga iyan?” pagtataka ng ina.

“’Nay, tinulungan po nila ako kanina sa mga bata. Pinalitan din po nila ang mga natapong biko. Pero, ‘nay, sabi ng ginoo, nais daw po kayo makita ng boss niya,” saad ni Rodel sa ina.

Laking gulat ni Leslie nang makita mung sino ang bumaba sa magarang sasakyan.

“It’s been so long, Leslie. I’ve been looking for you,” saad ng ginoong bumaba sa kotse.

Isang matamis na ngiti at pagluha ang namataan ni Rodel sa mukha ng ina. “Nay, sino po siya?” pagtataka ng bata.

“A-anak, ang lalaking iyan ay ang iyong ama,” sambit ni Leslie na hindi na napigilan pa ang luha sa kagalakan.

Ang ama pala ni Rodel ay isang prinsipe sa ibang bansa. Nang umibig ito sa kaniyang ina ay mariin itong tinutulan ng maharlikhang pamilya nito sapagkat ang tingin nila kay Leslie ay isang mababang uri lamang ng nilalang dahil ito ay isa lamang sa kanilang tagapagsilbi. Dahil ayaw na rin ni Leslie na mahirapan pa ang iniibig ay umalis na lamang siya ng walang paalam at hindi niya ipinabatid dito na siya ay nagdadalang tao.

Ngunit sa paglipas ng panahon ay ipinaglaban pa rin ng prinsipe ang kaniyang pagmamahal kay Leslie. Dahil dito ay hindi na pumagitna pa sa ninanais niya ang kaniyang pamilya. Nagdesisyon ang ginoo na hanapin ang babaeng kaniyang pinakamamahal.,

“Hindi ko inaasahan na sa loob ng maraming taon na nagkawalay tayo ay hinahanap mo pala kami,” saad ng ina ni Rodel.

“I’m sorry if it took me so long to find you,” saad ng ama ni Rodel.

Lubusan ang saya ni Rodel nang sa wakas ay natupad na rin ang kaniyang matagal nang pinapangarap na makilala at makasama ang ama. Mabilis na kumalat sa kanilang lugar ang balitang maharlika pala ang ama ni Rodel. Malaking inggit ang naramdaman ng mga kapitbahay sa mag-ina.

Isinama na sila ng prinsipe pabalik sa kanilang bansa upang dito na manirahan. Mula noon ay hindi na nakaranas pa si Rodel ng kahit anong paghihirap at hindi na rin niya namasa ang pang-aalipusta ng kahit sino pa man.

Higit sa lahat ay punumpuno ang puso niya ng pagmamahal sapagkat nasaksihan niya ang pag-iisang dibdib ng kaniyang mga magulang.

Advertisement