Nakiusap ang Matandang Pasakayin Niya Kahit Wala Itong Pamasahe; Ano Kaya ang Gagawin ni Manong Tsuper?

Maagang namasada si Romel, upang kahit papaano’y makauwi rin siya ng maaga mamaya. Nananalanging sana’y marami siyang mahakot na pasahero sa araw na iyon sapagkat kaarawan na ng kaniyang bunsong anak sa makalawa.

Isang matanda ang lumapit sa kaniya at nakiusap.

“Hijo, maaari mo ba akong pasakayin kahit wala akong pambayad?” Tanong ng matandang lalaki sa kaniya.

“Saan po ba ang tungo niyo, tatay?”

“Biyaheng Pasay ‘to ‘di ba?”

“Opo,” sagot naman ni Romel sa matanda. Sa kaniyang tantiya’y nasa edad syetenta na ang lalaki. Malinis ito at mukhang bagong ligo pa nga. May bitbit na bagpack na kulay itim at tungkod.

“Maaari mo ba akong ibaba sa may Vito Cruz? Pupunta kasi ako sa isa kong anak, kaso’y wala akong perang dala. Pinalayas kasi ako ng isa kong anak at naiinis raw siya sa’kin. Kaysa naman matulog ako ngayon sa lansangan ay pupuntahan ko na lang ang isa ko pang anak,” paliwanag ng matanda.

Agad namang nakaramdam ng pagkahabag si Romel sa sinabi ng matandang lalaki kaya walang pagdadalawang-isip na pinapasok niya ito sa loob ng kaniyang jeep. Pinaupo niya ang matanda sa tabi niya— sa front seat.

Advertisement

“Ilan po ba ang anak niyo tatay?” Maya maya ay tanong ni Romel. Nakilala niya ang matanda sa pangalang Pedio.

“Lima lahat ang anak ko. Kaso ngayon ay apat na lang sila. Maagang binawi sa’min ang bunso kong anak. Kaya apat na lang ang natira. Matagal na ring namayapa ang asawa ko kaya heto ako’t pinagpasa-pasahan na lang ng mga anak ko.

No’ng una’y sa panganay kong anak ako nakatira. Umalis rin ako doon sa kadahilanang nagagalit rin siya sa’kin at kung minsan ay pinapalo niya ako ng tungkod ko. Kaya lumipat ako sa sumunod kong anak na babae.

Kaso naririnig ko naman na nag-aaway sila ng asawa niya nang dahil sa’kin. Sabi ng asawa niya dagdag pabigat raw ako. Kaya umalis na lang din ako sa poder niya at lumipat nga sa pangatlo kong anak ngayon na lalaki.

Kaso gaya ng panganay ko’y naiinis rin sila sa’kin at heto pinalayas ako,” malungkot na ngumiti si Tatay Pedio saka lumingon sa gawi ni Romel. “Mahirap na talaga kapag matanda ka na. Ang tingin sa’yo ng mga anak mo’y wala ka nang silbi sa mundo.”

Hindi man kaano-ano ni Romel si Tatay Pedio ay pakiramdam niya’y may sumaksak sa puso niya ng napakaraming beses dahil sa sinabi nito. Kailanman ay hindi nagawa ni Romel na itakwil ang mga magulang niya. Talaga nga pa lang may mga anak na kayang gawin iyon sa mga magulang.

“Ikaw ba hijo, may mga magulang ka pa?” Maya maya ay tanong ni Tatay Pedio sa kaniya.

“Opo.”

Advertisement

“Sana huwag mong gayahin ang mga anak ko,” malungkot na wika nito. “Alam mo minsan nga’y naiisip ko kung saan ako nagkulang sa kanila noon at bakit nila ginagawa sa’kin ito? Hindi ko naman ginawa ang bagay na ito noon sa mga magulang ko.

Pero bakit ganito ang mga anak ko sa’kin? Masakit sa isang magulang ang pakiramdam na ngayong matanda ka na’t wala nang kayang gawin ay wala ka na ring silbi sa mga anak mong inaruga mo mula pagkabata. Ibinigay sa kanila ang magandang buhay para kapag nagkapamilya sila’y magkaroon din sila ng magandang kinabukasan.

Tapos ito lang ang isusukli nila. Ipinagpapasa-Diyos ko na lang ang lahat hijo. Minsan nga’y hinihiling ko na lang na sana kunin na ako ng Diyos Ama, para matapos na ang paghihirap ko sa mundo. Kaso kapag pala talaga gustong-gusto mo ng mam*tay ay saka ka naman ayaw kunin,” natatawang biro ni Tatay Pedio.

“Baka may misyon ka pa sa mundo tatay,” ani Romel. Pinapagaan ang bigat na nararamdaman ng matanda.

“Hindi pa ba natatapos ang misyon ko sa buhay? Masyado na akong matanda para magampanan pa iyon,” nakatawang wika ni Tatay Pedio.

“Paano kapag pinalayas ka pa ng pang-apat mong anak?”

“Mukhang hindi naman siguro. Naroon ako sa kaniya noon e bago ako kinuha ng panganay kong anak. Maayos naman kaming nagkasama ng pang-apat ko. Mabait kasi iyon at medyo may pagka-binabae. Kaya alam kong mas magiging kampante ang buhay ko sa anak kong iyon.” Nakangiting wika nito.

Dumukot si Romel ng pera sa kaniyang bulsa at ibinigay kay Tatay Pedio. “Pasensya ka na tatay ah, isang libo lang ang kaya kong ibigay. Iyan pa lang ang kinita ko sa araw na ito. Tanggapin niyo na iyan at alam kong mas kailangan mo iyan.

Advertisement

Ito ang numero ko, ‘tay.” Abot rin niya sa kapirasong papel kung saan nakasulat ng selpon number niya. “Tawagan niyo ako pagdating niyo sa bahay ng anak mo. Para makasiguro akong ligtas kayo. Saka pwede niyo rin akong tawagan kapag kailangan niyo ng tulong at makakausap.”

“Salamat hijo. Pagpalain ka nawa ng Diyos Ama,” mangiyak-ngiyak na wika ni Tatay Pedio.

“Kayo rin po. Aasahan ko ang tawag niyo ah,” ani Romel, bago tuluyang bumaba ng jeep si Tatay Pedio.

Nais man niyang ihatid si Tatay Pedio upang masigurong nakarating ito sa pang-apat nitong anak ay hindi naman niya magawa. May mga pasahero pa siyang dapat ihatid.

Ang hirap malaman na may mga anak pala talagang kayang itakwil ang sarili nilang mga magulang na kung iisipin ay paano nila nagagawa ang bagay na iyon? Hindi ba sila natatakot sa karma? Tatanda tayong lahat at darating ang panahon na kakailanganin natin ng aruga sa mga anak natin. Sana lang… huwag gawin sa kanila ang ginawa nila sa mga magulang nila.