Laging Sinusunod ng Babae ang Sinasabi ng Kaniyang Ina; Ngunit Bakit Ngayon ay Tinatanggihan Niya Ito

Laging Sinusunod ng Babae ang Sinasabi ng Kaniyang Ina; Ngunit Bakit Ngayon ay Tinatanggihan Niya Ito

FamilyInspiringStories

Natatarantang lumapit si Althea sa asawang si Hylos, nang makita niya itong ini-empake ng asawa niya ang mga damit nito.

“Saan ka pupunta, Hylos?”

“Iiwan na kita, Althea. Hindi ko na gusto ang mga nangyayari sa’tin at sawang-sawa na akong makasama ka,” prangkang sagot nito.

“B-bakit? Nagkulang ba ako sa’yo? May nagawa ba akong mali? Sabihin mo sa’kin. Pangako gagawin ko ang gusto mong mangyari at babaguhin ko ang mga bagay na ayaw mo,” nagsusumamong pakiusap ni Althea sa asawa.

“Hindi na kita mahal, Athea. May iba na akong mahal ngayon at iyon ay si Nicole,” pag-amin ni Hylos.

Ang sakit malaman na hindi na siya ang mahal ng lalaking mahal na mahal niya. Ito ang ama ng mga anak niya at wala na siyang ibang nakikitang lalaking makakasama sa kaniyang pagtanda kung ‘di si Hylos lang. Kaya napakasakit malaman na ayaw na nito sa kaniya.

Walang nagawa si Althea sa nais mangyari ni Hylos. Tuluyan na nga siya nitong iniwan at sumama na nang tuluyan sa babaeng bago nitong mahal. Bitbit ang tatlong anak ay umuwi si Althea sa bahay nila.

Ngunit imbes na maawa sa kaniya ang kaniyang mga magulang ay nagalit pa ang mga ito sa nangyari sa relasyon nila ni Hylos.

“Bumalik ka sa bahay niyo ni Hylos at makiusap ka sa asawa mong huwag ka niyang iwanan. Paano kayo ng mga anak mo, Althea kung tuluyan kayong iwan ni Hylos!” Nanggagalaiting wika ng kaniyang inang si Sandra.

“Nand’yan naman kayo na pamilya ko mama,” sagot ni Althea. Hindi ito ang inaasahan niyang pagtanggap mula sa kaniyang pamilya.

Mula noon hanggang ngayon ay diktador talaga ang kaniyang ina. Ito rin ang may gustong magkapangasawahan sila noon ni Hylos.

“D’yos por santo, Althea. May asawa ka na at obligasyon niya kayong apat. Mula noong nagpakasal ka kay Hylos, at labas ka na sa obligasyon namin ng papa mo. At saka hindi ko papayagan na ikaw lang sa lima kong anak ang may broken family!”

“Pero hindi na ako uuwi sa bahay namin ni Hylos. Kaya kong buhayin ang mga anak namin kahit wala siya!” Mariing tanggi ni Althea.

“Anong kaya mong gawin, Althea? Wala kang alam na gawaing bahay. Lumaki kang prinsesa sa’min ng ama mo. Kaya nga si Hylos ang napili kong mapangasawa mo dahil mayaman ang pamilya niya at alam kong matutugunan niya ang pangangailangan mo. Anong kaya mong gawin kapag wala ang asawa mo?”

“Kung gano’n pala ang tingin niyo sa’kin ma. So dapat pala’y simulan ko nang matuto sa mga bagay na hindi ko alam. Tapos na akong nagtiis sa panloloko at pambabalewala sa’kin noon ni Hylos, ma.

Kayo ang may pakana kung bakit nalagay ako sa ganitong sitwasyon. Kayo ang nagpalakad ng buhay ko, dahil sabi mo nga; Mother knows best. Ni minsan ay hindi kita sinuway. Bagkus at sinunod ko ang lahat ng gusto niyo.

Pero sa ngayon ma ay ako naman ang masusunod, hindi lang para sa sarili ko kung ‘di para na rin sa mga anak ko!” Mariin at matapang na wika ni Althea sa ina saka umalis sa harapan nito kasama ang tatlong anak.

Gaya ng sinabi noon ng kaniyang ina ay hindi nga siya tinulungan nito sa kaniyang problema, maliban sa kaniyang papa at apat pang kapatid. Lihim na tinutulungan siya ng mga ito ng pinansyal na kailangan niya sa panahong ito.

Graduate siya ng kursong BS Accountantcy, hindi nga lang niya nagamit noon dahil agad siyang ipinakasal noon kay Hylos. Mas nagpokus siya sa pagiging asawa’y mabuting ina upang mas maging maayos ang pamilyang nais niya. Nakalimutan niyang mahalin noon ang kaniyang sarili at siguro naman ay oras na para sa pagbabago.

Nag-apply siya sa isang banko at sa awa ng Diyos ay agad naman siyang natanggap. Gamit ang pinansyal na suporta ni Hylos para sa kaniyang mga anak at ang kunting tulong na rin ng kaniyang mga kapatid ay kumuha siya ng mag-aalaga sa kaniyang tatlong anak.

Mahirap sa umpisa ngunit makalaunan ay nakasanayan na niyang mag-isa, kasama ang kaniyang tatlong anak. Hindi pa rin naman tumitigil ang suporta ni Hylos sa mga anak nila na ipinagpapasalamat niya ng malaki.

Nang may sapat na pera na rin siya’y bumukod na siya ng tirahan dahil ayaw niyang sabihin ng mama niya na nakaasa pa rin siya sa mga ito. Mahirap ang maging single lalo na’t single parent ka. Ngunit mas maigi nang mag-isa kaysa makisama sa taong hindi ka na mahal.

Hindi baleng hindi sila naging mabuting mag-asawa ni Hylos sa isa’t-isa. Basta ang mahalaga’y naging mabuting ina at ama naman sila para sa mga anak nila.

More Stories