Inday TrendingInday Trending
Umatras sa Panliligaw ang Lalaking Ito nang Malamang Bastos sa Magulang ang Babae, Hindi Niya Alam na sa Tabi-tabi Lang ang Tunay na Hinahanap Niya

Umatras sa Panliligaw ang Lalaking Ito nang Malamang Bastos sa Magulang ang Babae, Hindi Niya Alam na sa Tabi-tabi Lang ang Tunay na Hinahanap Niya

Marami ang nagkakagusto kay Toffen sa kolehiyong pinapasukan niya, hindi naman kasi maitatangging bukod sa matalino ang binata ay gwapo rin. Hindi naman ito lingid sa kaalaman niya, sa katunayan ay sobrang obvious na pati ang anak ng tindera sa canteen nila, si May, ay kinikilig rin sa kanya. Estudyante rin si May sa kolehiyong ito, pero tuwing break time ay pinupuntahan nito ang ina sa canteen para tulungang magtinda. “Nay, ako na dyan. Mamaya pa ang klase ko, 1:30.” sabi ng dalaga habang isinusuot ang apron. “Nak! Ano ka ba mangangamoy bawang ka doon ka nga sa counter,” sabi ng nanay nito. “Matagal na akong amoy bawang nanay, hahaha! Sige na doon ka na, nang makapahinga ka rin.” nakangiting biro nito sa ina. Wala namang nagawa ang ale kung hindi sumunod. Nakita ni Toffen ang eksenang iyon, hindi naman kasi sarado ang kusina ng canteen. Mabait pala si May, sa isip isip niya. Pero hindi kasi si May ang type niya, masyadong prangka ang dalaga at palaban, matalino ito at kahit na anong nasa isip ay sinasabi. Si Angel ang gusto niya, ang muse ng kanilang klase. Pino ito kung kumilos at palagi lang nakangiti, mayumi at mahinhin ‘ika nga. Isang Sabado ay napag isipan ni Toffen na dalawin si Angel sa bahay ng mga ito, ayaw niya naman kasing sa text niya lang liligawan ang dalaga, hindi siya naniniwala sa ganoon. Hindi alam ni Angel na pupunta siya sa bahay ng mga ito, gusto niyang maging sorpresa ang lahat, di naman siguro magagalit ang magulang nito basta magiging magalang siya at matapat sa hangarin. Ipinagtanong niya sa mga kaklase ang bahay nina Angel, lahat ng ito ay kinilig, ang iba ay nadismaya na may liligawan na si Toffen. Nasa gate pa lang siya ay may narinig na siyang kung anong pag aaway. “Anak, tulungan mo naman ako, ikaw na sana ang magsampay dahil sumasakit ang balakang ko,” sabi ng isang may edad na babae. “Siraulo mo pala, nilabhan labhan mo yan edi isampay mo,” sagot ng isang tinig, ka-boses ni Angel. Pero imposibleng si Angel yun! Sabi ng isip ni Toffen, naniniwala kasi siyang para itong anghel, katulad ng pangalan nito. “Angel, damit mo naman ang nilabhan ko.” sabi ulit ng matandang babae. “Bakit pinalabhan ko ba sayo, wag kang ma-drama nanay. Nanay ka kaya gawain mo yan,” sagot ng babae, lumabas ito ng bahagya sa pintuan habang nagtetext, at doon nakumpirma ni Toffen, si Angel nga. Napasulyap sa kanya ang dalaga at sandaling nanlaki ang mata, maya maya ay biglang nag iba ang ekspresyon ng mukha nito. “Toffen! Oh my God, nanay, si Toffen po, classmate ko po.” biglang magalang na sabi nito sa ina. Pero huli na, narinig na ni Toffen ang lahat. Naglakad siya palayo sa lugar na iyon, nagkamali siyang hinusgahan niya na palaban si May samantalang ito ang napakabait sa magulang, lalo siyang nagkamaling isipin na anghel si Angel dahil sa ipinakita nito kanina. Sa susunod ay pag iisipan niya nang mabuti ang mga desisyon niya at lubusang kikilalanin ang babaeng liligawan. Importanteng magalang ito sa magulang dahil ito ang ihaharap niya sa mga magulang niya balang araw. Ito rin ang babaeng magiging ina ng kanyang mga anak. Paano niya maipagkakatiwala sa isang babaeng bastos sa magulang ang paghulma ng pagkatao ng musmos na mga bata? Nakakasilaw ang kagandahan ng isang tao ngunit sa huli ay ang tunay na pagkatao nito ang mamahalin mo. Hindi itsura, kundi ang tunay na kulay ng budhi nito.

Advertisement