Inday TrendingInday Trending
Isinakripisyo ng Binata ang Lahat ng Mayroon Siya Masundan Lamang ang Babaeng Mahal; Ano Kaya ang Magiging Kapalit

Isinakripisyo ng Binata ang Lahat ng Mayroon Siya Masundan Lamang ang Babaeng Mahal; Ano Kaya ang Magiging Kapalit

Pagpipinta ng mukha ang nakahiligan ni Albert, kaya iyon rin ang ginawa niyang hanapbuhay upang kumita ng pera. Para kahit papaano ay may maibigay siyang tulong pinansyal sa kaniyang mga magulang.

Malaki rin naman ang kinikita niya bilang isang pintor, kaya natuto siyang makuntento sa kaniyang trabaho.

Isang umaga na hindi inaasahan na tila ba tumigil bigla ang paggalaw ng mundo habang papalapit sa kinaroroonan niya ang babaeng nagtataglay ng napakagandang mukha. Malamlam na mga mata at kulay blonde na buhok na nililipad ng hangin patungo sa sarili nitong mukha.

“Hello kuya, pwede mo ba akong ipinta?” Nakangiting tanong ng babae.

Nakatulalang tinitingan ni Albert ang napakagandang babae na animo’y bumaba galing sa langit at ngayon ay nakangiting nakaharap sa kaniya.

“Hey! Kuya,” pukaw ng babae sa kaniya.

“H-ha!?”

“Pwede mo bang ipinta ang mukha ko? Mga magkano kaya ang bayad?” Tanong nito.

Kung pakikinggan ay bihasang-bihasa ito sa pananagalog, pero kung ang itsura nito ang pagbabasihan ay mukha itong amerikanang hilaw.

“M-mura lang miss, may sukli ka pa.” Nauutal na biro ni Albert. Pilit na pinapagaan ang sitwasyon.

“Sige kuya,” sang-ayon ng dalaga saka umupo sa upuang nakaharap sa kaniya at pumwesto sa nais nitong anyo.

Ngunit dahil sa labis na kaba at pagkatuliro kaya hindi niya magawang maayos ang obra. Sa unang beses ay humingi siya ng dispensa at pinapabalik na lamang ang dalagang nakilala niya sa pangalang Sabrina.

Nag-iwan ng pangakong sa pangalawang pagkakataon ay aayusin na niya ang obra-maestrang gawa. Ngunit kataka-taka dahil sa pangalawang beses ay hindi pa rin niya nagawang iguhit ng maayos ang dalaga.

“Pasensiya ka na Sabrina, hindi ko talaga kayang iguhit ka ng maayos,” nanghihinayang sambit ni Albert.

Ito ang unang beses na hindi niya nagawa ng maayos ang pagpipinta. Lahat naman ng kaniyang customer ay satisfied sa kaniyang gawa. Pero hindi si Sabrina.

“Bakit kasi hindi mo ako maiguhit nang maayos? Sayang naman gagawin ko pa namang souvenir ang obra mo at dadalhin sa bansa kong saan talaga ako nakatira,” nakasimangot na wika ng dalaga.

Naikwento na ni Sabrina sa kaniya ang pinagmulan nito. Kaya hindi kataka-takang mukha itong amerikana dahil taga-Switzerland talaga ang dalaga.

Kahit tatlong beses ng nabigo ay hindi sumuko ang dalagang si Sabrina na puntahan si Albert upang subukang ulit kung magagawa na ba nitong iguhit siya at sa mga nakalipas na araw na lagi silang magkasama ay unti-unti na ring nahuhulog ang loob nila sa isa’t-isa.

Isang araw ay isinama ni Albert ang dalaga sa bahay nila upang ipakilala ang babae sa mga magulang niya. Mainit naman itong tinanggap ng mga magulang niya at masayang-masaya rin si Sabrina sa nangyayari, dahilan upang mas lumalim ang pagmamahal niya sa binata.

Ngunit may katapusan ang lahat ng kaligayahan dahil dumating na ang araw na uuwi na si Sabrina sa kaniyang bansa. Tapos na ang kaniyang tatlong buwang bakasyon sa ‘Pinas.

“Ayoko talagang iwanan ka, Albert. Ngunit wala akong magagawa dahil kailangan ko nang umuwi sa’min,” malungkot na wika ni Sabrina habang nakayakap sa binata.

“Sabrina, tatandaan mo lamang palagi kung gaano kita kamahal. Mabilis lamang lumakad ang panahon at dadating muli ang araw na muli tayong magsasama,” puno ng pagmamahal na wika ni Albert saka ginawaran ng malalim na halik ang labi ng kasintahan.

Isang buwan na rin ang lumipas mula noong umuwi si Sabrina sa Switzerland, at totoong miss na miss na niya ang kasintahan. Kahit na araw-araw naman silang nagkakausap gamit ang social media ay hindi nagiging sapat iyon para kay Albert.

Pinakiramdaman muna ni Albert ang sarili kung tunay na ba talaga ang pagmamahal na nararamdaman niya para kay Sabrina o dala lamang iyon ng pagkamiss niya sa dalaga.

Ngunit tatlong buwan na ang lumipas ay hindi pa rin nawawala ang pananabik, pagmamahal at pagkamiss niya para rito. Kaya isang mabigat na desisyon ang pinakawalan ni Albert.

“Sigurado ka ba sa desisyon mo, anak?” Tanong ng kaniyang ina.

“Opo ma, mahal ko si Sabrina at handa akong hamakin ang lahat masundan lamang siya.” Pursigidong wika ni Albert. “Handa akong ibenta ang lahat ng gamit kong ito may pamasahe lamang ako patungong Switzerland.”

“Ikaw ang bahala, anak. Kung saan ka masaya ay doon din kami ng iyong ama.”

“Salamat po, ma.”

Ibinenta ni Albert ang lahat ng kaniyang gamit at kinuha ang kaunting naipong pera pandagdag para sa kaniyang pagsunod kay Sabrina. Walang kasiguraduhan kung ano ang mangyayari sa kaniya pagkatapos, ngunit handa siyang harapin ang panibagong hamon ng buhay kasama ang babaeng mahal niya.

Tuwang-tuwa naman si Sabrina ng sa wakas ay nagkita na silang muli ng lalaking pinakamamahal niya.

“Salamat at tinupad mo ang pangako mo sa’kin,” buong pusong wika ni Sabrina.

“Mahal kita at iyon ang nagtulak sa’kin upang magdesisyon ng ganito. ‘Yong mga binenta kong gamit, mabibili ko rin iyon ulit kapag nakaluwag-luwag na ako. Handa akong hamakin ang lahat para sa pagmamahal ko sa’yo, Sabrina,” aniya saka mahigpit na niyakap ang babae.

Hindi naman nahirapang maging citizen roon si Albert, dahil makalipas ang dalawang buwan ay nagpakasal rin agad sila ni Sabrina. Hindi naman siya pinabayaan ni Sabrina at gaya ng ibang magkarelasyon ay nagtutulungan silang dalawa.

Naging magaling at sikat na pintor siya sa bansang iyon. Dahil na rin sa tulong at pursigi ng kaniyang mabait na asawa. Si Sabrina ang maituturing na biyaya ni Albert. Mas naging mabuting tao siya dahil rito.

Advertisement