
Naging Kasama Niya sa Lahat ang Isang Aso; Ngunit Isang Aksidente ang Babago ng Lahat
Mula nang sumakabilang buhay ang asawa ni Mang Arsenio na si Aleng Guada, mag-isa na lamang niyang hinaharap ang hamon sa buhay. May tatlong anak naman silang pare-pareho ng may kaniya-kaniyang pamilya.
Sinu-suportahan naman siya ng tatlo niyang anak sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga ito ng pera sa kaniya. Laking pasalamat na lamang niya kung maaalala siyang dalawin ng mga ito isang beses sa isang taon. Minsan, wala pa dahil sa pare-parehong dahilan. Abala ang mga ito sa kaniya-kaniyang trabaho.
Upang may kasa-kasama sa buhay ay nagdesisyon si Mang Arsenio na mag-ampon ng isang aso na binigyan niya ng pangalang Bugoy.
Si Bugoy ay itinuring niyang kaibigan, kapatid at minsan ay ang kaniyang anak. Ang asong si Bugoy na ang nagsilbing kasa-kasama ni Mang Arsenio sa buhay, sapagkat siya na lang naman mag-isa.
Kinakausap niya si Bugoy at tila isang taong nakakaintindi naman ang aso.
“Bugoy, halika rito at papaliguan na kita. Nangangamoy kanal ka na. Saan ka ba kasi nagsususuot na aso ka,” kausap niya sa asong tila tinatamad maligo. “Hindi ka tatabi sa’kin mamaya kapag hindi ka naligo ngayon.” Galit pa niyang hamon rito.
Kaya walang nagawa ang asong si Bugoy kung ‘di ang lumapit sa amo at hayaan itong paliguan siya.
Lahat ng kapitbahay ni Mang Arsenio ay kilala na si Bugoy. Kapag nagsisigaw na si Mang Arsenio ay alam na ng mga ito kung sino ang kinakausap ng matanda. Walang iba kung ‘di ang alaga nitong aso.
Isang araw ay namalengke si Mang Arsenio kasama si Bugoy na nasa harap ng kaniyang bisikleta nakaupo.
“Kanina naman ay maayos pa ang ngiti ng araw. Bakit ngayon ay tila iiyak na ito?” Kausap ni Mang Arsenio sa sarili saka maya-maya ay niyuko ang alagang tahimik na nagmamasid din sa kalangitan.
Ipinarada ni Mang Arsenio ang bisikleta sa gilid, saka may kinuha sa bag na dala. Raincoat iyon para sa kaniya. Agad niyang isinuot ang raincoat na kinuha upang hindi siya mabasa ng ambon, saka muling hinugot ang pambatang raincoat. Iyon ay para naman kay Bugoy.
Agad namang inayos ni Mang Arsenio ang raincoat na para sa alaga saka isinuot iyon rito at nang matapos ay muling nagpatuloy si Mang Arsenio sa pagbibisikleta.
“Ayan hindi na tayo mababasa, Bugoy. Mahirap ng magkasakit sa panahon ngayon,” kausap ni Mang Arsenio sa alaga.
Isang araw ay isang nakakalungkot na balita ang bumungad kay Mang Arsenio. Nasagasaan daw si Bugoy ng isang taxi na hindi na nahabol ng kaniyang mga kapitbahay dahil agad itong humarurot ng takbo.
Umiiyak na kinarga ni Mang Arsenio ang lupaypay na katawan ni Bugoy, duguan ito at wala nang buhay.
“Matigas kasi ang ulo mo e. Sabi ko naman sa’yong huwag kang pupunta rito sa highway. Ayan tuloy nasagasaan ka,” humihikbing kausap ni Mang Arsenio sa alaga.
Hilam naman sa luha ang mga taong nakatingin sa kaniyang umiiyak dahil sa pagkawala ng nag-iisang kasama nito sa buhay. Ang asong itinuring na nitong kaibigan.
“Sino na ang kasama at makakausap ko ngayon? Alam mo namang mag-isa na lang ako sa buhay, pati ikaw iniwan pa ako.” Patuloy ni Mang Arsenio sa pagkausap sa walang buhay na aso.
Sa tulong ng mga mabubuting kapitbahay ni Mang Arsenio ay nailibing nila ng maayos si Bugoy. Ang dating masigla at masayang si Mang Arsenio, ngayon ay muling naging makungkutin.
“Mang Arsenio, alam ko pong napakasakit ang mawalan ng alagang aso na itinuring niyo ng anak. Pero sana po maging masigla na kayo ulit. Malulungkot si Aleng Guada at Bugoy niyan kapag nakita kayong ganiyan,” kausap ni Bea, ang kapitbahay ni Mang Arsenio.
Simula ng mam*tay si Bugoy ay araw-araw nang hinahatiran ni Bea ng pagkain ang matanda. Nag-aalala kasi siya rito. Alam niyang malungkot si Mang Arsenio dahil sa nangyari.
Tabinging ngumiti si Mang Arsenio. “Alam mo Bea, kapag pala talaga tumatanda ka na’y iisa na lang ang tumatakbo sa isip mo. Iyon ay ang malapit ka na ring sumunod sa hukay.
Noong nam*atay si Guada ay ganito rin ang naramdaman ko. Gusto ko na ring sumunod sa kaniya dahil napakalungkot talagang maiwang mag-isa. May mga anak kami pero wala naman sila rito. Wala akong nakakausap. Walang nakakabiruan.
Kaya laking tuwa ko nang dumating si Bugoy sa buhay ko. Parang nagkaroon ulit ako ng pag-asa. Tunay ngang ang aso ang pinakamatalik na kaibigan ng tao, dahil gano’n ang pinaramdam sa’kin ni Bugoy.
Kapag tinatamad akong bumangon, nand’yan si Bugoy, tatahulan ako na para bang sinasabi niyang bawal ang tatamad-tamad sa mundo. Kapag lihim akong umiiyak, nand’yan si Bugoy upang aluin ako. Kapag wala akong makausap, nand’yan si Bugoy para makinig, kahit hindi naman siya nakakapagsalita.” Bahagya pang tumawa si Mang Arsenio, saka nagpatuloy.
“Pakiramdam ko kalahati ng buhay ko ang nawala nang mam*atay si Bugoy. Ang pakiramdam ko noong nawala si Guada ay gano’n rin ang pakiramdam ko ngayon,” humihikbing wika ni Mang Arsenio.
“Mang Arsenio, papalitan na lang po natin si Bugoy ng iba pang aso.” Naiiyak na suhesyon ni Bea. Nais lamang niyang pagaanin ang pakiramdam nito.
Umiling-iling si Mang Arsenio. “Kailanman ay hindi mapapalitan si Bugoy, Bea. Mananatili siya rito sa puso ko, hanggang sa huling hininga ko,” anito at tuluyan ng umiyak.
Mahirap palitan ang isang tao o hayop man na may naging malaking parte sa buhay mo. Dumating man ang araw na muling niyang gustuhing mag-alaga ulit ng aso. Kailanman ay hindi pa rin niya kayang kalimutan ang mga masasayang pinagsamahan nila noon ni Bugoy.