Nilunok ng Babae ang Lahat ng Masasakit na Salita ng Kaniyang Biyenan; Ngunit Napuno Ito at Naglayas

“Vincent, paano ba iyan. Ano nang gagawin natin ngayon? Buntis ako,” namomroblemang sambit ni Cynthia.

Kinse anyos pa lamang ang kaniyang nobyong si Vincent at katorse anyos naman siya. Nag-aarl la lamang sila pareho at hindi alam kung anong gagawin sa batang nasa sinapupunan.

“Sasabihin ko kay mama, Cynthia.” Naguguluhang wika ng lalaki.

Hindi rin nito alam kung ano ang gagawin. Masiyado pa silang mga bata at hindi pa nila kayang maging mga magulang. Ngunit ayaw naman nitong pabayaan na lang ang nobya. Ginusto nila ito, ngunit hindi pa ito ang tamang panahon.

Nagalit ang mama ni Vincent sa sinabi nito. Umiyak si Aleng Fe, at kinuwestiyon ang anak.

“Wala na akong magagawa ngayon d’yan Vincent, kung ‘di ang tanggapin ang batang anak mo at ang babaeng—iyan,” naiinis na dugtong nito sa huling sinabi.

Mula’t sapol ay hindi na gusto ni Fe ang nobya ng anak. Para kay Fe ay malandi si Cynthia, hindi ito mabubuntis kung hindi nito inakit-akit si Vincent.

“Maraming salamat po mama,” natutuwang wika ni Vincent.

Advertisement

Matapos ang isang linggo ay sa bahay na nila Vincent umuuwi si Cynthia. Ulila nang lubos si Cynthia at nakikitira lamang ito sa mga kamag-anak. Kaya hindi masyadong nahirapan ang dalawa sa pagpapaalam.

Ngunit tunay ngang napakahirap makisama sa biyenan lalo na kapag hindi ka gusto nito. Laging mainit ang ulo ni Aleng Fe kay Cynthia. Kaunting mali ay sinisinghalan siya nito.

Mula no’ng tumira si Cynthia sa bahay nila Vincent ay ginawa na siyang katulong ng pamilya nito. Katwiran ng mama ni Vincent ay dapat lang na pagsilbahan niya ang mga ito dahil sila ang nagpapakain sa kaniya.

“Vincent, tulungan mo naman ako.” Reklamo niya sa nobyo. “Alam mo namang buntis ako at hindi dapat napapagod pero heto, tila katulong na ang tingin niyo sa’kin.”

“Hayaan mo na, Cynthia. Alam mo naman na kailangan nating makasama,” balewalang wika ni Vincent.

“Nakikisama naman ako ah. Pero sobra na ang ginagawa ng mga kapatid at mama mo sa’kin. Tapos naririnig ko pang nililibak niya akong malandi raw ako kasi inaaakit kita kaya nabuntis mo ako.”

“Hayaan mo na. Alam naman natin ang totoo,” anito. “Ang mahalaga Cynthia ay tinanggap ka ni mama, iyon lang. Kaya hayaan mo na ang lahat ng iyan. Ang mahalaga magkasama na tayo.”

“P-pero,” hindi na itinuloy ni Cynthia ang nais sabihin.

Advertisement

Ano nga ba naman ang mapapala niya kung magrereklamo siya. Wala naman siyang kayang ipanlaban sa mama nito. Umaasa lang sila rito.

Isang araw habang naglalaba si Cynthia sa mga labahan ng buong pamilya ni Vincent, dahil wala namang pasok sa eskwelahan kaya balik katulong na naman ang ganap niya. Rinig na rinig ni Cynthia ang boses ng mama ni Vincent, habang ang nililibak ay siya.

“Naku! Kapag nakapanganak na ang babaeng iyan ay palalayasin ko na ‘yan rito sa bahay namin. Dagdag palamunin lang!” Imbyernang wika ni Aleng Fe.

“At least Fe, nakalibre ka ng pasahod sa katulong mula nang dumating si Cynthia.”

“Hmp! Simula’t sapul talaga mare, hindi ko na gusto ang babaeng iyan. Malandi kasi kaya que bata-bata pa’y na buntis na ng anak ko. Alam mo naririnig ko noon siya iyong punta nang punta sa anak ko para magpagal*w!

Katorse anyos pa lang ‘yan buntis na. ‘Di ba kalandian! Tapos ngayong na buntis problema ko pa. Hays! Ayoko talaga sa babaeng iyan. Hinihintay ko lang na manganak ‘yan tas paaalisin ko na ‘yan,” anito.

Hindi na natiis ni Cynthia ang mga narinig kaya sumingit na siya sa usapan ng dalawa.

“Una po sa lahat tita, hindi ko nilandi ang anak niyo. Oo nagkamali ako pero hindi ko kailanman nilandi si Vincent. Pareho po naming ginusto ang pagbubuntis kong ito. Masyado nga lang napaaga ang dating, pero wala kayong karapatang tawagin akong malandi.

Advertisement

Kung lahat ng batang nabubuntis ay malalandi. Ibig sabihin po pala ay malandi din kayo dahil sa pagkakaalam ko pareho lang naman ang edad natin noong ipinagbuntis mo ang panganay mong si William. Ang kaibahan lang siguro natin ay naging mabait sa’yo ang biyenan mo samantalang ikaw na biyenan ko ngayon ay impokrita!” wika ni Cynthia.

“Aba’t bastos kang bata ka ah!” Akmang sasampalin sana siya nito ng agad niyang pinigilan.

“Nagpaalila ako sa inyo dahil iniisip kong kailangan kong makisama sa inyo para sa kapakanan ng magiging anak ko. Pero para po sa kaalaman niyo. Ulila na po ako mula noong nag-edad ako ng pitong taon. Nabuhay po ako sa sarili kong paraan.

Kaya alam kong kaya kong buhayin ang anak ko na apo niyo at ang sarili ko. Hindi niyo na ako kailangang palayasin dahil ako na mismo ang aalis!” Wika ni Cynthia sabay talikod sa ngumangawa pang si Aleng Fe na kung ano-ano na ang sinabi.

Nagdesisyon si Cynthia na umalis at tumira sa dating bahay nila na iniwan niya mula ng mamat*y ang kaniyang mama at papa. Pinapili niya si Vincent kung sasama sa kaniya o magpapaiwan.

“Kapag nagpa-iwan ka rito ay maghiwalay na tayong dalawa,” aniya.

“Sasamahan kita, Cynthia. Siyempre, tayong dalawa ang magkaramay. Ina ka ng anak ko kaya sa’yo ako sasama,” mangiyak-ngiyak na wika ni Vincent.

Laking pasasalamat din ni Cynthia kay Vincent dahil pinatunayan nitong mahal talaga siya ng lalaki. Magkasama silang umalis sa bahay ng mga magulang nito.

Advertisement

Alam ni Cynthia na kailanman ay hindi magiging madali ang buhay. May naging mana naman siya na galing sa mga magulang niya. Iyon ang ginamit nilang panimula ni Vincent.

Nagpatuloy si Vincent sa pag-aaral habang siya naman ay nag-aalaga ng anak nila at rumaraket sa online selling, hanggang sa nakapagtapos si Vincent ng pag-aaral sa kolehiyo sa sarili nilang sikap.

Siya naman ang pinag-aral ni Vincent at muling nadagdagan ang anak nila. Ngunit hindi naging hadlang iyon upang tumigil siya sa pag-aaral, hanggang sa pareho na silang nakapagtapos ng kolehiyo. Saka sila nagdesisyong magpakasal.

Ngayon ay hindi na gano’n kahirap ang buhay para kina Vincent at Cynthia kasama ang dalawa nilang anak. Hindi naging madali ang pinagdaanan nila. Minsan ay nais na nilang sukuan ang isa’t-isa. Ngunit pinagtibay ng pagsubok ang pagmamahalan nila. Kaya alam nilang dalawa na wala ng makakatibag niyon dahil matibay ang pundasyon nila.

Hindi pa rin sila bati ng kaniyang biyenan. Ngunit hindi ibig sabihin niyon ay hindi niya ito kayang patawarin. Ayaw lang din niyang makipag-plastikan rito, matapos niyang marinig mula sa bibig nito ang lahat ng masasakit na salita.