Nakita ng Lalaking Nangangailangan ng Tulong ang Isang Babae; Ano ba ang Dapat Niyang Gawin?

Pauwi na si Joshua galing sa nakakapagod na trabaho. Gamit ang kaniyang motor ay suwabe siyang nagpatakbo sa daan. Naniniwala si Joshua na hindi baleng matagalan sa beyahe, basta ang mahalaga’y makakauwi.

Marami nang nadidisgrasya sa daan dahil sa kapabayaan kaya mas maiging suwabe lamang ang pagpapatakbo. Kumbaga takbong pogi. Nang sa pagtingin niya sa may unahan ay nakita niyang tinutulak ng isang babae ang sariling motor.

Agad na nag-alala si Joshua. Medyo may kadiliman ang bahaging iyon ng kalsada at walang masyadong tao. Malas naman ng babae at dito pa nasiraan.

Nagdesisyon siyang hintuan ito at kausapin. “Ate, anong nangyari sa motor mo?” Tanong niya sa babaeng tila nakakita ng anghel sa tuwa at bahagyang alinlangan dahil baka isa siyang masamang tao.

“Hindi po ako masamang tao, ate. Gusto ko lang malaman kung anong problema ng motor mo. Baka may maitulong ako,” dugtong niya upang alisin ang takot sa babae.

Niyuko ng babae ang sariling motor saka nagsalita. “Naubusan ng gas e. Hindi ko alam na kunti na lang pala ang gas nito kanina no’ng ginamit ko. At saka kanina pa ako naglalakad, pero wala pa rin akong makita gasolinahan.”

“Naku! Medyo malayo-layo pa ang gasolinahan rito, ate. Paglabas mo sa daang ito, kakanan ka pa at medyo mahaba-haba ulit ang lalakarin saka mo pa makikita ang gasolinahan,” aniya.

Lagi siyang dumadaan sa daang ito kaya medyo kabisado na niya.

Advertisement

“Gano’n ba?” Malungkot na wika ng babae. “Ano kaya ang gagawin ko ngayon?”

“Gusto mo bang itulak na lang kita?” Alok ni Joshua. Hindi naman niya maatim na iwanan ang babae. Baka mapahamak pa ito. “Sakay ka d’yan sa motor mo at itutulak kita,” aniya.

Agad namang kumilos ang babae at sinimulan na nga niyang ipuwesto ang motor upang magawa niyang itulak ang motor ng babae papunta sa may gasolinahan.

No’ng una ay medyo nag-alangan pa ito dahil baka mahirapan silang pareho.

“Kaya ko ‘yan ate, basta magtiwala ka lang,” aniya.

Iyon na nga ang ginawa ng estrangherang babae. Nagtiwala ito sa kaniya at sinimulan na niyang itulak ito sa pamamagitan ng kanang paa. Mga kalahating oras din ang itinakbo nila saka nila narating ang gasolinahan.

“Nandito na tayo. Ingat ka sa pag-uwi ah,” bilin ni Joshua.

“Salamat ah,” nakangiting wika ng babaeng ngayon ay nagpapagasolina na ng motor. “Alam mo bang kanina habang naglalakad ako hila-hila ang motor ko. Kung ano-ano na ang tumakbo sa isipan ko. Natatakot akong baka may makasalubong akong masamang tao.” Naiiling na wika ng babae.

Advertisement

“Delikado nga doon dahil walang masyadong ilaw ang daan.”

“Kaya nga salamat talaga. Hindi ko alam kung paano kita masusuklian sa kabutihan mo. Pero sana dumami pa ang kagaya mo kuya—?” Nagtatanong ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya.

“Joshua.”

“Ako nga pala si Marian,” agad na pakilala ng dalaga. “Balak ko pa sanang ilibre ka Joshua, kapalit ng tulong mo sa’kin. Kaso siguradong hinahanap na ako ngayon sa bahay namin. Medyo nangalahating oras na kasi akong naglalakad noong nakita mo ako,” kakamot-kamot sa ulong sambit ni Marian.

“Naku! Wala iyon. Ang mahalaga ay natulungan kita bago pa man dumating iyong kinakatakutan mo kanina,” natatawang biro ni Joshua. “Wala naman akong hinihiling na kapalit doon sa pagtulong ko sa’yo.

Ang sa’kin kasi ay kung nangangailangan ng tulong ang isang tao, huwag kang magdalawang isip na abutan ito ng tulong. Minsan sa simpleng tingin akala natin balewala lang iyon. Pero para sa mga natutulungan natin ay isa na iyong napakalaking bagay,” wika ni Joshua.

“Nagpapasalamat ako Joshua, dahil ikaw ang nakakita sa’kin kanina. Sana hindi ka magsawang gawin ang bagay na iyan. Ang dami nang dumaang motorista sa’kin kanina, pero ikaw lang ang bukod tanging tumulong sa’kin.

Hindi ko alam kung magtatagpo pa ba ang landas natin, pero kung sakali man ay Diyos na lang ang bahalang magbalik ng kabutihang ginawa mo sa’kin, Joshua. Pagpalain ka sana ng Diyos Ama,” mangiyak-ngiyak na wika ni Marian.

Advertisement

“Walang anuman iyon, Marian.” Tapik ni Joshua sa balikat ng bagong kaibigan. “Sige na at aalis na ako. Ingat ka sa pag-uwi.” Muling bilin ni Joshua, saka pinaharurot palayo ang motor sa gasolinahan.

Tama si Joshua, huwag mag-atubiling tumulong kung kaya mo naman. Sa maliit na bagay na nagagawa mo’y ngiti at galak ang naihahatid mo sa ibang tao.