Sa Simpleng Paraan ay Nais ng Binatang Makatulong sa Iba; Sino Kaya ang Maswerteng Matutulungan Niya

Sa Simpleng Paraan ay Nais ng Binatang Makatulong sa Iba; Sino Kaya ang Maswerteng Matutulungan Niya

InspiringKarmaStories

Dahil sa lumalaganap na pandemya kaya nakakaranas ang lahat ng sobrang hirap. Hirap dahil sa kakulangan ng trabaho sa bansa. Hirap lumabas dahil sa takot na mahawaan.

Kaya napakahalaga ng mga papel ngayong panahon na ito ang mga taong handang i-sakripisyo ang sarili para sa kapakanan ng iba. Gaya na lamang ng mga bayani nating frontliner.

Isa si Harold sa taas noong humahanga sa mga taong iyon. Kaya ngayong panahon ng pandemya ay nag-isip siya ng paraan upang makatulong sa mga ito kahit kaunti.

Naisip niyang magpabili ng groceries sa halagang limang libo at isang sakong bigas na ipapadala papunta sa kaniya sa isang maswerteng rider. Tunog ng doorbell ang narinig ni Harold, palatandaan na nasa labas na ang rider na maghahatid ng pinapabili niya.

“Sir Harold Mendoza po?” Tanong ng rider.

“Yes po,” sagot ni Harold. Salubong ang kilay at kunwari’y nagtataka. “Ano po iyan kuya?” Tanong niya.

“Ito po iyong pinabili niyo, sir.” Kinakabahang wika ng rider. “Ikaw po ba si Sir Harold Mendoza?”

“Ako nga po kuya si Harold Mendoza, pero wala po kasi akong pinapabiling ganiyan,” tanggi niya. Gusto lamang muna niyang makita ang reaksyon ng lalaki bago niya sabihing para rito ang lahat ng iyon.

Tiningnan ng lalaki ang selpon at tila naguguluhang tumingin sa kaniya. “Paano po ito, sir? Wala pa namang bayad ang lahat ng ito.” Mangiyak-ngiyak na sambit ng rider. “Inabunuhan ko lang po ito, kasi akala ko maibabalik sa’kin ang pera.”

Agad namang nakaramdam ng konsensya si Harold sa ginawa. “Ano po bang pangalan mo kuya?”

“David Suarez po,” pakilala nito.

“Kuya David, ang totoo po kasi ay hindi talaga iyan sa’kin— dahil para po iyan lahat sa’yo,” nakangiting sambit ni Harold.

Tumingin naman sa kaniya si David na hindi makapaniwala sa sinabi niya. “‘Di nga po sir?”

“Opo. Bigay ko na po iyan sa inyo. Hindi po kasi ako makalabas ng bahay kaya ganito na lang ang ginawa ko para kahit papaano ay may maabutan naman ako ng tulong at ikaw po ang maswerteng taong iyon.

Alam ko po kung anong hirap ang pinagdadaanan niyo ngayon. Ulan at init ang sinusuong niyo maihatid lamang ang pangangailangan ng kapwa ninyo ngayong may pandemya.

Isa po kayo sa bayaning maituturing ng ating bansa. Kaya tanggapin niyo iyang bigay ko sa’yo at alam kong malaking tulong na iyan para sa pamilya mo,” mahaba ngunit nakakatabang pusong wika ni Harold.

Maliit na bagay lamang ang ginawang iyon ni Harold, ngunit alam niyang malalim na ang hatid niyon sa puso ng mga kagaya ni David na alam ang hirap sa buhay.

Humihikbing pinunasan ni David ang mga matang hilam na sa luha. “Akala ko po talaga na-scam na ako sir,” umiiyak na natatawang sambit nito.

Agad namang natawa si Harold dahil sa sinabi ni David. “Sorry kuya kong pinakaba kita. Ito na po ang bayad ng mga pinabili ko,” abot niya sa saktong presyo na nasa resibo. “At ito po ang limang libong piso. Bigay ko na po iyan sa inyo— pang-boundary.”

“Maraming-maraming salamat po, sir. Malaking tulong na po talaga ito para sa pamilya ko. Kanina pa po ako namomroblema kung ano ang maiuuwi kong pagkain ngayon sa pamilya ko. Kanina pa po akong alas syete lumabas, pero tanghali na’y wala pa rin akong booking. Ikaw po ang buena manong booking ko sir, tas ikaw pa pala ang swerte ko.” Tumatangis pa ring sambit ni David.

“Gano’n po ba, kuya? Naku! Ako nga siguro ang hinatid ni Papa God para sa taimtim mong panalangin,” masayang wika ni Harold. “Gusto ko lang talagang i-share nang kahit kunti ang blessing na natatanggap ko ngayong panahon ng pandemya. At natutuwa ako dahil sa isang napaka-deserving na tao ko ito naibigay,” masayang wika ni Harold saka tinapik sa braso ang bagong kaibigan.

“Si Lord na po ang bahalang magbalik ng blessing na ito, sir. Sobrang salamat po talaga, sana marami pa kayong matulungan na kagaya kong nangangailangan.”

“Opo kuya. Sisigurudahin ko iyan,” nakangiting wika ni Harold.

Kakaibang saya ang hatid sa puso niya lalo na’t nakita niyang masaya ang taong tinulungan niya sa araw na ito. Iisa lang ang nasisiguro niya. Hindi lang si Rider David Suarez ang mabibigyan niya ng tulong.

Masarap pa rin sa pakiramdam lalo na’t alam mong nakapagpasaya ka ng isang tao dahil sa simpleng paraan. Tumulong kahit sa simpleng paraan.

More Stories