Sa hindi malamang dahilan ni Laarni ay nagkaroon siya ng anak na may kakulangan sa pag-iisip, hindi ito makapagsalita at makagalaw nang maayos. Naninigas ito at g huminga minsan. Kung sa pag-aalaga ay hindi naman siya nagkulang noong ipinabubuntis niya ang kanyang anak.
Isa siyang single mom dahil noong tatlong taon pa lang ang kanyang anak ay hindi na yata nakatiis ang kanyang magaling na asawa at iniwan silang dalawa.
Kaya heto ngayon, siya lang lahat ang umaako ng mga hirap at sakripisyo.
“Kain kana anak,” masayang wika niya kay Troy.
Kahit dose anyos na ito ay bine-baby talk niya pa rin, dahil parang sanggol rin naman ang isip nito. Naninigas itong ngumiti sa kanya. Nahihirapan siya sa tuwing nakikita ang anak na nahihirapan.
Isang umaga ay bigla siyang tinawagan ni Berna, ang nagbabantay kay Troy.
“Ate, si Troy po biglang nag-seizure tapos bumubula po ang kanyang bibig.”
“Ano! Ano’ng nangyari sa kanya ngayon? Bakit siya biglang nag-seizure? Napagod ba siya?” hindi na niya alam kung saan siya pupunta, iyong tipong lalakad siya rito, babalik na naman siya roon. Natutuliro ang kanyang isipan, dahil sa masamang balitang natanggap.
“Hindi po ate, pero panay tawa kasi siya kanina habang pinapanuod ang mga batang naglalaro sa parke, ayon po pag-uwi namin, bigla nalang siyang nanigas at ayon po, bumula-bula na ang kanyang bibig.”
“Nasaan kayo? Pupuntahan ko kayo d’yan.”
Matapos nitong sabihin sa kanya ang address ay agad siyang nagpaalam sa amo niya upang puntahan ang kanyang anak. Kailangan siya nito ngayon, ano ba talaga ang nangyari? Maayos naman ito kanina bago siya pumasok sa trabaho.
Pagdating sa hospital ay agad siyang hinanap ng Doktor na gumamot sa kanyang anak.
“Mother, pahina na po talaga nang pahina ang immune system ni Troy. Habang lumalaki siya ay lalong humihina ang kanyang immune system, ngayon naman ay nagkakaroon na ng maliit na butas ang kanyang puso. Gusto kong i-option sa inyong operahan natin siya, ngunit sa nakikita ko Mother ay baka hindi naman kayanin ng katawan ni Troy ang gagawing operasyon.” paliwanag ng Doktor na nag-aalaga kay Troy mula pa noong maliit ito.
“A-anong ibig mong sabihin Dok?” nahihirapan niyang tanong. Bagamat alam niya ang sagot ay ayaw tanggapin iyon ng sistema niya. Hindi pa man ay nasasaktan na siya.
“Mother, ayaw ko naman na saktan ka. Pero gusto kong ihanda mo ang sarili mo dahil sa anumang oras ay pwedeng mawala sa’yo nang tuluyan si Troy. Noon ko pa naman sinabi sa’yo ang kondisyon niya, at heto na nga ‘yon.”
Hindi pa tapos magsalita ang Doktor ay nag-unahan nang tumulo ang kanyang mga luha. Masakit sa ina ang mawalan ng anak. Kahit sabihin pang naging mabigat si Troy para sa kanya, ang isiping pwede na siyang iwan nito kahit anong oras ay nagpapadurog sa kanyang puso.
“Stay strong Mother. Ikaw ang lakas ni Troy,” tinapik nito ang kanyang balikat saka sila tuluyang iniwan.
“Ate, tahan na po.” alo sa kanya ni Berna.
“Ang hirap Bern, ang hirap isipin na pwede na akong iwanan ni Troy. Oo, siya ang nagpapahirap sa’kin, pero siya din ang nagpapasaya sa’kin Bern,” hagulhol niya. “Nahihirapan man ang isang ina pero ni minsan hindi namin inisip na pwedeng mawala sa’min ang anak namin.
Kaya kong tiisin ang lahat ng hirap Bern, kaya ko lahat, kinakaya ko ang sakripisyo dahil alam kong hindi iyon ibibigay sa’kin ng Diyos kung hindi ko kakayanin. Pero ang hirap tanggapin, ang sakit sakit.”
Nag-leave muna siya sa trabaho upang mas mabantayan at maalagaan si Troy. Tama nga ang Doktor sa sinabi nitong dahan-dahan nang humihina ang katawan ng anak dahil sa araw-araw na dumadaan ay nakikita niya ang sobrang paghihirap nito. Nakikita niyang lumalaban ang ito ngunit ginugupo na ito ng sakit.
Isang araw ay hindi na halos gumagalaw si Troy sa kinahihigaan, tanging ang mga mata nalang nitong mapupungay ang gumagalaw at minsan ay ang kamay nito upang hawakan ang kanyang mukha at marahan na binibigkas ang salitang Mama na tanging alam nitong sabihin.
“Mama,” nahihirapan nitong tawag sa kanya habang may namumuong luha sa mga mata.
Hindi lang makapagsalita ang anak pero alam niyang nararamdaman nito ang kanyang labis na paghihirap at gano’n din ito. Hinalikan niya ito nang mariin sa noo at nagsalita habang walang tigil sa pag-agos ang mga luha.
“Nak, kung pagod kana pwede kanang magpahinga,” naninikip ang dibdib na wika niya. “Siguro doon sa kabilang buhay wala kanang sakit at hindi kana ganitong nahihirapan. Tulog na ikaw anak ko, magiging strong si mama,” hagulhol niya habang yakap-yakap si Troy.
Naramdaman niyang niyakap siya nito at ilang sandali lang ay lumaylay na nang tuluyan ang braso, indikasyon na wala na nga ito. Ang sakit! Ang sakit-sakit.
Pero pinanghawakan niya ang kanyang pangako sa bata. Alam niyang hanggang sa huling sandali ay pinilit nitong lumaban, bumitaw na lamang noong sinabi niyang magiging strong siya Kaya iyon ang kanyang pinaninindigan.
Umiiyak pa rin ang kanyang puso pero kumapit siya sa Diyos para kayanin ang mga hamon ng buhay.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!