Inday TrendingInday Trending
Dok, Bakit Kamukha Mo ang Anak Ko?

Dok, Bakit Kamukha Mo ang Anak Ko?

“Benjie! Tingnan mo, bilis! Buntis na ako! Positive!” umiiyak sa tuwang balita ng misis na si Marie habang iwinawagayway ang pregnancy test kit na may dalawang malinaw na guhit.

“Ha? Talaga?! O Diyos ko, salamat po!” hindi makapaniwalang sagot ni Benjie.

Sa loob kasi ng limang taong pagsusubok na magbuntis ay ngayon lamang dininig ng Maykapal ang kanilang panalangin.

Kung tutuusin ay nakaluluwag sa buhay ang mag-asawang ito. Bago pa man sila magkakilala ay may kani-kaniyang business na silang napalago. Kaya naman nang magpakasal sila ay dumoble pa ang kita nang kani-kanilang kompanya nang magsanib pwersa ito.

“Halika, pumunta muna tayong simbahan bago bumalik kay Dok Rey. Aalagaan natin ng lubos iyang pagbubuntis mo para masigurong malusog na malusog ang panganay natin,” sambit ni Benjie habang hinihimas-himas ang tiyan ng asawa.

Si Doktor Rey ang ob-gyne ni Marie magmula pa nang ikasal ang mag-asawa. Kaibigan kasi nito ang ama’t ina ni Marie kaya naman kampante silang nasa mabuting kamay ang babae sa tuwing magpapacheck-up rito.

“Linggo-linggo dapat ang pagpunta mo rito para sa check-up mo, Marie, ha? Para makasiguro tayong magiging ayos at ligtas ang pagbubuntis mo,” bilin ni Dok Rey nang magpunta ang mag-asawa sa ospital.

Mabilis na lumipas ang siyam na buwan. Dahil sagana sa pera ay hindi muna pinagtrabaho ni Benjie ang asawa, at kumuha pa ito ng dalawang personal na kasambahay para lamang alalayan ang nagdadalang-taong si Marie. Naging masunurin naman si Marie sa lahat ng bilin sa kanya na palaging kumain ng gulay at prutas, at mag-ehersisyo paminsan-minsan.

Kaya naman sa araw na itinakda, isinilang ang isang napakalusog na sanggol na pinangalanan nilang Anthony. Napakasaya ng mag-asawa nang iniluwal na ni Marie ang bata. Ngunit, makalipas ang ilang buwan, tila may napapansing kakaiba itong si Benjie.

Dumating ang ikatlong buwan ni Baby Anthony at nagpunta ang mag-asawa sa ospital upang magpacheck-up ang mag-ina. Tuwang-tuwa naman si Dok Rey nang makita ang sanggol at agad itong kinarga.

Nanlaki ang mga mata ni Benjie nang mapansin ang matinding pagkakahawig ng bata at ng doktor ng kanyang asawa. Hindi niya na-kontrol ang sarili at nabulalas ang mga salitang kinikim niya nitong mga nakaraang araw.

“Dok, bakit kamukhang-kamukha mo ang anak ko?!” ani Benjie.

Agad namang napatingin si Marie sa asawa at napakunot ng noo sa pagkapahiya. Kailanma’y hindi siya pumatol sa ibang lalaki sa pagkakatanda niya. Tanging si Benjie lamang ang una at huling lalaking nakasiping niya.

Ngunit iba ang naging reaksyon ni Dok Rey. Tila ba namutla ito at kinabahan nang marinig ang sinabi ni Benjie.

“Ah… Eh… Ano ka ba naman, Benjie! Sa dalas ng punta ng asawa mo rito, malamang e napaglihian niya na ako!” wika ng napipilitang ngumiti na si Dok Rey.

Nagsisilab na sa galit si Benjie. Pakiramdam niya’y niloko siya ng kanyang asawa at ng doktor nito.

“Kaya pala himalang bigla kang nabuntis ha, Marie! Umamin ka! Tang*na, umamin ka!” sigaw ng galit na galit na si Benjie.

“O Diyos ko, maniwala ka! Kunin man ng Maykapal ang buhay ko ngayon, kailanma’y hindi ako nagtaksil sa’yo!” naglulumuhod na iyak ni Marie sa harap ng kanyang asawa.

Tila hindi kumbinsado si Benjie dahil kahit ilang beses tingnan ay hindi mapagkakaila ang pagkakahawig ng bata sa doktor. Aamba na sana itong sasapakin ang doktor nang bigla na lamang humiyaw ang isang nurse ni Dok Rey.

“Diyos ko! Tama na po! Tama na! Dok Rey, nakita ko ang lahat! Nakita ko ang lahat-lahat ng kahayupang ginawa mo kay Ma’am Marie noong araw na nagpacheck-up siya at tinurukan mo siya ng pampatulog. Nanatili akong tahimik nitong mga nakaraang buwan, pero hindi ko na kaya!” umiiyak na hiyaw ng nurse na si Carla.

“A- anong sinasabi mo? Lapastangan ka! Tatanggalin kita sa trabaho mo, hayop ka! Wala kang ebidensiya!” nanlalaban na sagot ng doktor.

Tila nanigas ang mag-asawa sa kanilang naririnig. Nang bigla na lamang inilabas ni Nurse Carla ang kanyang cellphone.

“Heto! Kinuhanan kita ng litrato, pati na rin ng video! Bastos kang hayop ka! Baboy! Hindi ka nararapat maging doktor,” ani Nurse Carla.

Sa sobrang galit ni Benjie, hindi na niya napigilan ang sarili at napaulanan ng suntok at sipa ang buong katawan ng doktor. Maya-maya pa ay dumating na ang security ng ospital upang awatin sila. Nagpatawag na rin ito ng mga pulis upang maaregluhan ang nangyayaring kaguluhan.

Dahil sa ebidensiyang hawak ni Nurse Carla, naging mabilis ang proseso ng pagsasampa ng kaso laban sa manyakis na doktor. Agad itong natanggalan ng lisensiya at nakasuhan ng pang habambuhay na pagkakabilanggo. Matagal na palang may pagnanasa itong doktor kay Marie kahit noong bata pa lamang ito. Kaya naman nang makakuha ng pagkakataon ay agad nitong sinunggaban na mapagsamantalahan ang kawawang babae.

Isang gabi, pauwi si Benjie sa kanilang bahay nang maabutan niyang nag-eempake ng mga damit ang asawang si Marie.

“Mahal, saan ka pupunta? Saan kayo pupunta ng bata?” naguguluhang tanong ng lalaki.

“Hindi mo naman anak si Anthony, kaya aalis na lang ako rito. Bubuhayin ko na lamang siyang mag-isa kasama ng mga magulang ko. Alam kong mahirap sa iyo na tanggapin ang batang hindi naman sa iyo nanggaling,” umiiyak na sambit ni Marie.

“Marie! Utang na loob. Ano ka ba?! Wala kang kasalanan! At isa pa, wala ring kasalanan ang batang iyan. Kung hahayaan mo ako, gusto ko sanang maging legal na ama ni Anthony,” wika ni Benjie sabay yakap sa humahagulgol na asawa.

Itinuring ngang sariling anak ni Benjie ang bunga ng kalapastanganan ng doktor sa kanyang asawa. Sa tulong din ng mga eksperto ay tuluyang nakalimot si Marie sa panghahalay na ginawa sa kanya ng doktor.

Nangako sila sa isa’t isa na gagawin na lamang biyaya ang pagsubok na dumating sa kanilang buhay. Napagkasunduan din nilang hindi na ipapaalam sa bata ang masalimuot nitong pinagmulan, bagkus ay bibigyan na lamang nila ito ng magandang kinabukasan.

Advertisement