Inapi at Minaliit ng Mayamang Dalaga ang Waitress sa Isang Kainan; Magugulat Siya sa Gagawin ng Kaniyang Ina Upang Turuan Siya ng Leksyon
Napahiyaw sa inis ang dalagang si Maurine nang bahagyang matalsikan ng tubig ang kaniyang paa, dahil bigla na lamang napatid sa paharang-harang niyang binti ang waitress na siyang magdadala sana ng inumin sa kanila ng kaniyang ina. Naroon sila ngayon sa paboritong restaurant ng kaniyang ina at doon sana nila binabalak na maghapunan.
“Wala ka bang mata?!” gigil na baling ni Maurine sa waitress na dali-daling bumangon mula sa pagkakasalampak nito sa sahig at upang punasan ang tilamsik ng malamig na tubig sa kaniyang paa.
“Pasensya na po, kasalanan ko,” agad namang hinging-patawad ng waitress.
“Talaga! At alam mo ba kung magkano ang halaga ng sapatos na tinapunan mo ng tubig? Mas mahal pa ’yan kaysa sa buhay mo!” muli ay hiyaw niya.
“Maurine, ano ba! Mahiya ka nga!” agad namang saway ng kaniyang ina sa kaniya. “Hindi ka naman matatalsikan ng tubig kung hindi napatid diyan sa binti mong paharang-harang ang waitress! Ikaw pa nga dapat ang nagso-sorry sa kaniya!” dagdag pa ng ina ni Maurine kaya naman agad siyang nakadama ng pagkapahiya.
“No, mama! Siya ang may kasalanan dahil hindi siya tumitingin sa dinaraanan niya!” ngunit giit pa rin ni Maurine. Walang balak na amining mayroon siyang kasalanan. “Palibhasa, walang pinag-aralan kaya estupida!” dagdag pa niya pagkatapos ay ipinaikot ang kaniyang mga mata.
“Maurine, tumigil ka na!” May himig na ng pagbabanta sa tinig ng kaniyang ina.
“Ma’am, ayos lang po. Pasensya na po kayo. Hindi na po mauulit,” nayuyukong sabi naman ng waitress bago umalis sa kanilang harapan upang kunin ang mga in-order nilang pagkain.
Matapos nilang kumain ay muling tinawag ng kaniyang ina ang kaparehong waitress na nagdala sa kanila kanina ng tubig upang hingin dito ang kanilang bayarin. Nang makita ni Maurine na akmang bibigyan ito ng kaniyang ina ng malaking tip para sa serbisyo nito ay muling nag-init ang kaniyang ulo!
“Mama, bakit bibigyan mo ng tip ang babaeng ’yan! Tinapunan na nga niya ako ng tubig!” reklamo niya.
“Tumahimik ka nang bata ka! Mag-uusap tayo mamaya sa bahay!” May himig na ng pagbabantang anang kaniyang ina sa kaniya. Dahil doon ay natahimik na si Maurine at wala na siyang nagawa nang bigyan nito ng malaking tip ang naturang waitress.
Sinundan niya ang ina nang lumbas ito sa naturang kainan, pagkatapos ay sumakay na sila sa sasakyan. Wala silang kibuan habang nasa biyahe. Sa pagkakataong ito, alam ni Maurine na talagang galit ang kaniyang ina at hindi niya maiwasang kabahan sa gagawin nito sa oras na makauwi sila…
“Ano’ng asal ang ipinakita mo doon sa restaurant kanina?!” Halos dumagundong ang buong bahay nila sa sigaw na iyon ng kaniyang ina.
“Mama, bakit ba pinagtatanggol mo ang babaeng ’yon? Waitress lang naman siya!”
“Hindi mo alam kung gaano kahirap ang trabaho ng isang waitress, dahil buong buhay mo, kahit kailan ay hindi mo naman kinailangang magtrabaho! Ako ang gumagawa n’on para sa ’yo!” dagdag pa ng kaniyang ina na nagpatahimik nang tuluyan kay Maurine! Tila ba binuhusan siya ng malamig na tubig sa tinuran nito… lalo na nang ituloy nito ang sinasabi!
“Pero alam mo ba, Maurine? Oras na para ikaw ay matuto. Tutal ay matanda ka na, ngunit nananatili pa ring isip bata, oras na siguro para tumayo ka naman sa sarili mong mga paa! Simula ngayon, hindi ka na titira sa pamamahay ko. Magtrabaho ka para sa sarili mo at huwag mong aasahang tutulungan kita!”
Halos gumuho ang mundo ni Maurine matapos siyang palayasin ng kaniyang ina. Tama ito. Buong buhay niya ay hindi niya kinailangang magtrabaho dahil mayaman na sila. Ngunit ngayon ay wala siyang ibang pagpipilian!
Sa dami ng trabahong kaniyang ina-apply-an, kakatwang natanggap pa siya bilang isang waitress. Noong una ay ayos naman ang lahat… hanggang isang araw, tila ba bumalik muli ang araw kung kailan inapi niya ang waitress na iyon.
Ang kaibahan lamang, ngayon ay siya naman ang nasa posisyon nito habang ibang tao naman ang noon ay naninigaw at nangungutya sa kaniya! Halos araw-araw, iba’t ibang panlalait at pang-iinsulto ang kaniyang natatanggap mula sa mga taong naglalabas-masok sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Ngayon ay tuluyan na niyang naiintindihan ang punto ng kaniyang ina.
Hindi mo malalaman kung gaano kahirap gawin ang isang bagay hangga’t hindi mo pa ito mismo nasusubukan. Ngayon ay talagang pinagsisisihan na ni Maurine ang kaniyang nagawa. Sa wakas ay natutunan din niya ang leksyon na gustong ipabatid sa kaniya ng kaniyang ina.