Hindi Matanggap-tanggap sa Trabaho ang Dalaga Dahil sa Kaniyang Kondisyon sa Balat; Magsisisi ang mga Ito sa Kaniyang Gagawin

“Alam mo, Miss Fatima Toledo, magiging tapat ako sa ’yo. Nabanggit mo na ilang beses ka nang na-reject ng iba’t ibang sikat na cosmetics brands sa kabila ng pagkakaroon mo ng magandang nilalaman sa ’yong resumé, hindi ba?” Tinanguan ni Fatima ang sinasabing iyon ng interviewer sa kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan. Sa totoo lang ay may ideya na siya sa kung ano ang sasabihin nito sa kaniya kaya naman hinihintay na lang niyang tapusin nito ang sasabihin upang makaalis na siya.

Bumuntong-hininga muna siya nang makitang magsasalita na ang interviewer. “Iyon ay dahil sa sakit mo sa balat. Hindi namin kayang mag-hire ng isang taong mayroong kondisyon sa kaniyang balat habang nagbebenta kami ng mga pampaganda. Kailangan namin ng mga empleyadong mayroong confidence na iharap ang sarili nila sa mga tao. Isang malaking kahihiyan sa isang cosmetics company kung magha-hire kami ng isang taong ni hindi rin kayang pagandahin ang sarili niya!” dagdag pa nito. Muli, imbes na sumagot ay tango na lamang ang isinagot ni Fatima. Bukod doon ay nagawa niya pang magpasalamat bago magpaalam na siya ay aalis na. Paano ay sanay na sanay na rin naman si Fatima na makatanggap ng mga ganoong klaseng panghahamak sa kaniya pagdating sa kaniyang balat.

Noon pa man ay mahilig na si Fatima sa mga make ups. Sa katunayan ay pangarap niya talagang makapagtrabaho sa kahit anong sikat na cosmetics company sa bansa. Ngunit siya mismo ay inaayawan ng mga produkto nila.

Dahil sa kondisyon ni Fatima sa kaniyang balat, ano mang cosmetic brands ang subukan niya para sa kaniyang sarili ay hindi tumatalab. Kadalasan ay napapalala pa nito ang kaniyang kondisyon kaya naman tinigilan na niya ang paggamit ng make up upang takpan ang kaniyang mga imperfections.

Ngunit naging hadlang iyon upang maabot niya ang pinapangarap niyang trabaho. Wala nang ibang magawa si Fatima kundi ang magreklamo sa kaniyang matalik na kaibigan tungkol dito, katulad na lang ngayon.

“Alam mo, Fatima, huwag kang magagalit, ha? Pero sa totoo lang, may ideya na akong ganito na naman ang mangyayari,” anang kaniyang kaibigang si Pocholo. Ang kaibigan niyang anak-mayaman. Bahagya siyang nasaktan sa sinabi nito ngunit agad ding nabawi nang ituloy nito ang sinasabi. “Kaya naman may naisip na akong plano.”

“Ano naman ’yon?” tanong ni Fatima sa kaibigan. Nakataas pa ang isa niyang kilay kahit galing siya sa pag-iyak.

“Hindi ba at nabanggit ko sa ’yo na gusto ng daddy ko na magtayo ako ng sarili kong business?” muli ay ani Pocholo. “Naisip ko lang, bakit hindi na lang ako magtayo ng sarili kong cosmetics brand, at ikaw ang kukunin kong modelo!”

Advertisement

Nagulat si Fatima sa tinuran ni Pocholo. “Ano?! Sa tingin mo ba, may bibili sa mga produkto mo kung ako ang magiging modelo mo? Tingnan mo nga ang mukha ko? Ang balat ko! Magsasayang ka lang ng pera!” agad niyang paghihisterikal.

“Bakit, ano ba’ng mali sa ’yo? Wala naman, a! Hindi mo ba alam na halos lahat ng babae sa mundo, may kinakaharap na issue sa kani-kaniya nilang mga mukha? Fatima, ikaw ang salamin ng isang tunay na babae! Ikaw ang isang halimbawa ng tunay na ganda ng isang babae! Magtiwala ka sa akin, Fatima… magtiwala ka sa sarili mo.”

Wala nang kaya pang isagot si Fatima sa sinabing iyon ni Pocholo. Ano mang pilit na pangongontra ng kaniyang isipan ay totoo namang may punto ito. Kaya naman kalaunan ay pumayag din siya sa gusto nitong mangyari.

Hindi akalain ni Fatima na matagal na palang pinagplanuhan ni Pocholo ang tungkol sa pagtatayo nito ng isang cosmetics brand, kaya naman ngayon ay nahanap na nito ang pinakamagagandang produktong babagay para sa mga katulad ni Fatima!

Hindi naging madali ang pinagdaanan ng kompanya nina Pocholo at Fatima, ngunit kalaunan ay unti-unti silang umangat! Agad kasing pumatok sa merkado ang kanilang mga produkto, lalo pa at napakaganda ng mensaheng gustong iparating ng kanilang kompanya sa mga customers nila. Sa ilang taon lamang ay naungusan na ng kanilang kompanya ang pinakamalalaki at high-end cosmetics brand sa buong bansa, at dahil iyon sa pananalig at pagtitiwala ni Fatima sa kaniyang sarili, sa tulong ni Pocholo… ang dati niyang kaibigan na ngayon ay kaniya nang asawa.

“Lahat ng babae ay magaganda. Ano mang kulay o tekstura ng balat nila.”