Tatlong buwan na ang nakalipas nang matuklasan ni Irene na mayroon siyang k*anser sa dibdib. Ang masakit pa, stage 3 na iyon nang ma-detect nila. Grabe ang iyak niya lalo at maliit pa ang anak nila ng kanyang mister, anim na taong gulang pa lamang ang batang si Ashley.
“Nak, pag wala na ang mommy, good girl ka sa daddy ha?” malungkot na wika niya, sinusuklayan ang mahaba nitong buhok. Gawain na nila iyong mag ina tuwing gabi, bukod sa kwentuhan ay nagsusuklayan sila. Kaya nga ang lungkot niya dahil hindi na siya masusuklayan nito. Naka-bandana na kasi siya at naka-kalbo gawa ng chemo.
“Pwede namang wag kang mawala diba po mommy?” inosenteng tanong ng bata. Di siya nakasagot, napasulyap lang sa mister na noon ay nangingilid ang luha habang minamasdan silang dalawa.
Kapag ganitong Sabado ng gabi, karaniwan ay nanonood sila ng sine o nagdi-dinner sa labas. Kaya lang dahil nga sa sakit nila, hindi na nila magawa ang lahat ng iyon.
Maganda ang trabaho ng mister ni Irene, mataas na ang pwesto sa opisinang pinapasukan kaya kahit paano ay nairaraos ang gamutan niya. Ginagawa nila lahat, ayaw niya pa kasi talagang mawala. Pero sakali man, inihahanda niya na rin ang loob ng kanyang anak.
“Baka kasi, baka kasi kunin na ni Lord si Mommy anak. Babantayan naman kita lagi,” wika niya, pinahid ang patak ng luha na tumulo sa kanyang mga mata. Dapat hindi makita ng bata na umiiyak siya.
Minasdan niya ang mahaba nitong buhok at sinubukang ibahin ang usapan, “Ganda-ganda talaga ng hair ng baby ko. Mana sa mommy yan eh, black na black at sobrang kintab,” pinasadahan niyang muli ang buhok nitong hanggang bewang.
Kahit siya noong malusog pa ay ganito rin kahaba ang buhok. Never niyang naranasan na magpa-iksi. Pakiramdam niya kasi ay mas maganda ang babae kapag long hair.
Isang hapon, abalang umiinom si Irene ng malunggay juice habang nakatanaw sa labas. Nakailang sulyap na siya sa orasan, alas sais na ng hapon. Kanina pa umalis ang mister niya para sunduin si Ashley sa school dahil alas kwatro ang labasan ng bata pero hanggang ngayon ay wala pa rin ang dalawa.
Hindi niya naman magamit ang cellphone, ayaw niya nang humawak ng ganoon dahil baka makasama sa kanya ang radiation.
Maya-maya pa, natanaw niya na ang kotse ng asawa. Nakangiti siyang humarap sa pinto at hinintay na pumasok ang dalawa.
“Kumusta? Bakit nagtagal kayong mag-ama, nagcotton candy pa kayo ano? Nasaan si Ashley?” sunud-sunod na tanong niya sa asawa.
“M-May pinuntahan lang kami, papasok na ang anak mo. Naghuhubad lang ng sapatos,” alanganing sabi ng mister.
Maraming taon na silang nagsasama, alam niya na kapag may nais sabihin ang lalaki. Kitang-kita niya sa mata nito ang pag aalala. Tatanungin niya palang sana kung ano ang problema nang mapasulyap siya sa anak na ngayon ay papasok na.
“Ano ang nangyari sayo?!” gulat na gulat na sabi niya.
Diyos ko, hanggang leeg nalang ang buhok ni Ashley! Nagupit na ang napakahaba at napakaganda nitong buhok.
“Nagpagupit po mommy,” simpleng sabi nito.
“Daddy naman, bakit mo hinayaan? Diba sabi ko, mas maganda kapag long hair siya? Kalbo na nga ang mommy mo ay tumulad kapang maiksi ang buhok,” malungkot na wika niya. Kapag kasi nakikita niya si Ashley ay naalala niya ang mahaba niyang buhok noon, paano pa ngayon, ginupit na nito?
“May ibibigay raw kasi siya sayo honey,” sabi ng kanyang asawa.
Nagpabalik-balik ang tingin ni Irene sa dalawa, may kinuha ang bata sa loob ng bag nito. Isang maliit na kahon. Iniabot iyon ng anak sa kanya.
Dahan-dahang binuksan ni Irene ang kahon at natigilan siya nang makita ang nasa loob. Isang wig.
Gulat na tumingin siya kay Ashley.
“Mommy, pinagupit ko na po ang buhok ko para gawing wig mo po. Para pareho na tayong may buhok ulit, pretty-pretty kana mommy,” nakangiting sabi nito.
Napaluha nalang si Irene. Niyakap siya ng mister.
Ang anak niya, sobrang mapagmahal. Di baleng magupit ang sariling buhok, basta maipadama lang sa kanya na maganda pa rin siya. Noong oras na iyon, napatunayan niyang tama ang pagpapalaki nila kay Ashley.
Lalo ring lumakas ang loob ni Irene na labanan ang sakit. Ayaw niyang iwan ang kanyang mag-ama kaya todo ingat at dasal siya- na dininig naman ng Diyos dahil makalipas ang isang taon ay masayang ibinalita ng doktor na wala na siyang sakit.