Inayos ni Mang Sixto ang ribbon sa kanyang polo, dapat gwapo siya sa mga litrato. Aba, idi-display iyon sa kanilang salas kaya dapat ay kita ng kahit na sinong bibisita sa bahay nila na gwapo ang nag-martsa kasama ng ga-graduate.
Nagsimulang tumugtog ang musika tanda upang maglakad na ang lahat. Nakangiti siyang humarap sa mga camera, proud na proud.
Mayroong apat na anak si Mang Sixto, maaga silang nag-asawa ng misis niyang si Aling Tinay. Disi sais lamang yata sila noon, walang kaalam-alam sa buhay.
Matalino ang kanyang asawa, katunayan ay honor nga ito sa high school kung saan niya ito nakilala. Hindi na nga lang nakapagtapos dahil nga nabuntis na. Tandang-tanda niya pa nga, kabang-kaba siya noong palayasin ang misis niya at pasamahin sa kanya. Diyos ko, ano ang ipapakain niya rito?
“Malaking kahihiyan ka Tinay! Ano na lang ang sasabihin ng mga kapitbahay, na disgrasyada ang anak ko?! Na ipinagmamalaki ko pang magaling sa eskwela, iyon pala’y sumasama ka lang sa lalaking iyan!” sigaw ng nanay ni Aling Tinay.
Yakap ni Mang Sixto ang nobya, pareho silang nakatungo. Ramdam niyang humihikbi ang babae.
“Alam ko hong napaaga. Patawarin nyo po sana kami, lalo na ako. Paninindigan ko po siya at-“
“Ah talagang panindigan mo dahil mula ngayon, sa’yo na siya! Tapos na ang obligasyon naming mag asawa sa batang yan. Bahala kayong magutom, pagdusahan ninyo ang kapusukan nyong dalawa,” sabi ng ginang.
“Pero mama-” naputol ang isasagot sana ni Tinay nang magsalita ang kanyang ama. Kanina pa tahimik ang may edad nang lalaki, nakaupo lang at halatang nagtitimpi ng galit.
“Umalis na kayo sa harapan namin.”
Natulala si Aling Tinay, napatingin kay Mang Sixto at hindi malaman ang gagawin.
“Sabi nang umalis na kayo! Ayoko nang makita ang pagmumukha ninyong dalawa sa bahay na ito!”
Walang nagawa ang dalawa kundi lumabas, magkatulong pa nilang pinulot sa daan ang mga damit ni Aling Tinay na inihagis ng magulang nito. Pinagtitinginan sila ng mga kapitbahay.
Mula noon, nagsama na sila. Sa hirap at ginhawa, nag-construction si Mang Sixto habang naglalabada naman si Aling Tinay. Minsan, nako-konsensya ang lalaki sa buhay na naibigay niya sa misis niya. Nasa kama na ito, hinila niya pa sa sahig.
Nang dalawa na ang kanilang anak ay nag-isang dibdib sila sa kasalang bayan, libre ni mayor ang handa.
Nagising sa pagkakatulala si Mang Sixto nang magsalita ang summa cum laude- ang pinakamatalinong magtatapos, kanina pa siya nakaupo kung saan naka-assign ang mga magulang. Ang mga ga-graduate naman ay nasa bandang unahan ang upuan.
“Magandang umaga ho, una sa lahat. Nais kong magpasalamat sa aking mga naging guro- mga gabay upang mairaos ko ang aking mga aralin at sa eskwelahang ito na binigyan ako ng pagkakataon.” napuno ng palakpakan ang buong lugar.
Si Mang Sixto naman ay napatayo sa kinauupuan, taas noong pumapalakpak.
“Tay, picture-an mo po!” sabi ng isa niyang anak, pasimpleng iniabot sa kanya ang camera.
Nagsimula naman siyang kunan ng video ang nagsasalita.
“Mahirap lang ang aming pamilya, pero iginapang talaga para makapagtapos kami. Ang lahat ng ito ay utang ko sa mga mahal ko sa buhay. Sa mga magulang ko,” putol nito sa sinasabi, sumulyap kay Mang Sixto.
Napangiti naman ang lalaki, “Sa mga magulang ko na humadlang noon. Sila ang nagpalakas ng loob ko upang lumaban, sa apat kong anak na lahat ay propesyonal na ngayon. At higit sa lahat, sayo, Sixto- asawa ko.”
Napatingin ang lahat kay Mang Sixto na noon ay hindi malaman ang gagawin.
“Napakabata mo pa noong dumating kami ng panganay natin sa buhay mo pero kailan man ay hindi ka nagpakita ng kahinaang loob. Lahat ng hirap, sinuong mo para lang may mailaman sa mga sikmura namin. Halos magdugo ang kamay mo kakapukpok sa dingding at kaka-lagari pero wala kang pakialam sa sarili mo, nais mo lang mapagtapos ang mga anak natin.
Ang araw na ito ay para sayo. Para sayong pag-ibig na walang kasing ganda. Ikaw na nagtiwala sa akin noong mga panahong akala ko, huli na ang lahat. Ikaw na nagpaalala na wag kong susukuan ang edukasyon ko, kahit pa ikaw mismo ay hindi na rin naman nakapag-aral. Salamat sa tiwala mo, kasi hindi lang ang apat na anak natin ang iginapang mo- pati ako.” umiiyak nitong wika.
Di namalayan ni Mang Sixto na tuloy-tuloy na rin ang daloy ng kanyang luha habang nakangiting pumapalakpak.
Umugong ang malakas na papuri mula sa mga manonood, lalo pa nang bumaba si Aling Tinay at patakbong niyakap ang asawa. Isinabit niya pa rito ang medalyang nakuha niya.
Masayang nagyakap ang buong pamilya habang ang mga manonood ay luhaan rin at puno ng paghanga ang mga mata.
Mahirap man, kung papipiliin ng ginang ay ito pa rin ang buhay na pipiliin niya. Dahil ang pag ibig ni Mang Sixto, higit pa sa kahit na kaninong lalaking kaya siyang bigyan ng karangyaan.