Inday TrendingInday Trending
Asawang Mayaman, Sagot sa Kahirapan

Asawang Mayaman, Sagot sa Kahirapan

“Sinasabi ko sayo Abby, tama na yang pagpasok sa eskwela! Tapos kana ng hayskul diba? O, tama na yon. Maghanap kana ng asawa, yung mayaman ha? Para naman makaluwag luwag na tayo!” ika ni Mang Manuel, isang araw habang nagkukumpuni ng bubong.

“Ama, gusto ko po kasing makapagkolehiyo, sigurado ako kapag natapos ko yun, marami akong mapagpipiliang trabaho, at syempre, makakaluwag luwag na tayo doon.” depensa ni Abby, napakunot naman ng noo ang matanda.

“Diyos ko! Ano, apat na taon pa akong magpe-pedicab driver para may maipangbaon ka? Hindi kana papasok Abby, huwag matigas ang ulo mo.” inis na ika nito, bumaba sa bubong at lumapit sa anak, “Sumama ka sakin doon sa bahay ng kaibigan ko, balita ko isang inhinyero na ang anak non at naghahanap ng asawa.” panghihikayat ni Mang Manuel kay Abby, wala namang nagawa ang dalaga kundi sumunod sa ama.

Kaisa-isang anak ni Mang Manuel ang dalawa. Labing walong taon na rin ang nakalipas noong pumanaw ang kanyang asawa dahil sa panganganak. Simula noon lahat na yata ng trabaho ay pinasok niya para lang matustusan ang pangangailangan ng unica hija. Nagbenta siya ng taho, nag-constructiion, nagkargador at ngayon ay isang pedicab driver kahit na medyo may kahinaan na kaya naman pinilit na niyang mag-asawa ang si Abby.

Habang si Abby naman ay gustong-gusto makatapos ng pag-aaral. Nais niyang maging guro katulad ng kanyang ina, ngunit dahil nga sa sitwasyon ng buhay nila, wala siyang magawa kundi sumunod sa utos ng kanyang ama.

“Abby! Dalian mo magbihis dyan!” sigaw ni Mang Manuel.

Pumunta nga sila sa bahay nila Mang Romer, matalik na kaibigan ng kanyang ama. Doon nasilayan ni Abby ang isang binatang nakaupo sa sala, nagbabasa ng libro . May kakisigan ito, maskulado at halatang laki sa yaman.

Pinakilala na nga siya ng kanyang ama sa lalaki. Ngunit isnabero ito, saglit lang na tumingin at bumalik na sa pagbabasa.

“Naku, pasensya kana kay Jerald, iha. Ganyan talaga yan e, kaya hindi pa nagkakanobya.” pagpapaumanhin ni Mang Romer, nginitian niya lamang ito.

Simula noon, palagi nang pinapapunta ni Mang Romer ang dalaga sa bahay nila. Pinipilit rin niya ang anak na ligawan na si Abby kaya naman hindi kalaunan, napilitan si Jerald na sundin ito. Ikinasal sila pagkalipas ng dalawang taon.

Ngunit hindi maganda ang pagsasama ng dalawa. Halatang napilitan lamang ang lalaki sa kagustuhan ng ama. Palaging mainit ang ulo nito kay Abby at sinusubsob ang sarili sa trabaho.

“Jerald, huwag kana muna kayang pumasok ngayon? Madaling araw kana nakauwi kanina e, panigurado pagod ka.” ani Abby habang pinaplantsa ang damit ng asawa.

“Pwede ba Abby? Ayoko ng pakialamera. Manahimik ka dyan kung ayaw mong ikaw ang plantsahin ko.” walang emosyong pagbabanta ni Jerald.

“N-Nag-aalala lang naman ako sa kalusugan mo. Dapat talaga pakialaman kita dahil asawa mo ko. Hindi lang ako basta babae na naiiwan sa bahay mo. Sa totoo lang nasasaktan na ako sa pangbabalewala mo sakin.” maluha-luhang anang babae habang patuloy pa rin sa pamamalantsa.

“Sabi nang tumahimik ka e!” galit na ani Jerald sabay hablot ng plantsang hawak ni Abby, saka niya ito idinampi sa mukha ng babae.

Napasigaw ng malakas si Abby, dali-dali namang kinuha ng lalaki ang kanyang damit at hinarurot ang sasakyan paalis. Naiwan ang nalapnos na babae sa isang gilid, iyak ito nang iyak dahil sa hapding nararamdaman. Naisipan niyang magsumbong na sa ama kaya naman tinawagan niya na ito.

“A-Ama, hindi ko na p-po kaya.” hikbi-hikbing anang babae, nangangatog pa ang kamay.

“Bakit ka umiiyak anak? Binalewala ka nanaman ni Jerald? Ano ang nangyari, sabihin mo!” pag-aalala ni Mang Manuel, ikinwento nga ng anak ang nangyari na labis niyang ikinagalit. Humangos siya sa bahay ng kanyang anak, doon nakita niya ang lapnos nitong mukha kaya dinala niya ito sa ospital.

Wala siyang sinayang na oras. Pumunta siya sa pulisya upang ipadampot ang mapanakit na manugang. Nagmakaawa naman ang kanyang kaibigang si Mang Romer na huwag ipakulong ang anak nito.

“Pare naman parang awa mo na. Huwag mong gawin ito sa anak ko.”

“Romer, alam mo naman kung paano tratuhin ng anak mo ang anak ko diba? Ilang taon nagtiis ang anak ko? Oo kayo ang dahilan ng pagkaalwan ng buhay namin pero ngayon sa sinapit ng anak ko, napagtanto ko na mas kailangan ko si Abby kaysa sa pera niyo.

Nang dahil sa kagustuhan kong makaalwan kami sa buhay at makapangasawa siya ng mayaman, nadala ko siya sa bingit ng kapahamakan! Sana nga nagtiis na lang ako magpedicab at pinag-aral ko nalang si Abby!” ika ni Mang Manuel, halata ang pagsisisi sa kanyang tinig.

Nakulong ang mapanakit na si Jerald, habang pinili naman ni Abby na mamalagi sa bahay ng ama at doon magsimulang muli.

Labis ang pagsisisi ni Mang Manuel, isinugal niya ang kanyang dalaga para sa pera. Itinali niya ito sa isang lalaking walang ginawa kundi iparamdam na hindi ito mahalaga, nananakit pa.

“Patawad..” tingala ng matanda sa langit, kinakausap ang Diyos..at ang misis niya sa langit.

Advertisement