
Inis na Inis ang Ginang sa Asawa Niyang Tila Walang Pakialam sa Kaniya; Sa Huli ay Napaiyak Siya sa mga Sinabi Nito
“Nagkape ka na?” tanong ni Minerva sa asawa nang maabutan niya ang asawa na nagbabasa ng diyaryo sa sofa.
Nang umiling ito ay dumiretso siya sa kusina para magtimpla ng kape para sa kanilang mag-asawa. Pareho silang mag-asawa na mahilig sa kape.
“Hindi man lang makapagtimpla ng sarili niyang kape,” nangingiting bulong niya habang gumagawa ng kape. Sa limang taon kasi na mag-asawa sila ay walang araw na hindi niya ito pinagtimpla ng kape.
Hindi mapuknat ang ngiti ni Minerva. Maganda ang mood niya. Birthday niya kasi.
Hindi pa nga siya binabati ng asawa. Marahil ay may sorpresa ito sa kaniya!
“O, heto ang kape mo,” aniya sa asawa bago inabot dito ang tinimpla niya.
Tahimik silang nagkape, gaya ng araw-araw nilang ginagawa. Walang nagsasalita.
Nangangati na ang dila niya na magtanong sa asawa kung ano’ng regalo nito sa kaniya, ngunit ayaw niya naman na sirain ang anumang plano nito.
Ngunit nakatakda lang pala siyang madismaya. Paano ba naman, tanghali na ay wala pa rin itong sinasabi! Hindi man lang siya nito niyaya na kumain sa labas. Nakapuknat lamang ang tingin nito sa selpon, na tila ba may hinihintay na tawag.
Uminit ang ulo niya nang magtanong ang asawa.
“Mag-aalas dose na. Hindi ka pa magluluto ng tanghalian?”
Asar niyang nilingon ito. Hindi siya nagsalita, ngunit padabog niyang tinungo ang kusina. Tahimik siyang nagluto ng simpleng tanghalian para sa asawa.
“Kumain ka na,” aniya sa asawa bago niya tinungo ang silid nila.
“Ikaw, hindi ka kakain?” pahabol na tanong pa nito.
“Hindi. Wala akong gana,” matamlay na tugon niya.
Nang buksan ni Minerva ang selpon ay nakita niya ang maraming mensahe mula sa mga kaibigan niya. Pawang bumabati ng maligayang kaarawan.
Muli ay nakadama siya ng pagkadismaya.
“Buti pa ang mga ito, nakaalala. Ang magaling kong asawa, nakalimot!” himutok niya.
Lalo lang sumama ang loob niya nang magbukas siya ng social media. Nakita niya kasi ang mga larawan na pinost ni Sherlynn, isa sa mga kaibigan niya.
Magkasabay sila ng birthday. May nadama siyang inggit nang makita ang bulaklak, cake, at regalo na binigay rito ng asawa nito. May nabasa pa siyang sweet na mensahe mula sa asawa ng kaibigan.
Hindi niya tuloy maiwasan na ikumpara ang asawa niya sa iba.
Mabibilang lang yata sa daliri na narinig niya rito ang mga katagang “I love you.” Simple lang din kung magdiwang sila ng mga okasyon, dahil hindi ito mahilig sa mga sorpresa. Hindi rin ito kagaya ng ibang asawa na sweet sa lahat ng oras. Sa t’wing kaarawan niya, walang cake, o walang bulaklak.
Mapapatawad niya ang lahat, ngunit paano nito nalimutan ang birthday niya?
Sa sobrang sama ng loob ni Minerva sa asawa ay hindi niya na namalayang nakaidlip na pala siya.
Nagising na lamang siya sa tapik ng asawa.
“Bakit?” masama ang loob na tanong niya nang mabungaran ang mukha nito.
“Dumating na,” anito bago ipinakita ang hawak nito sa kanan nitong kamay.
“Dumating na ang ano?” sa loob-loob niya.
Nang tingnan niya ang nasa kamay nito ay nanlaki ang mata niya.
“Saan mo nakuha ‘yan?” gulat na tanong niya sa asawa. Hawak-hawak kasi nito ang dalawang tiket sa concert ng banda na gustong-gusto niya!
“Secret! Happy birthday!” nakangiting sabi lang nito.
“Paano mo nalaman na ito ang gusto ko?” gulat na tanong niya. Hindi pa rin siya makapaniwala na nakakuha ito ng tiket.
“Pwede ba na hindi ko malaman ang gusto ng asawa ko? Saka ilang araw kang nagmukmok noong naubusan ka ng tiket,” pambubuska nito.
Nahihiyang nginitian niya ang asawa. Totoo kasi ang sinabi nito.
“Akala ko nalimutan mo ang birthday ko… Wala man lang bulaklak o cake, o pagbati man lang kanina…” nagtatampong bulalas niya.
“Sunod sa nanay ko, ikaw ang nag-iisang babaeng minahal ko. Malilimutan ko ang birthday ko, pero hindi ang birthday mo. Saka bakit kita ibibili ng bulaklak? May allergies ka. Bakit kita ibibili ng cake? Ayaw mo naman ng matatamis. Hindi muna kita binati kasi hinintay ko pang dumating ang tiket na binili ko,” mahabang litanya ng lalaki, bago iniabot sa kaniya ang regalo nitong tiket.
Pinigil ni Minerva na maiyak sa sinabi ng kaniyang asawa. Kilalang-kilala kasi siya nito. Ngunit hanggang ngayon ay tila hindi niya pa rin kilala ang ugali ng kaniyang asawa.
“Minsan nga, akala ko, nabawasan na ang pagmamahal mo sa akin ngayong mag-asawa na tayo… Bihira ka mag-I love you sa akin,” patuloy na paglalabas niya ng sama ng loob.
Natawa ito.
“Ganoon lang talaga ako. Hindi ako masalitang tao. Pero, sa araw-araw, paggising ko, gusto ko agad humigop ng mainit na kape. Pero ano’ng ginagawa ko? Hinihintay kita na magising para sabay tayo na magkape. Kasi gusto kong simulan ang bawat araw na kasama ka,” katwiran nito.
Tuluyan nang naluha si Minerva.
“‘Yung walang sawa kong paghihintay ko na magising ka para sabay tayong magkape, ‘yun ang paraan ko ng pagsasabi na mahal kita. Araw-araw.”
Nang gabing iyon ay nagpasalamat si Minerva dahil napakapalad niya sa kaniyang asawa. Hindi man ito masalita ay alam niyang lubos ang pagmamahal nito para sa kaniya.
Hiyang-hiya siya sa kaniyang asawa. Bakit niya nga naman kasi kinukumpara ito sa iba, gayong ang bawat tao ay may iba’t ibang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal?
Walang sukatan ang pagmamahal, dahil hindi naman ito dapat sinusukat. Ang tunay na pagmamahal ay hindi kailangang ipakita, o sabihin—dapat itong iparamdam.