Inday TrendingInday Trending
Sa Araw Mismo ng Pagtatapos ay Hiniya Niya ang Kaklaseng Tumalo sa Kaniya; Bakit sa Dulo ay Siya pa rin ang Nagsisi?

Sa Araw Mismo ng Pagtatapos ay Hiniya Niya ang Kaklaseng Tumalo sa Kaniya; Bakit sa Dulo ay Siya pa rin ang Nagsisi?

“Siya ang bago niyong kaklase.”

Tumaas ang kilay ni Rachel nang makita ang babaeng nakatayo sa harapan ng klase. Mahaba ang buhok nito. Natatakpan ng mahaba nitong buhok ang mukha nito.

“Ako si Lynn. Ako ang bago n’yong kaklase.”

Hindi na lamang pinansin ni Rachel ang bagong salta. Marami naman na siyang kaibigan, hindi niya na kailangan pang may madagdag doon.

Isa pa, gaya niya ay mga sikat lang din ang kinakaibigan n’ya. At higit sa lahat, ilang buwan na lang ay ga-graduate na sila.

Ngunit makalipas ang ilang buwan ay isang nakabibiglang balita ang natanggap niya.

“Ang second honor natin ay walang iba kundi si Rachel!”

Napatayo siya sa labis na gulat. Sa loob kasi ng apat na taon niya sa hayskul ay iyon ang unang beses na pumangalawa siya. Ngunit mas lalo siyang nagulat sa sunod na sinabi ng kanilang guro.

“At ang nakakuha ng pinakamataas na grades ngayong markahan, walang iba kundi si Lynn!”

Bakas ang gulat sa mukha ng lahat. Tahimik lang kasi ang bago nilang kaklase at hindi ito nagsasalita.

“Ma’am, paano po na siya ang naging first honor?” hindi maiwasang tanong niya sa kanilang guro.

“Mataas na kasi ang mga grado ni Lynn nang lumipat siya sa eskwelahan natin. At noong nakaraang pagsusulit, halos ma-perfect ni Lynn ang lahat ng subject,” paliwanag ng guro. Bakas sa mukha nito ang tuwa at pagmamalaki.

Hindi makapagsalita si Rachel. Wala na kasi siyang iba pang dahilan para kwestyunin si Lynn. Malinaw na kung bakit siya naungusan nito.

“Ma’am, paano po ‘yun, eh ‘di si Lynn ang makakakuha ng medalya sa graduation?’ tanong naman ng kaklase niyang si Joey.

“Oo, si Lynn nga.”

Bumagsak ang balikat ni Rachel sa narinig. Sa buong buhay niya sa eskwelahan, iyon lang unang beses na pumagalawa siya.

Pasimple niyang tinapunan ng tingin si Lynn na noon ay nakatanaw lamang sa labas ng klasrum, tila walang pakialam sa mga nangyayari.

Mas lalong nagngitngit sa galit si Rachel.

“Rachel, ‘wag kang mag-alala, malamang ay may award ka pa rin. Ang pangalan mo ang ipinasa ko para sa mga conduct awardee. At second honor ka! Malaking karangalan ‘yun. Magandang halimbawa ka sa mga kaklase mo,” tila pagpapalubag-loob ng kaniyang guro.

Subalit masama na ang loob ni Rachel dahil sa nangyari. Sa isip niya ay isang maitim na balak ang nabuo habang minamasdan niya ang misteryosang kaklase.

“Kung hindi ako ang mangunguna, sisiguraduhin ko na walang mangunguna,” sa loob-loob ng dalagita.

Naghanap siya ng kakaiba tungkol sa kaklase. At dahil nga madalas nakatago ang mukha nito, naisip niya na marahil ay may itinatago ito.

At hindi siya nagkamali!

Isang araw ay nakasabay niya mag-CR ang kaklase. Doon ay aksidente niyang nakita ang pinakatatago-tago nitong lihim.

Sunog ang kalahati ng mukha nito!

“Kaya naman pala itinatago, ang pangit ng itsura,” humahagikhik na bulong niya.

Sumapit ang araw ng kanilang pagtatapos. Doon ay isinagawa niya ang kaniyang maitim na plano.

Sabay silang aakyat ni Lynn sa entablado dahil pareho silang may parangal—si Lynn bilang first honor, habang siya naman bilang conduct awardee. Siya ang napili sa kanilang batch dahil nagpakita siya ng magandang asal sa loob ng apat na taon niyang pamamalagi sa eskwelahan.

Nauunang maglakad si Lynn sa kaniya. At nang nasa gitna na sila ng entablado, habang tinatanggap sila ng mga parangal ay humarap siya kay Lynn.

“Hawiin natin ang buhok mo, para kita ang buong mukha mo sa picture,” nakangiting wika niya sa kaklase.

Bago pa siya nito mapigilan ay nahawi niya ang ang buhok nito. Nakita ng lahat ang pinakatatagong lihim ni Lynn!

Dinig na dinig niya ang gulat ng mga nakakita sa sunog na mukha ni Lynn. Agad na umugong ang bulungan.

“Hala, ang pangit ng mukha niya!”

“Bakit kaya nasunog ang mukha niya?”

Nagpanggap siyang nabigla bago siya pakunwaring humingi ng tawad sa kaklase.

“Sorry! Hindi ko alam!” aniya.

Tumango lamang ito at nagmamadaling bumaba ng entablado. Muli nitong itinago ang mukha sa mahaba nitong buhok.

Sa buong seremonya ay pinag-uusapan ng lahat ang nabukong sikreto ni Lynn, kaya naman tuwang-tuwa si Rachel. Nagtagumpay ang plano niya!

Ang huling bahagi ng seremonya ay ang speech ng first honor na si Lynn. Akala ni Rachel ay hindi na nito tatapusin ang seremonya sa sobrang hiya, ngunit nagulat siya nang taas noo itong humarap sa lahat.

“Marahil ay nag-iisip kayo kung anong nangyari sa mukha ko. Marahil ay iniisip niyo na ang pangit-pangit ko. Marahil ay naaawa kayo sa’kin. Pero ‘wag, ‘wag niyo akong kaawaan. Dahil may mabigat na dahilan kung bakit ganito ang itsura ko,” paninimula nito.

“Nagkaroon ng sunog at iniligtas ko ang nanay ko na baldado. ‘Yun ang dahil kung bakit ako nagkaganito. Ngayon ay ligtas ang nanay ko, at kasama ko siya ngayong araw. ‘Yun lang ang mahalaga sa akin. At kung ibabalik ko ang nakaraan, pareho pa rin ang magiging desisyon ko. Hindi na baleng ganito ako, basta’t kasama ko ang nanay ko.”

Marami pang sinabi si Lynn ngunit hindi na narinig pa ni Rachel ang mga sumunod. Binalot na ng hiya ang puso niya. Hindi niya alam na malalim pala ang kwento sa likod ng sunog na mukha ng kaklase. Isa pala itong bayani na dapat tularan, hindi dapat pagtawanan.

Namalayan niya na lang na sumabog na ang malakas na palakpakan at umulan na ng papuri para kay Lynn.

Sa labis na pagsisisi at hiya sa ginawa niya sa kaklase, sa huli ay ibinalik ni Rachel ang medalya na ipinagkaloob sa kaniya.

“Hindi po ako nararapat para bigyan ng medalya sa kagandahang asal,” nahihiyang wika niya sa kaniyang guro bago pahapyaw niyang kinuwento rito ang ginawa niya.

Dahil sa pangyayaring iyon ay natutunan ni Rachel na maging mapagpakumbaba. Alam niya na ngayon na hindi parating siya ang mangunguna. May darating talaga na higit ang kakayahan kumpara sa atin. Ang tanging magagawa lang natin ay maging mabuti at hindi gumawa ng bagay na ikahihiya natin pagdating ng araw.

Advertisement