
Nahumaling ang Dalaga sa Lalaking Nakilala Niya Lang sa Social Media; Ito na nga Kaya ang Lalaking Para sa Kaniya?
Ngiting-ngiti si Gianna habang binabasa niya ang mga komento sa pinost niyang larawan sa social media. Pawang positibong mga komento kasi ang nababasa niya.
“Ang ganda mo, Gianna!”
“Sana all, maganda!”
Napairap siya nang makita ang komento ng manliligaw at kaklase niya na si Jemuel.
“Ang ganda mo talaga, Gianna.”
“Kung makapag-komento, akala mo naman may pag-asa siya sa’kin!” nakairap niyang bulong bago itinuloy ang pagbabasa sa mga komento.
Saglit siyang napahinto nang isang hindi pamilyar na pangalan ang makita niyang nag-komento. “Enrico Gonzaga” ang pangalan ng lalaki.
May kilig siyang nadama nang mabasa ang komento ng estranghero.
“Ang ganda-ganda mo naman. Sumaya ako nung nakita ko ang mukha mo.”
Hindi niya tuloy maiwasan na magkaroon ng interes sa katauhan ng lalaki. Iyon kasi ang unang beses na nakita niya ito. Naisip niya tuloy na tingnan din ang lalaki sa social media nito.
Mas lalong lumawak ang ngiti ni Gianna nang makita ang larawan ng lalaki. Gwapong-gwapo kasi ito sa larawan nitong kinuha pa sa ibang bansa.
“Wow, may kotse!” bulalas niya pa.
Sa bawat bagay na nalalaman niya tungkol kay Enrico ay mas lalo lamang siyang humahanga sa lalaki.
Ilang taon lamang ang tanda nito sa kaniya ngunit nagtatrabaho na ito sa isang sikat na kumpanya. May sarili itong sasakyan, bahay, at halos taon-taon ito kung mangibang bansa para lamang magbakasyon.
Kumabog ang dibdib niya nang tumunog ang selpon niya. Nagpadala ng mensahe si Enrico!
“Hello, Gianna.”
Kinakabahan man ay nagtipa siya ng sagot sa lalaki.
“Hi, Enrico.”
Mabilis naman ang naging sagot nito.
“Akala ko suplada ka. Mabait ka pala…”
Napahagikhik ang dalaga bago tumugon sa bagong kakilala.
“Bakit mo naman nasabi na masungit ako? Hindi mo pa nga ako kilala!”
Hindi niya maiwasang kiligin sa naging sagot nito.
“Sobrang ganda mo kasi, eh. Akala ko hindi mo ako papansinin. Crush kaya kita…”
Impit siyang napatili bago pabagsak na nahiga sa kama niya. Sa dinami-dami kasi ng nanliligaw sa kaniya, masasabi niya na ito ang kaisa-isang type niya!
Iyon ang naging simula ng pagkakaibigan nila ni Enrico. Masaya kasi itong kausap. Hindi sila nauubusan ng pag-uusapan.
Maalalahanin din ang lalaki. Parati nitong inaalala kung kumain na ba siya, kung nakauwi na ba siya, o kung nakatulog ba siya nang maayos.
Hindi tuloy niya maiwasan na mahulog ang loob sa lalaki. Kaya naman walang pagsidlan ang tuwa sa puso niya nang isang araw ay isang pumpon ng bulaklak mula kay Enrico ang dumating sa eskwelahan niya mismo.
“Magandang bulaklak para sa isang magandang dilag.” Iyon ang sabi sa card.
Maging ang mga kaklase niya any kilig na kilig para sa kaniya.
Nagtitipa pa lang siya ng mensahe para sa lalaki ay may tumunog na ang selpon niya. Napangiti siya nang makita na tumatawag ito.
“Enrico! Salamat sa bulaklak! Ang ganda-ganda!” nakangiting bungad niya.
“Buti naman at nagustuhan mo, Gianna. Ano, may sasabihin sana ako, eh…” tila nag-aalangang wika nito.
“P-pwede ba t-tayong magkita nang personal? G-gusto ko sana na sa personal ko sabihin, eh.”
Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Gianna. Bagaman kasi lagi nitong sinasabi na nais nito na nais nito na makita siya ay iyon ang unang beses na niyaya siya nito na magkita sila.
“Oo naman! Gusto ko na rin na makita ka sa personal. Kailan ba?” sagot niya.
Narinig niya ang pagtawa nito sa kabilang linya.
“Buti naman pumayag ka. Pwede ka ba sa Linggo?” anito.
Nagkasundo sila na magkita sa Linggo, alas sais ng gabi. Ayaw niya sana na gabi sila magkita, ngunit wala siyang magawa lalo na’t sa gabi lang daw pwede si Enrico dahil sa trabaho nito.
Nang maibaba niya ang telepono ay halos mapatili siya sa sobrang kilig. Agad naman siyang pinalibutan ng mga kaklase niya na nais mag-usisa.
“Gianna, boyfriend mo?” tanong ng kaklase niyang si JK.
“Hindi pa. Sasagutin ko kapag nagkita na kami,” aniya.
“Bakit? Hindi pa kayo nagkikita? Saan ba kayo nagkakilala?” takang tanong muli nito.
“Sa social media. Gwapo, mapera, tapos super bait!” pagmamalaki niya.
Noon sumabat ang manliligaw niya na si Jemuel.
“Gianna, sigurado ka na ba riyan? Hindi mo pala ‘yan personal na kilala. Malay mo masamang tao pala ‘yan!”
May bahid ng inis sa tinig nito.
Nakaramdam siya ng iritasyon sa akusasyon nito kay Enrico.
“‘Wag mo nga siyang husgahan nang ganyan! Walang-wala ka sa kalingkingan ni Enrico. Bitter ka lang kasi hindi kita sinagot! ‘Wag mo akong pakialamanan, dahil kaya ko na ang sarili ko!” maanghang na bwelta niya sa manliligaw.Tila napahiya naman ito at hindi na nagsalita pa.
Araw ng Linggo. Kahit pa alas sais ang oras napag-usapan nila, alas tres pa lang ay hindi na magkandaugaga si Gianna sa pamimili ng damit na susuotin niya para sa date nila ni Enrico.
Nais niya kasi masiguro na magandang-maganda siya. Makalipas ang humigit-kumulang isang oras ay isang itim na bestida ang napili niya.
Matapos niya magwisik ng pabango ay napangiti siya sa kaniyang repleksyon sa salamin. Napakaganda niya! Halos nasisiguro niya na mabibighani sa kaniya si Enrico.
Saktong alas sais nang dumating siya sa restawran. Ikinagulat niya na walang ibang kustomer nang pumasok siya. Sa ‘di kalayuan ay natanaw niya ang isang lalaking nahinuha niya na si Enrico.
“Enrico…” kiming tawag niya nang makaharap niya ang lalaki.
Tila natulala ito sa ganda niya. Nakatitig lamang ito sa kaniya, hindi nagsasalita.
“Ang g-ganda mo!” sa wakas ay wika nito.
“Ikaw rin naman, ang gwapo mo,” puri niya sa lalaki.
Nahihiyang ngumiti lamang ito.
“Bakit walang ibang tao?” tanong niya nang makaupo na sila.
“Ipina-reserve ko. Kasi gusto ko na maging espesyal ang gabi na ‘to,” sagot ng lalaki.
Sumikdo ang dibdib ni Gianna habang nakatingin sa gwapong mukha ni Enrico. Noon ay sigurado na siya na gusto niya nga ang lalaki.
Masaya silang naghuntahan habang kumakain ng masarap na pagkain at umiinon ng masarap na wine. Komportable siya na kausap ang binata. Napapatawa siya nito na para bang matagal na silang magkaibigan.
Ngunit matapos silang kumain ay sumama ang pakiramdam ni Gianna. Nahihilo siya at umiikot ang kaniyang paningin. Tila mabigat din ang talukap ng kaniyang mata at antok na antok siya.
“Gianna, ayos ka lang ba?” nakangiting tanong ni Enrico.
Bago pa man siya makasagot ay tuluyan nang nagdilim ang paningin niya.
Nagising na lamang siya na nasa isang silid siya na hindi niya alam kung saan. Kumabog ang dibdib niya sa labis na pagkaalarma.
“Nasaan ako?” masakit ang ulong bulong niya bago inalala ang nangyari.
Nanlaki ang mata niya sa pagdaloy ng alaala. Si Enrico ang huli niyang kasama.
Noon naman bumukas ang pinto. Nanlaki ang mata niya nang isang pamilyar na lalaki ang sumungaw roon.
“Jemuel?” takang bulalas niya.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” nag-aalalang tanong nito.
Nang sinabi niya na maayos naman ang pakiramdam niya ay noon ito nagkwento ng mga nangyari.
“Wala kasi talaga akong tiwala sa Enrico na sinasabi mo. Kaya palihim kitang sinundan noong nakipagkita ka sa kaniya. Gusto ko lang makasiguro na magiging ligtas ka,” paliwanag nito.
Noon niya nalaman na nilagyan pala ng gamot ni Enrico ang inumin niya kaya siya nawalan ng malay.
Mabuti na lamang at napigilan ni Jemuel nang tangkain ng lalaki na dalhin siya kung saan.
“Pero bakit naman ‘yun gagawin ni Enrico? Malapit kami sa isa’t isa at mabuting tao siya!”
Lumungkot ang mukha nito.
“May modus siya. Kumukuha siya ng mga kolehiyala at ibinebenta niya sa kung sino-sino. Hindi “Enrico Gonzaga” ang tunay niyang pangalan. Hindi rin totoo na maganda ang buhay niya. Kalalabas niya lang sa kulungan noong nakaraang buwan, sa salang pagnanakaw,” kwento ni Jemuel.
Nanlamig si Gianna sa narinig, lalo na nang kumpirmahin ng mga pulis ang sinabi ni Jemuel.
“Ma’am, mabuti na lang talaga at dumating ang kaibigan niyo. Kung hindi, baka hindi ka na namin nakita pa uli,” naiiling na komento pa ng pulis.
Napaiyak na lang siya. Sa takot at pagkadismaya. At sa panghihinayang.
“Akala ko… mabait siya!” humahagulgol na bulalas niya.
“Ma’am, mag-ingat na po kayo sa susunod. Karamihan sa mga nakikita natin sa social media, hindi naman totoo. Kilatisin niyo po nang maigi bago kayo makipagkita,” bilin pa ng pulis.
Labis-labis ang pasasalamat niya kay Jemuel. Kung hindi dahil dito ay talagang napahamak siya!
Humingi rin siya ng paumanhin dahil napagsalitaan niya ito noong pinaalalahan siya nito ukol kay Enrico. ‘Yun pala ay tama ito sa pagkilatis sa lalaki.
“Wala ‘yun. Ayoko lang naman na mapahamak ka,” nakangiting sagot lang nito.
Kay laki ng aral na natutunan ni Gianna dahil sa pangyayaring iyon sa buhay niya. Nabulag siya ng mga magagandang bagay na nakita niya kay Enrico.
Ngunit lahat ng baho ng tao ay nakatago—kaya maging maingat tayo at ‘wag basta-basta magtiwala!