Inday TrendingInday Trending
Ipinamalas ng Lalaki ang Galit sa mga Taong Nanghamak at Nanloko sa Kaniya Noon; Pinagsisihan Niya na Maling Tao ang Nadamay sa Paghihiganting Ito

Ipinamalas ng Lalaki ang Galit sa mga Taong Nanghamak at Nanloko sa Kaniya Noon; Pinagsisihan Niya na Maling Tao ang Nadamay sa Paghihiganting Ito

Agad na hiniwalayan ni Cielo ang kaniyang kasintahan na si Gio kahit na ipinagbubuntis niya ang kanilang anak nang makita niya itong may ibang babae na kahalikan. Kahit anong tanggi ng binata at pagpapaliwanag na bigla lang siyang nilapitan ng ‘di niya kilalang babae at hinalikan ay ayaw siyang paniwalaan nito.

“Hayaan mo na siya. Pumunta ka na sa Italya sa susunod na Linggo at asikasuhin ang mga negosyo natin doon,” ang sabi ni Marcelino, ama ng lalaki.

“Papa, kayo ho ba ang may pakana no’n? Alam niyo naman hong mahal ko na si Cielo lalo na ngayon at magkakaanak na kami,” pahayag ni Gio.

“Ang usapan natin ay pa iibigin mo lang siya para buntisin at iwan. Hindi bubuntisin at paninindigan. Alam mong hindi mo siya dapat mahalin dahil anak siya ng babaeng nanloko at nang-iwan sa akin noon,” tugon ni Marcelino.

Nang dahil doon ay muling ikinuwento ni Marcelino kay Gio ang kaniyang nakaraan.

Pinaniwala siya ‘di umano na pag-aaralin siya sa ibang bansa ng ama ng dati niyang kasintahan na si Cassandra. Kasama niya rito ang kapatid nitong lalaki na si Gabriel habang pinagsisilbihan ito upang maging karapat-dapat siya sa kanilang pamilya. Upang siya ay makapagtapos gaya ng kaniyang kasintahan at hindi maging kahiya-hiya para rito ay tinanggap niya ito.

Ngunit ‘yun pala ay may masamang balak ang mga ito sa kaniya sapagkat ayaw talaga sa kaniya ng ama nito. Ito pala ay may ibang lalaking gusto para kay Cassandra kaya pinalabas siyang magnanakaw doon upang makulong matapos siyang bugb*gin at iwan sa kung saan.

Naging palaboy siya sa ibang bansa nang siya ay nakalaya hanggang sa nakilala niya ang mayamang amo na si Don Luigi. Pinagsilbihan niya ito ng isang taon hanggang sa siya ay nakalikom ng sapat na salapi upang makauwi ng Pilipinas.

Pag-uwi niya ay nagmamadali siyang puntahan ang kaniyang kasintahan na si Cassandra ngunit gumuho ang mundo niya nang makitang may inihahatid itong lalaki paalis ng bahay habang may buhat na sanggol sa kaniyang mga braso.

Napag-alaman niya sa kanilang mga kapitbahay na agad itong nagpakasal sa iba ilang buwan pa lamang pagkaalis niya sa Pilipinas.

Nang dahil sa kabiguang ito ay nagdesisyon siyang bumalik sa kaniyang amo na si Don Luigi sa ibang bansa. Pinag-aral naman siya nito at itinuring bilang anak dahil sa maalagang pagsisilbi niya rito. Kaya naman nung p*manaw ito ay sa kaniya ipinamana ang lahat ng mga ari-arian at kayamanan nito.

Noon lang siya uli bumalik sa Pilipinas upang makapaghiganti sa mga taong humamak at nanloko sa kaniya.

“Kung ganun ho ay bakit natin dinadamay ang anak niyang wala namang kasalanan sa inyo?” tanong ni Gio.

“Dahil mas masakit para sa isang ina na makitang nasasaktan ang kaniyang anak,” sagot ni Marcelino bago iwan si Gio.

Isang gabi, sa company party kung saan i-aanunsiyo ang bagong CEO ng kumpaniya ng pamilya nila Cassandra ay nagkita sina Gio at Cielo doon na siyang ikinagulat ng dalawa.

Kinuwestiyon ni Cielo ang presensiya ni Gio roon kaya naman nakuha nito ang atensiyon ng kaniyang ina na si Cassandra at doon nito nakilala si Gio at ang ugnayan ng dalawa.

Nahinto ang kanilang pag-uusap nang i-anunsiyo na ang bago at papalit na CEO kay Gabriel na kapatid ni Cassandra. Ikinagulat nila nang makitang si Marcelino ang tinutukoy na bagong CEO na may pinakamalaking shares na hinahawakan sa kasalukuyan.

Hindi nila ito inaasahan sapagkat lingid sa kanilang kaalaman ay unti-unting bumibili ng shares si Marcelino gamit ang iba’t-ibang pangalan upang bandang huli ay maangkin ang pinakamamahal na kumpaniya ng kanilang pamilya sa pangangalaga ni Gabriel na kapatid ni Cassandra.

“What?! How can that low-life thief replace me as CEO? Hindi siya puwedeng humawak ng kumpaniyang pinagpaguran ni Dad!” galit na pagkakasabi ni Gabriel.

Gayunpaman ay walang magawa si Gabriel dahil welcome na welcome si Marcelino sa buong board ng kanilang kumpaniya.

Pagbaba ni Marcelino sa entablado ay agad siyang nilapitan ni Cassandra na puno ng katanungan sa kaniyang mukha habang si Marcelino naman ay punong-puno ng kumpiyansa sa mga nakamit na paghihiganti.

Bandang huli ay hindi na nakatiis pa si Cassandra kaya naman nang makitang naiwang mag-isa si Marcelino ay muli niya ‘tong nilapitan at inungkat niya ang nangyari sa kanilang nakaraan. Doon niya lamang nalaman ang mga masasamang ginawa ng kaniyang ama at kapatid sa dating kasintahan.

“Hindi ako naniwala nung sinabi nila noon na tumakas ka raw at nagtago matapos mo silang nakawan kaya hindi mo na ako binalikan. Hindi mo ako binalikan nung mga panahon na kailangang kailangan kita,” ang sabi ni Cassandra.

“Kaya ba nagpakasal ka sa iba at mayroon agad kayong anak?!” pangunguwestiyon ni Marcelino.

“Pinilit akong ipakasal ni Dad noon para ilayo ako at ang pamilya namin sa kahihiyan. Huli na kasi nang nalaman kong buntis ako sa’yo,” pag-amin ni Cassandra.

Nanlaki ang mga mata ni Marcelino nang marinig ito. Napagtanto niya na ang dalagang pinapabuntis niya at pina-iiwan kay Gio upang makapaghiganti ay sarili pala niyang anak!

Naudlot ang kanilang pag-uusap nang lumapit ang mga anak nila sa kanila.

“Papa, nakapagdesisyon na po kami ni Cielo. Magpapakasal na po kami. Inamin ko na po sa kaniya ang lahat. Masuwerte po ako at pinatawad niya ako kaya hindi ko na siya pakakawalan pa,” sambit ni Gio.

Ikinagulat ito ni Cassandra at agad na tumanggi sa plano nilang pagpapakasal dahil sa pagkakaintindi niya ay magkapatid ang dalawa.

“Hindi kayo puwedeng ikasal dahil magkapatid kayong dalawa! Cielo, ang Papa ni Gio, siya ‘yung kinukuwento ko sa’yong Tatay mo. Papa mo rin siya,” pahayag ni Cassandra.

“Ano?! Nagawa mong pagplanuhan na pa-ibigin, buntisin, at iwan ang sarili mong anak sa isa mo pang anak para lang makapaghiganti?!” nagngingitngit na pagkakasabi ni Cielo kay Marcelino, bakas ang pagkasuklam sa kaniyang mukha.

Labis itong ikinagalit ni Cassandra nang marinig ito kaya naman agad na nagpaliwanag si Marcelino. Humingi siya ng kapatawaran sa kaniyang mag-ina.

Agad niya ring nilinaw na hindi magkapatid ang dalawa. Nilinaw niya na inalagaan at tinuring niyang anak si Gio ngunit hindi niya talaga ito tunay na anak.

Isinalaysay niya na pagkauwi niya noon sa Pilipinas matapos siyang pamanahan ni Don Luigi ay may batang ulila na humingi sa kaniya ng limos. Dahil sa nakita niya ang sarili niya noon sa batang ito ay inaya niya ito na sumama sa kaniya upang mabago ang buhay nito.

“Kaya puwede pa rin tayong ikasal, Love,” ang sabi ni Gio kay Cielo.

“Hindi ko na alam Gio. Ibang usapan na sarili kong ama pa pala ang nagplanong manakit sa’kin kaysa nung hindi ko alam na tatay ko siya,” sagot Cielo bago ayaing umuwi ang ina.

Sa dami ng nangyari ay hinayaan na lang muna nila Marcelino at Gio ang mag-ina. Labis ang kanilang pagsisisi na humantong ang lahat sa ganito lalo na si Marcelino na sinaktan ang sarili niyang anak. Doble ang naging sakit nito para sa kaniya na ama ng dalaga.

Kaya upang ayusin ang gulong ginawa ni Marcelino at Gio ay pilit nilang sinuyo sina Cassandra at Cielo. Tanging si Gio lang ang napatawad ng dalawa sapagkat naunawaan nila na nagawa niya lamang ito dahil sa utang na loob kay Marcelino. Dahil dito at dahil mahal naman talaga nila Gio at Cielo ang isa’t-isa ay itinuloy nila ang pagpapakasal.

Masaya na si Marcelino nang maayos ang gusot na nagawa niya sa kaniyang anak na si Cielo ngunit mas sumaya pa siya nung ayain siya ni Cielo sa araw ng binyag ng anak nila ni Gio makalipas ang isang taon.

Doon ay pinatawad siya ng kaniyang mag-ina sapagkat naunawaan nilang nagawa lang niya ‘yun dahil sa mga masamang nangyari sa kaniya noon.

Mula noon ay naging maayos ang naging samahan nilang mag-anak. Mas lalo silang nagkalapit-lapit sa isa’t-isa dahil sa batang nagbubuklod sa kanilang lahat na anak nila Cielo at Gio.

Advertisement