
Ipinamalita ng Babaeng Ito na ‘Feeling Dalaga’ raw ang Kaniyang Kaibigan na Palaging Nagpapaganda; Mapapahiya Siya sa Sasabihin Nito sa Kaniya
Dapit-hapon nang araw na iyon ngunit nakasilip pa rin si Flore sa kanilang bintana habang karga ang kaniyang isang taong gulang na anak at pinas*s*so ito. Inaabangan niya kasing umuwi ang kapitbahay at kaibigan niyang si Jill na kaninang tanghali pa niya nakitang umalis ng bahay. Paano kasi ay gayak na gayak ito nang umalis kaya naman ipinagtaka niya kung saan ito pupunta. Pagkatapos ay iniwan pa nito ang anak nito na ang kasama lang ay ang kanilang yaya.
Maya-maya pa, nakita niyang dumating na ang kotseng ginamit ni Jill kanina sa pag-alis. Nanghahaba tuloy muli ang leeg ni Flore para lang makita niya ang kaibigan habang bumababa ito ng sasakyan.
“Aba, unat na unat ang buhok! Mukhang nagpa-rebond na naman si babae!” Umiling-iling at pumalatak pa si Flore matapos niya ’yong sabihin. “Feeling dalaga talaga ang babaeng ’to!” bulalas niya pa habang sinusundan pa rin ng tingin si Jill hanggang sa pagpasok nito sa kanilang bahay.
Ibinaba muna sandali ni Flore ang anak na nahimbing na pala sa kaniyang braso, pagkatapos ay kinuha niya ang kaniyang selpon upang mag-chat sa iba pang kaibigan niyang nakakakilala rin kay Jill. Ipinamalita niya sa mga ito na palaging nagpapaganda si Jill. Maging ang linggo-linggo nitong pagbisita sa parlor upang magpa-manicure at pedicure ay ipinamalita niya rin sa kanilang mga kakilala.
Halos magkaedad lang sina Flore at Jill, ngunit kung ipagkukumpara ang dalawa ay mapagkakamalan na silang mag-tiyahin. Bata pa kasi kung titingnan si Jill habang si Flore naman ay losyang na dahil hindi na siya nag-aayos ng kaniyang sarili simula nang siya ay magkaanak. Dahil doon ay ikinaiinis niya sa tuwing makikitang palaging nagpapaganda si Jill. Katuwiran niya kasi ay nagiging pabaya itong ina, hindi katulad niya na tutok sa pag-aalaga sa anak niya.
Ngunit ang totoo, hindi lang maamin ni Flore na naiinggit siya sa kaibigan. Ang totoo kasi ay wala lang talaga siyang perang pambayad sa pagpapagandang katulad ng ginagawa ni Jill dahil maliit lang ang kinikita ng kaniyang asawa. ’Tuloy ay idinadaan na lamang niya sa paninira ang kaniyang inggit.
Hindi nagtagal ay nakarating kay Jill ang lahat ng paninirang ginagawa ni Flore dito, kaya naman isang umaga ay pinuntahan siya nito…
“Flore, alam mo ba, nakarating na sa akin ’yong mga ipinamamalita mo sa mga kakilala natin,” ani Jill sa kaniya ngunit nananatiling mahinahon ang tono nito.
Ikinagulat naman ’yon ni Flore, pagkatapos ay bigla siyang napipi. Nakaramdam siya nang hiya kaya hindi siya makatingin nang deretso kay Jill.
“Alam mo kasi, Flore, hindi naman porque may anak na tayo ay dapat na nating pabayaan ang sarili natin. Hindi dahil nag-aayos ako ay pabaya na akong ina, dahil ginagawa ko naman ’to para sa anak ko. Isa akong make-up artist, Flore, at mahalaga sa trabaho ko na maging presentable rin sa harap ng mga clients ko kung gusto kong pagkatiwalaan nila ako. Isa pa, maganda at maayos naman ang kinikita ng asawa ko kaya sobra pa para sa panggastos namin ang pinagsamang pera naming dalawa. Hindi naman siguro kalabisan na kahit paminsan-minsan ay maglaan ako ng para sa akin, hindi ba?” paliwanag pa sa kaniya ni Jill na lalo namang nagpayuko kay Flore.
Totoo naman kasi iyon. Sa madaling salita, wala siyang pakialam kung saan nito gustong gastusin ang sarili nilang pera. Isa pa, may kakayahan naman itong magbayad nang pampaganda kaya bakit hindi?
“S-sorry, Jill…” Halos hindi lumabas ang tinig sa bibig ni Flore.
Naramdaman niya namang hinawakan siya ni Jill sa balikat. “Huwag kang mag-alala. Naiintindihan ko kung bakit mo nagawa ’yon,” sabi pa nito pagkatapos ay nginitian siya nito nang matamis. “Ang totoo niyan, hindi naman ako nagpunta rito sa inyo para lang d’yan. Ang totoo n’yan ay gusto kitang alukin ng trabaho, kung papayag ka.”
Nagulat si Flore ngunit agad siyang naging interesado sa alok ng kaibigan. Bagama’t nahihiya siya sa ginawa niya rito ay kinapalan na niya ang mukha niyang magtanong kung ano iyon. Ipinaliwanag naman ni Jill na naghahanap siya ng mamamahala sa kaniyang itatayong negosyo… isang cosmetics brand na ibebenta nila sa online shop ni Jill.
Agad namang pumayag si Flore. Matapos niyang humingi ng sinserong patawad kay Jill ay agad na siyang pinagsimula nito sa trabaho. Ngunit bago ’yon ay sinagot muna nito ang kaniyang ‘ultimate makeover’ upang kahit papaano ay bumalik na ang kompiyansa niya sa kaniyang sarili. Ngayon, hindi na lang si Jill ang ‘mukhang dalaga’ kundi pati na rin si Flore.
Hindi naman masamang magpaganda kahit may anak ka na. Basta’t hindi mo napapabayaan ang ’yong pamilya at wala kang taong inaagrabyado ay bakit hindi, ’di ba? Iyon ang natutunan ni Flore sa mga nangyari na ngayon ay siya na niyang ipinamamalita sa iba.