Inday TrendingInday Trending
Palaging Sinasaktan ng Lalaki ang Asong Napulot ng Kanyang Misis, Hindi Nito Lubos Maisip Ang Kabayanihang Ginawa ng Aso sa Huli

Palaging Sinasaktan ng Lalaki ang Asong Napulot ng Kanyang Misis, Hindi Nito Lubos Maisip Ang Kabayanihang Ginawa ng Aso sa Huli

“Ano ba naman Donna, hirap na hirap na nga tayo nag-uwi ka pa ng isang asong palamunin!” galit na galit si Pedring nang makita ang askal na dala ng asawa.

“Kawawa kasi Pedring, pagala-gala kasi sa kalsada. Muntik nang masagasaan ng truck kaya inuwi ko na,” paliwanag naman ng asawa.

“L*che ka! Masyado kang mabait! Pati aso tinutulungan mo!”

Sa inis ay nilayasan na lamang ni Pedring ang asawa. Galit na galit siya dahil buong araw ay hindi siya nakapagyosi. Wala kasi ‘ni piso ang bulsa niya. At naghintay pa siya ng pagkatagal-tagal sa asawang kaya pala natagalan ay dahil sa pesteng aso.

Kinabukasan ay ang aso agad ang pinagbuntunan ng inis sa buhay ni Pedring. Nang makaalis ang asawa upang pumasok sa trabaho ay pinagpapalo niya ang kawawang aso. Tatlong buwan siyang suspendido sa trabaho dahil sinuntok niya ang kanyang manager. Kaya naman isang buwan na rin siyang nakaasa sa misis niyang pitong-buwan nang buntis. Hindi pa ito makapag-leave sa trabaho dahil sa kalagayan nila.

Iritable siya sa buhay dahil nasasagi ang kanyang pride sa kaalamang wala siyang trabaho at misis niya ang nagpapalamon sa kanya. Ilang buwan ang lumipas ay ganoon pa rin ang tema niya. Ngunit isang araw ay day-off ng misis niya at hindi niya nagawang saktan ang aso. Kaya umalis na lamang siya ng bahay.

Ngunit ganoon nalang ang pagkabigla niya nang pag-uwi niya ay sinalubong siya ng napakalaking apoy. “Donna!”

Agad niyang hinawi ang mga taong nagkukumpulan, “Asawa ko nandyan pa! Buntis ang asawa ko, papasukin nyo ko!”

Hanggang sa may marinig silang kahol ng aso, laking gulat niya nang makita ang aso nilang may bitbit na bag. Agad niyang sinalubong ito. Narinig niya ang pag-iyak ng bata mula sa bag na hindi masyadong nakasara.

“Ito na ba ang anak ko?” napaluha siya at napatingin sa aso, “Asan ang amo mo?”

Kumahol ang aso na tila naiintindihan ang sinasabi niya. Tumakbo ito patungo sa pinto ng nasusunog na bahay. Agad niyang sinundan iyon at doo’y nakita niya ang asawang duguan pa sa panganganak. Tinulungan siya ng mga tao sa pag-rescue sa asawa.

“Ligtas ba ang anak natin?” tanong agad ng asawa niya.

Nalaman niyang ito ang naglagay ng anak nila sa bag upang ilabas ng aso mula sa sunog. “Laking pasalamat ko at nandito si Brownie,” tukoy nito sa aso.

Niyakap niya ang asawa. Humingi rin siya ng tawad sa aso nila. Hindi niya lubos-maisip na ang hayop na sinasaktan niya lang noon ay siya pang magsasalba sa buhay ng mag-ina niya. Simula noo’y inalagaan niya na at tinuring na matalik na kaibigan si Brownie.

Kinilala din si Brownie sa kanilang barangay sa kabayanihang pinamalas nito sa kanilang pamilya nang malagay sa kapahamakan ang buhay ng kanyang mag-ina. Hindi niya lubos maisip na isang aso ang mag-uudyok sa kanyang magbagong buhay at maging mas mabuting ama sa kanyang bagong silang na anak.

Advertisement