
Nakakita ang Dalaga ng Isang Makapal na Pitaka na Libo-libo ang Laman; Paano Nito Babaguhin ang Buhay Niya?
Maganda ang gising ni Marie. Pahimig-himig pa siya habang binubuksan ang laundry shop kung saan siya nagtatrabaho.
Kinuha niya ang walis at winalisan ang alikabok na nagkalat sa sahig. Maaga pa kasi at natitiyak niyang may ilang minuto pa bago dumagsa ang mga magpapalaba.
Ngunit maya-maya lang ay nasira na ang magandang ngiti ng dalaga. Narinig niya na naman kasi ang matinis na boses ng kaniyang madrasta na si Norma, siyang nagmamay-ari ng laundry shop.
“Marie! Gaga ka talagang inggrata ka! Umalis ka na naman na wala kaming malalamon doon sa bahay!”
Bahagya pa siya nitong binunggo, mabuti na lamang at nakakapit siya kaya hindi siya napasalampak sa sahig.
“E, Tiyang, wala na po kasing pagkain sa ref, kaya hindi po ako nakaluto,” katwiran niya.
Hindi na nakaiwas pa si Marie nang mariin nitong kurutin ang braso niya. Nag-iwan iyon ng pasa.
“Tang* kang bata ka! E ‘di sana namalengke ka bago ka umalis!” bulyaw nito, ni hindi man lang nahiya sa mga dumadaan.
Bubuka pa sana ang labi ni Marie at sasabihin dito na wala siyang pera ngunit pinigil niya ang kaniyang sarili. Alam niya kasi na sakit ng katawan lang ang aabutin niya sa pagsagot.
“Sorry po, Tiyang. Hindi ko na po uulitin,” buong pagpapakumbabang wika niya.
“Aba dapat lang! Magkaroon ka naman ng silbi! Hindi ‘yang puro lamon ka lang sa bahay!” iritang sagot nito.
“Diyan ka na nga! Ayusin mo ang pagbabantay rito, ha. Alalahanin mo ang bilin ko. Kapag may nakaiwan ng pera sa mga damit na pinapalabhan, hindi mo na ibabalik. Sa atin na ‘yun. Kapag nalaman ko na sinusuway mo ako, malilintikan ka talaga sa akin!” nandidilat ang matanag bilin pa nito bago ito nagdadabog na lumabas ng laundry shop.
Napabuntong hininga na lamang si Marie habang nakapangalumbabang naghintay ng kustomer.
Araw-araw siyang nakakarinig ng hindi maganda mula sa kaniyang madrasta ngunit tila hindi pa rin siya masanay-sanay.
Sa totoo lang, gustong-gusto niya nang umalis sa poder nito. Ngunit saan naman siya pupunta? Hindi naman siya nakatapos ng elementarya dahil pinahinto siya ng Tiyang Norma. Gastos lang daw ang pag-aaral niya.
Kaya nga inggit na inggit siya sa mga dumaraang estudyante na naka-uniporme. Masaya ang mga ito kasama ang kani-kanilang kaibigan habang tumatambay sa kung saan-saang lugar.
Samantalang siya, sige ang pagkayod, pero wala man siya ni piso sa bulsa. Hindi kasi siya binabayaran ng kaniyang madrasta. Ang pagtatrabaho niya na raw kasi ang bayad niya sa kinakain niya at tinitirhan niya.
Kaya naman kahit ayaw niya sa patakaran ng kaniyang Tiyang Norma ay wala siyang magawa. Hindi naman kasi malaki ang mga pera na nakukuha niya sa bulsa ng mga maruming damit ay alam niya na maituturing pa rin na pagnanakaw iyon.
Ngunit mas mabuti nang naroon siya sa laundry shop kaysa sa naman maya’t maya siyang nasasapok sa bahay.
Naputol lang ang iniisip ni Marie nang tumunog ang pinto, tanda na may kustomer na pumasok. Agad siyang naghanda ng isang magiliw na ngiti.
Mas lalong lumapad ang ngiit ng dalaga nang matanaw si Lydia, isa sa mga suki sa tindahang iyon. Hindi ito gaya ng karamihan sa mga kustomer na masungit. Mabait ang matanda at parati itong nakangiti sa kaniya.
“Good morning po, Ma’am Lydia!” masayang bati niya sa matanda.
“Good morning, hija. Ito ang mga labahan ko. Ikaw na ang bahala, ha? Alam ko naman na iingatan mo ang mga damit namin. Babalik na lang ako, hija. Bibili pa kasi ako ng gamot,” agad ding paalam ng matanda.
Nang makaalis ito ay agad niyang sinimulan ang paglalagay ng mga damit sa mga naglalakihang washing machine. Bago niya basain ang mga iyon ay sinisiguro niya muna na walang laman ang bulsa na makasisira ng gamit nila.
Kasalukuyang niyang kinukutingting ang mga damit nang malaglag ang isang makapal na pulang wallet.
Nakuryoso siya kaya binulatlat niya iyon at inusisa ang laman. Nanlaki ang mata ng dalaga nang pagbukas niya ay makita niya ang makapal na lilibuhin!
Nanginig na binilang niya ang laman ng pitaka. Tumataginting na dalawampung libong piso! Gaya ng nakasanayan, itatago n’ya na sana ang pitaka upang ibigay iyon sa kaniyang madrasta nang usigin siya ng konsensya.
Sumagi rin sa isip niya ang huling sinabi nito. Bibili raw ito ng gamot.
Kaya naman napailing siya.
“Hindi. Hindi tama na ibigay ko ito kay Tiyang. Hindi ito sa amin. Malamang ay kailangang-kailangan ito ni Ma’am Lydia,” bulong niya bago pinagpatuloy ang paglalaba.
Itinago niya ang pitaka at napagdesisyunang ibalik iyon sa matanda. Kahit pa kalbuhin siya ng kaniyang madrasta.
Makalipas ang ilang sandali ay bumalik si Lydia. Agad-agad namang niyang kinuha ang pitaka at iniabot dito.
Nanlaki ang mata ng matanda.
“Naku! Ito pala! Akala ko nawala ko na ito! Salamat at ibinalik mo, hija!” tuwang-tuwa ng matanda.
“Walang anuman, po, Ma’am,” pilit ang ngiting wika niya sa matanda.
Pumasok kasi ng kaniyang Tiya Norma sa laundry shop. Narinig nito ang sinabi ng matanda.
Kaya naman pagkaalis ng matanda at mapansin nito na walang ibang tao sa laundry shop ay agad nitong nahila ang buhok niya.
Bago pa siya makahuma ay isang malakas na sampal na ang dumapo sa kaniyang pisngi. Awtomatikong tumulo ang luha ni Marie nang maramdaman ang hapdi ng sampal ng babae.
“Tarantad* ka talaga! Pera na ‘yun, naging bato pa! E kung kinuha mo na ‘yung pera, e ‘di sana tiba-tiba tayo! Inutil ka!”
Halos magwala ito sa galit bago siya muling sinabunutan.
Nang hindi ito makuntento ay pinagtabuyan siya nito palabas ng laundry shop.
“Lumayas ka rito! Hindi kita kailangan, tang* kang babae ka!” anito bago siya marahas na itinulak sa labas.
Magmamakaawa sana siya ang kaso ay naisara na nito ang pintuan.
Napaghagulhol na lamang siya sa labis na awa sa sarili. Wala kasi siyang kapera-pera, at wala talaga siyang mapupuntahan.
Umiiyak na umupo siya sa isang sulok.
Ilang sandali na siya roon nang isang kamay ang nag-abot sa kaniya ng puting panyo. Nang tingalain niya ito ay nakita niya si Ma’am Norma. Bakas ang awa sa mukha nito.
Nanginginig ang kamay na kinuha niya ang iniaabot nito bago kiming nagpasalamat.
“Lagi ka bang sinasaktan sa inyo?” anito.
Lumuluhang napatango si Marie.
Napabuntong-hininga ito.
“May matutuluyan ka ba niyan?” usisa ng matanda.
Umiling siya habang patuloy pa rin ang pagbagsak ng luha.
Subalit hindi niya inasahan ang sunod na sinabi ng matanda.
“Gusto mo ba ng trabaho? Doon ka na lang sa bahay namin. Ikaw ang tutulong-tulong sa akin sa bahay. Papa-swelduhin kita. Doon ka na rin titira, may bakante naman na kwarto sa bahay. At s’yempre, libre na ang pagkain mo,” alok nito.
Mulagat na napatitig siya sa matanda. Inaaninag niya sa mukha nito kung nagbibiro lang ba ito. Ngunit seryoso ang mukha nito.
“P-pero bakit p-po? Saka a-ang laki naman po yata ng ibibigay n’yo. May tirahan, pagkain, may sweldo pa…” nahihiyang anas niya.
Ngumiti ito.
“Ano ka ba, hija, kapag nagtatrabaho ka, ganoon talaga. May sweldo ka. Saka tinutulungan kita dahil alam ko na pwede kitang pagkatiwalaan. Alam mong mapapahamak ka, pero ginawa mo ang tama. Ibinalik mo sa akin ang pitaka ko,” nakangiting paliwanag ng matanda.
Nang mapagtanto ni Marie na totoo ang iniaalok ng matanda ay lumakas lang ang pag-iyak niya. Mukhang sa wakas ay makakaalis na siya sa impyernong kinasasadlakan niya.
Sa huli, gaya ng pangako ni Ma’am Norma ay binigyan siya nito ng trabaho. Kasambahay siya ng matanda at ng asawa nito, ngunit pakiramdam niya ay parte siya ng pamilya. Parati siyang kasabay kumain ng mag-asawa, at ni minsan ay hindi siya minaltr*to ng mga ito.
Nang lumaon ay tinawag niya na itong “Nanay Norma”, dahil ito ang nagsilbing ina niya. Tinulungan din siya nito na makabalik sa pag-aaral, bagay na akala niya noon ay hanggang pangarap niya na lang.
Araw-araw nagpapasalamat sa Diyos si Marie. Dahil sa isang maliit na kabutihang nagawa niya, binigyan siya Nito ng isang malaking gantimpala. Nabigyan siya ng pagkakataon na magsimula ulit kung saan itinuturing siyang tao at hindi siya namumuhay sa takot.