
Minaliit ng Ina ang Dalagang Ito dahil sa Kagustuhang Sumali sa Choir, Sintunado raw kasi Siya Katulad ng Ama Niyang Inutil
“Anak, may problema ka ba rito sa bahay? Ni hindi na tayo nagkikita rito. Tuwing aalis ako papuntang trabaho, wala ka na rito sa bahay dahil sa eskwela mo. Pagkauwi ko naman ng gabi, wala ka pa rin dahil sa hindi ko malamang dahilan. Gusto mo bang lumayas na rito?” galit na tanong ni Erla sa anak, isang umaga habang sabay-sabay silang kumain ng almusal ng isa niya pang anak na dalaga.
“Hindi naman po sa ganoon, mama, abala lang po talaga ako sa simbahan,” mahinang sagot ni Gail saka humigop ng mainit na kape.
“Simbahan? Kailan ka pa nagsimulang magsilbi sa simbahan?” pang-uusisa pa nito.
“Pinaalam ko po iyon sa inyo noong mga nakaraang buwan pa. Sa katunayan nga po, balak ko nang sumali sa choir doon,” kwento niya rito dahilan para mapahagalpak ito nang tawa at mabulunan naman ang isa niya pang kapatid.
“Diyos ko! Sasali ka sa choir? Hindi ba’t boses ipis ka kapag kumakanta katulad ng tatay mong inutil na hindi man lang makabisado ang kantang bahay-kubo! Maniniwala pa ako kung itong si bunso ang kakanta roon! Maganda na nga ang itsura, maganda pa ang boses! Kaso, ikaw? Naku!” sabi pa nito na talagang ikinangilid na ng luha niya, “Tigil-tigilan mo ‘yan, ha? Kapag tinuloy mo ‘yan, hinding-hindi na talaga ako magsisimba! Ayokong mapahiya dahil sa boses mo!” dagdag pa nito kaya napagdesisyunan niyang umalis na lang bigla sa hapag-kainang iyon.
Anak sa unang asawa ng kaniyang ina ang dalagang si Gail. Pitong taong gulang pa lang siya nang masaksihan niya ang paghihiwalayan ng dalawa na talagang nagbigay sa kaniya ng trauma. Kitang-kita niya kung paano magsakitan ang dalawa, magbungangaan, at magsumbatan na hanggang ngayon, hindi niya makalimutan.
Lalo pang bumigat ang loob niya nang muling mag-asawa ang kaniyang ina at magkaroon ito ng panibagong anak na babae na palaging kinukumpara sa kaniya. Dekalibre kasi ang ganda nito at napakatalentado habang siya, simpleng dalaga lang na ang tanging talento ay magsulat ng mga tula.
Kaya naman, hindi niya na nagawang tiisin ang sakit na nararamdaman noong umagang iyon habang siya’y minamaliit ng ina dahil sa kaniyang itsura, talento, at ama.
Pero imbes na sumuko, habang siya’y naglalakad, naisip niyang kung wala siyang mapapatunayan dito, patuloy siya nitong mamaliitin.
“Pangako, ipagmamalaki mo ring anak mo ako,” iyak niya bago tuluyang makarating sa kaniyang paaralan.
Simula nang araw na ‘yon, itinatak niya sa puso’t isip niya na magagawa niyang pagandahin ang boses niya. Nagpaturo siya sa kaniyang mga kaibigan na magaling sa pag-awit at siya’y ginabayan nga ng mga ito.
Sabi pa nga isa, “Hindi naman pangit ang boses mo, eh. Ang taas nga ng boses mo, eh, bagay na bagay sa mga kanta ng simbahan! Sadyang kulang ka lang sa ensayo,” na talagang nagbigay ng malaking pag-asa sa kaniya.
Pagkalipas ng halos limang buwang pag-eensayo, siya nga ay tuluyang nakapasok bilang isa sa mga choir ng simbahan at dahil nga sa taas ng boses niya na ngayo’y hindi na sintunado, maraming tao na nakikinig sa misa ang biglang humanga sa kaniya.
Kabilang na rito ang ina niyang napadaan lamang sa simbahang iyon.
“Totoo ba ‘to?” tanong nito sa sarili habang siya’y pinanunuod sa pag-awit, maya maya, kaniya itong nakitang pumapalakpak habang mangiyakngiyak dahilan para pagkatapos ng misa, agad niya itong puntahan. “Nagandahan…” hindi niya pa man natatapos ang sasabihin, agad na siyang niyakap at pinuri nito.
“Oo, anak, ang ganda ng boses mo! Ang ganda-ganda mo pang tingnan sa entablado!” galak na galak na sabi nito na talagang ikinaiyak niya sa sobrang tuwa.
“Unang beses ko pong narinig na pinuri niyo ako,” hikbi niya.
“Pasensya na, anak, ha? Ngayon ko rin napagtanto na hindi maayos ang pakikitungo ko sa’yo dahil sa sama ng loob ko sa tatay mo. Pero ngayon, napag-isip-isip ko, anak kita at kahit anong mangyari, dapat kitang alagaan at ipagmalaki,” nakangiti nitong sabi na lalo niyang ikinaiyak. “Hoy! Anak ko ‘to! Iyong mataas ang boses sa choir!” nagmamalaking sigaw nito sa loob ng simbahan dahilan para agad niya itong sawayin at sila’y nagtawanan palabas.
Simula no’n, tuluyang nagbago ang pakikitungo ng kaniyang ina sa kaniya. Kung dati’y palagi siya nitong minamaliit, ngayo’y palagi na rin siya nitong pinagmamalaki katulad ng bunso niyang kapatid na tuwang-tuwa rin sa pagbabago ng kanilang ina.