
Bigla na Lang Hindi Nagparamdam ang Kasintahan sa Dalagang Ito, Ikinapanghina Niya ang Nalaman mula sa Kaibigan Nito
“O, ano na namang problema mo? Nakabusangot na naman ‘yang mukha mo, kaaga-aga! Ni hindi ka pa nga yata nakakapagsipilyo, nakapalumbaba ka na agad d’yan sa bintana!” sermon ni Berna sa kaniyang nakababatang kapatid, isang umaga nang madatnan niya itong malayo ang tanaw sa sariling bintana.
“Pwede ba, huwag mo na akong awayin at dakdakan? Wala akong sapat na lakas para kalabanin ka ngayon,” malamig na tugon ni Gwen habang patuloy sa pagtingin sa malayo.
“Naku, mukhang seryosong-seryoso nga ang kapatid ko, ha? Sino’ng nang-away sa’yo? Agad-agad kong sasapakin at sasabunutan!” sabi pa nito habang nanlilisik ang mga mata na kaniyang ikinainis.
“Ate naman! Hindi naman nakikipagbiruan, eh!” sigaw niya rito saka ito binato ng nahablot na unan.
“Ano ba kasing problema mo, ha?” pang-uusisa pa nito.
“Si Gino kasi, bigla na lang hindi nagparamdam. Ang huling paalam niya sa akin, kakain lang daw siya pero mag-iisang linggo na, hindi pa siya ulit nagpapadala ng mensahe!” kwento niya na labis nitong ikinatawa.
“Baka naman nabulunan na! Hayaan mo na ‘yon! Sana hindi na ‘yon nahinga!” sagot nito na talagang ikinainis na niya.
“Kung wala kang magandang sasabihin, lumabas ka na ng kwarto ko!” bulyaw niya rito dahilan para mataranta itong lumabas ng kaniyang silid.
Humaharap ngayon sa isang matinding problema sa pag-ibig ang dalagang si Gwen. Siya’y labis na nag-aalala sa binatang nagpakilig at nagbigay motibo sa kaniya na bigla na lang nawala matapos ang halos tatlong buwan nilang pag-uusap sa social media.
Bigla lang ito nagpadala ng mensahe sa kaniya isang araw at dahil nga sa iisang paaralan lamang sila nag-aaral, ito’y kaniyang ni-replyan. Pinupuri nito ang ganda ng kaniyang mga ngiti at pungay ng kaniyang mga mata sa mga larawang nakalagay sa kaniyang social media account dahilan para simula noon, patuloy na silang nagkapalitan ng mensahe, nagtatatawagan tuwing madaling araw, at naglalaro ng online games.
Pangako pa nga nila sa isa’t-isa na sa muling pagbubukas ng klase, sila’y magkikita at kakain sa masarap ng Korean restaurant sa Tagaytay.
Kaya lang, isang linggo bago ang kanilang takdang pagbalik sa paaralan, bigla na lamang itong nawala na talagang nagbigay sa kaniya ng bigat sa kalooban. Patuloy man niya itong padalhan ng mensahe at tawagan, hindi na ito sumasagot sa kaniya.
Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan na ngang muling nagbukas ang kanilang paaralan. Agad man niyang hinanap ang binatang iyon, hindi niya nakita kahit anino nito.
Sa paghahanap niya sa kanilang buong paaralan, nakita niya ang isang pamilyar na lalaki. Nakikita niya ang lalaking ito sa ilang larawan ng binatang kaniyang nakapalagayan ng loob dahilan para agad niya itong tanungin kung bakit bigla na lang itong hindi nagparamdam.
“Teka, hindi ba umamin sa’yo si Gino bago siya umalis ng bansa?” tanong nito na lalo niyang ikinapagtaka.
“Umalis siya? Anong dapat niyang aminin?” pang-uusisa niya.
“Oo, isang linggo pa lang siguro siya sa States ngayon. Kinuha na siya ng tatay niyang ‘Kano,” kwento nito dahilan para siya’y labis na magulat, “Hindi mo pa rin pala alam na pinagpustahan lang naming magbabarkada kung magrereply ka sa pinadala niyang mensahe sa’yo,” kamot-ulo nitong dagdag na ikinalamig ng kaniyang buong katawan kaya siya’y dali-daling nagpunta sa pinakamalapit na palikuran at doon umiyak nang umiyak.
Sakto namang naroon din pala sa palikurang iyon ang kapatid niyang guro kaya siya’y agad na pinakalma nito.
“Hayaan mo na siya, bunso. Bata ka pa at marami ka pang makikilalang mga lalaki. Kailangan mo talagang maging mapanuri bago mo tuluyang ibigay ang loob mo sa kanila dahil karamihan sa kanila, nilalaro lang ang pag-ibig. Siya ang nawalan, Gwen, hindi ikaw,” kauna-unahang seryosong payo nito sa kaniya na lalo niyang ikinaiyak. Niyakap naman siya nang mahigpit nito saka siya niyayang kumain sa pinakamalapit na kapehan.
Simula noon, naging makilatis na siya sa mga lalaking nagpaparamdam sa kaniya hindi lang sa social media, kung hindi pati na rin sa personal. Sandamakmak man ang lalaking gustong manligaw sa kaniya dahil sa angkin niyang kagandahan at katalinuhan, wala muna siyang binibigyan ng motibo hangga’t hindi nakikilala ng kaniyang kapatid at mga magulang.
Sa ganoong paraan, naprotekhan na niya ang sarili mula sa mapanakit na pag-ibig, nagawa niya pang tumutok sa pag-aaral dahilan para siya’y makapagtapos ng kolehiyo ng may karangalan.
“Ngayon ko napatunayang hindi ko kailangan ng lalaki para maging masaya!” sabi niya sa sarili matapos matanggap ang kaniyang diploma at ilang medalya.