Inday TrendingInday Trending
Pinipigilan ng Karamihan ang Babaeng Ito sa Kagustuhan Niyang Magtayo ng Museo, Wala nga ba Siyang Mapapala Rito?

Pinipigilan ng Karamihan ang Babaeng Ito sa Kagustuhan Niyang Magtayo ng Museo, Wala nga ba Siyang Mapapala Rito?

“Sigurado ka ba sa binabalak mo? Magtatayo ka ng isang museo kung saan mo ilalagay lahat ng mga gamit na sumisimbolo sa dahilan kung bakit brokenhearted ang mga tao?” paglilinaw ni Jedi sa binabalak na negosyo ng kaniyang matalik na kaibigan habang sila’y kumakain sa isang paresan.

“Oo, hindi ba’t magandang ideya ‘yon? Lahat ng tao pupwedeng magbigay ng gamit na nagpapaalala sa kanila ng napagdaan nilang kirot. Tiyak ako, wala pang gumagawa no’n sa Pilipinas!” sabik na sabik na sagot ni Joyce habang umiindayog pa sa tugtugin sa paresang iyon.

“Diyos ko naman, Freya, sino namang magpupunta sa museo mong iyon? Sigurado ako, walang tao ang gustong makita ang mga bagay na ilalagay mo roon dahil makapagbibigay din ‘yon ng kirot sa puso nila! Bukod pa roon, maaaring wala ka ring mahakot na mga taong gustong maging parte ng museo mong iyon dahil walang taong gustong ipagsigawan na brokenhearted siya,” sabi nito na talagang ikinadudurog ng puso niya dahilan para siya’y mapabuntong-hininga at uminom ng tubig saka bahagyang nag-isip.

“Nalakad ko na lahat ng papeles na kailangan ko, may kongkreto akong plano kung paano iyon papalakarin, at ilang taong susuporta sa akin. Tingin mo ba mapipigilan ako ng negatibo mong opinyon?” nakangiti niyang sabi rito.

“Bahala ka, hindi kita sasamahang mag-inom kapag nalugi ka riyan!” sambit pa nito sa kaniya na lalo niyang ikinangiti kahit na sa katunayan, siya’y nasasaktan na.

Matagal nang pangarap ng dalagang si Joyce na magtayo ng isang museo upang kaniyang maipakita sa lahat ang galing niya sa pagdidesenyo, pagpinta ng iba’t ibang tanawin at mukha, at marami pang kahanga-hanga niyang talento sa larangan ng sining.

Kaya naman, ngayong mayroon na siyang sapat na ipon para sa pangarap niyang ito, kahit na sandamakmak na kakilala at kaanak ang pumigil sa kaniya dahil mag-aaksaya lamang daw siya ng pera rito, hindi pa rin siya huminto. Bagkus, nag-isip pa siya ng paraan kung paano mas makakahakot ng kustomer dito.

Bukod sa naisip niyang kapehan sa loob ng itatayo niyang museo, may naisip pa siyang isang hindi inaasahang bagay, ang mangolekta ng mga bagay na nagsisimbolo ng pagiging brokenhearted ng mga tao.

Nang araw na ‘yon, matapos nilang kumain ng kaibigan, agad na siyang nangolekta ng mga bagay na iyon kasama ang ilan niyang kaklase sa kolehiyo na suportado ang kaniyang pangarap.

Walang mapagsidlan ang kasiyahan niya nang siya’y makatanggap ng isang baseball bat na ginamit ng nobyo sa isang babae, huling pares ng sapatos na ginamit ng isang lalaki sa paghatid sa nobya niya sa airport, buhok ng yumaong kasintahan, at kung ano pang mga gamit na talagang nagbigay sa kaniya nang magkahalong kirot at kasiyahan.

Lahat ng ito, agad niyang iniayos sa tinayo niyang museo kasama ang ilan sa mga likha niyang rebulto, at paintings na sumisimbolo rin sa pagdurog ng puso ng karamihan.

Dahil sa madilim na tema ng kaniyang museo, pagkabukas na pagkabukas nito sa madla, agad itong dinumog.May ilang nagpupunta roon upang magbahagi ng bagay na nanakit sa kanila, may mga magkasintahang magkahawak ang kamay na nagmamasid, at may mga brokenhearted na taong umiiyak lang sa isang tabi.

Iba’t iba man ang senaryong nakikita niya sa araw-araw na nakapag bibigay sa kaniya ng kalungkutan kung minsan, masaya siyang malaman unti-unting sumisikat ang museo niyang ito.

Paglipas lang ng isang buwan, pati mga taga ibang lalawigan, dumalaw na sa kaniyang museo dahilan upang bukod sa tumaas ang kaniyang benta, lalo pang maipakalat sa lahat ang ganda ng kaniyang museo.

Katulad ng kaniyang inaasahan, ang mga taong nangmamaliit sa ideya niyang ito dati ay napilitan ding magtungo roon katulad ng kaibigan niyang si Jedi na noon ay niloko ng nobyo.

“Pasensya ka na, Joyce, kung hindi ko pinaniwalaan at sinuportahan ang ideya mong ito dati. Kalat na kalat na sa buong bansa ang ganda ng museo mo, nakakatuwa lang na kahit maraming pumipigil sa’yo, sinunod mo pa rin ang pangarap mo,” bati nito sa kaniya habang nainom ng kape na labis niyang ikinatuwa.

Sa patuloy na pagdagsa ng tao sa museo niyang iyon, siya’y tuluyang nakaipon ng pera dahilan para siya’y makapagpatayo rin ng isang bahay-ampunan na kumupkop sa lahat ng batang nasa lansangan.

“Hindi man sa pag-ibig nadurog ang puso ng mga batang ito katulad ng tema ng museo ko, nakikita ko ang sarili ko sa kanila noong mga panahong walang gustong sumuporta sa akin,” wika niya sa kaibigang muli na namang kinukwestiyon ang balak niyang pagtulong.

Patuloy na lumaki ang museo’t ampunang tinayo niya at sa ganoong paraan, tunay na saya ang patuloy niyang naramdaman.

Advertisement