Inday TrendingInday Trending
Ginagamit ng Gobernador ang Posisyon Upang Protektahan ang Anak; Kahit Mali na Ito, Ito pa ang Kinakampihan Niya

Ginagamit ng Gobernador ang Posisyon Upang Protektahan ang Anak; Kahit Mali na Ito, Ito pa ang Kinakampihan Niya

“Sino ka sa akala mo para sampalin ang anak ko sa harap ng maraming tao? Hindi mo ba kilala ang pamilya namin? Lalo na ako? Kung ako sa’yo, hihingi na ako agad ng tawad bago pa ako magsisi, kaya lumuhod ka na sa harap naming dalawa,” sambit ni Gregorio sa dalagang nagpahiya sa anak niya sa isang parke, isang gabi nang kaniya itong ipadakip sa kaniyang mga tauhan.

“Hindi ko kilala ang pamilya niyo, lalo ka na, at kung sino ka man, wala akong pakialam. Ginawa ko lang ang nararapat dahil napakasama ng ugali ng anak mo. Maaaring sobrang yaman ng pamilya niyo, pero hindi iyon dahilan para alilain at saktan niyo ang ibang tao,” matapang na tugon nito na kaniyang ikinatawa.

“Mukhang hindi nga kilala ng dalagang ito kung sino ang kinakausap niya. Ako lang naman ang gobernador ng lalawigang ito, at kapag patuloy ka pang sumatsat d’yan, may kalalagyan ang buong pamilya mo,” pananakot niya rito habang hinihinamas-himas ang pisngi nito.

“Walang problema, roon naman talaga tayong lahat pupunta. Mas mainit na lugar nga lang ang siguradong patutunguhan niyo dahil mga kampon kayo ng dem*nyo!” sigaw nito dahilan para kaniya itong pagsasampalin, hindi pa siya roon nasiyahan, kaniya pa itong pinagpapapalo ng nahablot niyang laptop.

Labis ang pagmamahal ng ginoong ito sa nag-iisa niyang anak na babae. Kahit anong hilingin nito, agad niyang binibigay kahit gaano man ito kamahal. Sa murang edad nito na labing lima, mayroon na agad itong sariling mansyon, ilang sasakyan, mga mamahaling damit at alahas, at kung ano pa mang bagay na pangarap ng isang tipikal na dalagita.

Masaya siyang makitang maligaya ang anak niyang ito sa mga bagay na kaniyang naibibigay na galing naman sa kaban ng kanilang lalawigan.

Bukod pa roon, tuwing may nang-aaway sa kaniyang anak, sa social media man o personal, agad niyang ginagamit ang posisyon niya upang humingi ng tawad ang mga ito sa kaniyang anak kahit madalas, ito naman ang may kasalanan.

Katulad na lang ng ginawa niya sa dalagang biglang nanampal sa kaniyang anak nang minsan itong maggala-gala sa parke. Kahit na alam niyang minalditahan at minaliit ng anak niya ang mga matatandang nagtitinda roon, pinuntirya niya pa rin ang dalagang ito at labis na sinaktan nang ayaw humingi ng tawad sa kaniya.

Bago niya pa tuluyan matapos ang buhay ng dalagang iyon dahil sa galit na nararamdaman, siya’y agad na inawat ng isa sa kaniyang mga tauhan at siya’y binulungan na may mga pulis sa tapat ng kanilang bahay.

“Itago niyo ang dalagang ‘yan sa basement at linisin niyo agad ang mga dugong nagkalat,” agad niyang utos sa iba pang tauhan.

Nakangiti siyang sumalubong sa mga pulis ngunit imbis na siya’y galangin, agad siyang pinalibutan ng mga ito at pinakita sa kaniya ang live video ng dalagang iyon sa social media account nito.

“Rinig na rinig at kitang-kita po naming lahat, gobernador, ang mga sinasabi at ginawa niyo sa dalagang ito. Hindi po bulag ang batas sa lalawigang ito, kaya sumama na po kayo sa amin,” sabi ng hepe ng mga pulis saka siya agad na pinosasan, naagaw pa ng mga galit na mga mamamayang nasa tapat ng bahay niya ang kaniyang atensyon dahilan para wala na siyang magawa kung hindi ang sumama sa mga pulis.

Sa presinto, muli niya na namang ginamit ang kapangyarihan niya upang bilugin at suhulan ng pera ang mga pulis na naroon.

Ngunit dahil naroon din ang dalagang biktima niya at patuloy sa pagkuha ng bidyo sa kaniya kahit hinang-hina na, wala itong naging epekto sa mga pulis at nangako sa harap ng taong bayan na siya’y makukulong at mapaparusahan.

Doon na tuluyang naungkat lahat ng kawalang-hiyaang ginawa niya sa bayan alang-alang sa kaniyang anak dahilan para madagdagan nang madagdagan ang sintensya niya at mapunta sa kamay ng isang ahensya ang anak niyang may problema sa pag-uugali.

“Kasalanan ko lahat ng ito! Kung naging mabuti lang akong ama, kung napalaki ko lang nang ayos ang anak ko, sana, maayos pa rin ang buhay namin hanggang ngayon!” iyak niya sa harap ng media habang nakakaramdam ng labis na pagsisisi.

Gustuhin man niyang itama ang lahat ng kamalian sa bahay, wala na siyang magawa dahil bukod sa nakakulong na siya, nasira na niya ang tiwala ng mga mamamayan at siya’y sinusumpa pa.

Advertisement