Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Inggit ay Isang Maitim na Plano ang Isinagawa ng Babae; Sumaya Kaya Siya sa Resulta ng Ginawa Niya?

Dahil sa Inggit ay Isang Maitim na Plano ang Isinagawa ng Babae; Sumaya Kaya Siya sa Resulta ng Ginawa Niya?

“Mare, ang ganda naman ng painting ng asawa mo! Nakakatuwa, sana mamana ng mga magiging mga anak n’yo ang talento niya.”

Pinigil ni Mina ang inis nang marinig ang komento ng kumare niya na si Julie. Manghang-mangha itong nakatitig sa larawan nilang mag-asawa na ipininta ng kaniyang kabiyak.

“E mare, paano kami magkakaanak, e hindi nga kami makaalis sa maliit na apartment na ‘to? Hindi ‘to pwede sa bata. ‘Yang kumpare mo, pulos pagpipinta lang ang alam, kaya hindi makahanap ng trabaho. Mabuti nga ang asawa mo, mukhang big time. ‘Yan, naibibili ka pa ng mga mamahaling gamit,” mahabang litanya niya bago naiinggit na hinaplos ang mamahalin nitong bag.

Lumikot ang mata ni Julie bago ito pilit na ngumiti.

“Naku, ‘yung asawa ko lagi ‘yung abala sa trabaho. Tapos kapag uuwi, lasing. Tapos kapag umuwi, manana–”

Bigla itong huminto sa pagsasalita.

“Ano? Anong ginagawa kapag lasing? Bakit hindi mo itinuloy?” kuryosong tanong niya sa kumare.

Umiling lang ito. “Nangungulit kapag lasing,” pagtatapos nito.

Napailing na lamang si Mina. Ang arte-arte ng kumare niya. Nagrereklamo ito gayong balot na balot ito ng mamahaling alahas na mula sa asawa nito.

Samantalang siya, ni hindi man lang niya mapalitan ang bag niyang luma. Ibibili niya na lang kasi ng gamit niya ay ibabayad pa niya ng kuryente.

Malapit na siyang mapuno at sumabog sa galit.

Maya-maya ay narinig niya ang pagtunog ng door bell. Iniwan niya ang kaibigan sa sala at binuksan ang pinto.

Awtomatiko siyang napangiti nang mabungaran si Enzo, ang asawa ni Julie.

Bukod kasi sa gwapong-gwapo ito ay amoy na amoy niya pa ang mamahaling nitong pabango. Samantalang ang asawa niya ay madalas lamang nagmumukmok sa silid kung saan ito nagpipinta.

Ni hindi niya nga yata nakita pa ang asawa na nagsuot ng maayos na damit.

Natigil siya sa pagkukumpara sa kaniyang asawa at sa kumpare nang marinig niya ang malamyos na tinig ng lalaki.

“Mare! Nariyan ba ang asawa ko? Kanina ko pa tinatawagan, hindi sumasagot. Nag-aalala na ako,” bungad nito. Bakas nga sa gwapong mukha nito ang pag-aalala.

Bago pa man siya nakasagot ay narinig niya na ang tinig ni Julie. Nagtaka pa siya dahil tila nataranta ito sa pagdating ng asawa.

“Hon, nandito ako. Sorry, hindi ko nasagot ang tawag mo!” agad nitong wika sa kadarating lang. Halos magkandarapa pa ito sa paglapit sa asawa.

Ilang sandali pa ay pinapanood niya na ang mag-asawa na naglalakad palayo. Nakaakbay pa si Enzo kay Julie.

Halatang sweet na sweet si Enzo sa asawa, samantalang ang asawa niya ay hindi niya man lang makasabay kumain, dahil madalas itong abala sa pagpipinta.

“Wala namang bumibili,” inis pang bulong niya.

Muli ay nakaramdam si Mina ng panghihinayang. Kung nagkapalit lang sila ng asawa ni Julie, marahil ay siya ang nagbubuhay-reyna ngayon!

Kinabukasan ay nakatanggap siya ng mensahe mula kay Julie.

“Mare, mag-dinner naman tayo rito sa bahay namin. Sama mo rin si Pareng Russell. Double date tayo. Inuman lang, kwentuhan.”

Hindi nagdalawang-isip si Mina na pumayag. Noong una ay ayaw pang pumayag ni Russell, ngunit nang maglitanya siya ay pumayag din ito sa huli.

Nang gabing iyon ay naghanda ng masarap at sosyal na hapunan si Julie para sa mga bisita.

Matapos iyon ay sinimulan na nila ang kwentuhan na may kasamang inuman. Enjoy na enjoy sila sa pagku-kwentuhan, kaya naman huli nang nang mapansin nila na tatlong bote na pala ng wine ang nauubos nila.

“Naku, mare, dito na kayo magpalipas ng gabi. Hindi na makakapag-drive si Pareng Russell niyan,” nag-aalalang alok ni Julie nang mapansin na halos hindi na makagulapay sa kalasingan si Russell.

Hindi na siya tumanggi pa. Mayroon kasi siyang pinaplano. Pinag-isipan niya na iyon bago pa sila pumunta sa bahay nina Julie.

Sisiguraduhin niya na kinaumagahan ay mag-iiba na ang buhay niya.

Matapos niyang ihatid ang asawa sa silid na inihanda ni Julie ay nag-boluntaryo siya na maglinis ng mga pinag-inuman nila.

“Mare, ‘wag na, bisita ka namin dito. Magpahinga ka na,” mariing tanggi ni Julie.

Umiling siya.

“Hindi na. Halata sa mukha mo na pagod na pagod ka na, mare. Kami na ni Pareng Enzo ang bahala rito. Magpahinga ka na,” susog niya sa kaibigan.

Marahil ay pagod na pagod na talaga ito, kaya naman kalaunan ay pumayag na rin ito.

“Susunod ako hon, tulungan ko lang si Mareng Mina,” pahabol ni Enzo sa asawang papasok ng silid.

Ilang saglit pa ay tahimik nang nagliligpit ang dalawang naiwan. Tila walang nais pumutol ng tensyon.

Ngunit maya-maya ay hindi na naiwasang nagkatitigan ang dalawa. Bago pa sila makapag-isip ay magkahugpong na ang kanilang mga labi, limot na ang tama at mali.

Hindi na namalayan pa ni Mina ang mga sumunod na nangyari. Naramdaman niya na lang ang isang malamig na sensasyon na tila bumuhos sa buo niyang katawan.

May nagbuhos sa kaniya ng malamig na tubig!

Nang idilat niya ang mata, nakita niya ang matalim na tingin ni Julie. Hawak nito ang isang pitsel.

Sa likod nito ay ang asawa niya. Walang mababanaag na emosyon sa mukha ng lalaki.

Sa tabi ng hub*d niyang katawan ay ang hub*d ding katawan ni Enzo. Paa lang nila ang nakalabas, balot ng kumot ang katawan nila.

Lihim na napangisi si Mina. Bumigay rin ito sa alindog niya.

“Mga baboy kayo! Akala ko kaibigan kita, Mina, isa ka palang ahas! Lumayas ka sa pamamahay ko!” nanginginig na tili ni Julie.

Kung hindi ito napigil ni Russel ay baka nakalbo na siya nito.

Walang hiya o anumang lungkot na nadama si Mina habang pauwi silang mag-asawa. Ginusto niya naman kasi ang nangyari. Umaasa siya na matapos iyon ay siya na ang magiging legal na reyna sa buhay ni Enzo.

Naghiwalay nga silang mag-asawa, at ganoon rin ang mag-asawang Julie at Enzo. Dahil sa atraksyon nila ni Enzo sa isa’t isa ay nagsama sila ng ilang buwan bago sila nagdesisyon na magpakasal. Ang mga dati nilang asawa ay nagpakalayo-layo.

Tila nasa langit si Mina. Gaya kasi ng inaasahan niya ay nag-buhay reyna siya sa piling ng bagong asawa.

Lahat ng bagay na pangarap niya lang noon ay nakukuha niya. Perpekto na ito kung tutuusin kung hindi niya lang nalaman ang isa sa mga kapintasan nito.

Kapag pala ito’y nalalasing, nananakit ito. Hindi nito makontrol ang sarili at tila siya ang napagbubuntunan nito.

Lumipas ang mga taon at ang dating langit para kay Mina ay unti-unting naging impyerno. Ilang beses din kasi siyang nakunan dahil sa matinding pananakit ng kaniyang asawa. Kaya naman pala tila takot na takot si Julie rito.

Hindi niya naman maiwan dahil pinagbabantaan nito lagi ang buhay niya. Sising-sisi siya. Hindi niya alam na iyon pala ang sasapitin niya kay Enzo.

Isang araw ay nagtungo si Mina sa ospital upang ipagamot ang nabali niyang braso dahil sa pananakit ng asawa.

Habang naglalakad siya ay isang pamilyar na mukha ang nakita niya. Hindi niya akalain na muli niya pang makikita si Julie.

Buntis ito at tila manganganak na dahil sa laki ng tiyan nito.

“Julie!” nabiglang tawa niya sa babae. Agad naman itong lumingon.

Inasahan niyang galit sa kaniya ang babae, ngunit nagulat siya nang isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi nito.

“Mina, mare! Kumusta?” maligayang usisa nito.

Naiiling na itinuro niya lang ang benda sa kaniyang braso. Tila naunawaan naman nito ang sinasabi niya.

“Nananakit pa rin pala si Enzo…” malungkot na komento nito.

Hinawakan niya ang kamay ng dating kaibigan.

“Mare, patawad sa nagawa ko noon, ha. Nakita mo naman, Diyos na mismo ang nagbigay ng parusa sa akin…” aniya matapos ang mahabang katahimikan.

Ngumiti ito.

“Kalimutan na natin ‘yun. Kung hindi ‘yun nangyari noon, baka hindi ko nahanap ang para sa’kin talaga. ‘Yung itatrato ako nang tama at hindi ako sasaktan.”

Bago pa makapag-usisa ay isang lalaki na ang dumating at tumawag sa pangalan ni Julie.

Nanlaki ang mata ni Mina nang mabistahan ang mukha nito.

“Russell?” nanlalaki ang matang bulalas niya nang makita ang lalaking umupo sa tabi ni Julie at marahang humawak sa tiyan nito.

“Mina?”

Maging ito ay halatang nagulat din.

Nakumpirma ni Mina na limang taon matapos ang magulo nilang hiwalayan ay nagkitang muli sina Julie at Russell. Doon nabuo ang matamis na pagtitinginan ng dalawa, na kalaunan ay nagbunga ng dalawang supling. Ikatlong anak na ng mag-asawa ang pinagbubuntis ni Julie ngayon.

Habang minamasdan ni Mina ang papalayong bulto ng mag-asawa ay nakaramdam siya ng panghihinayang. Alam niya kasi na maswerte si Julie kay Russell. Mahinahon ito at ni minsan ay hindi siya nito sinaktan.

Kung hindi siguro niya pinlano na sirain ang mag-asawang Julie at Enzo noon, baka masaya sila ngayon ni Russell. Baka wala siya sa impyernong kinasasadlakan niya.

“Sayang,” bulong ng ginang habang iniinda ang sakit ng braso kasabay ng pagkirot ng kaniyang puso na labis ang pagsisisi.

Advertisement