Inday TrendingInday Trending
Ang Pinakaiingatang Yaman ni Don Isabelo

Ang Pinakaiingatang Yaman ni Don Isabelo

Kilala si Don Isabelo bilang pinakamayaman sa kanilang lugar. Ekta-ektarya ang lupa na kanyang pag-aari na ginagawang taniman ng iba’t-ibang gulay na inaangkat upang ibenta sa Maynila.

Mayroon din siyang rancho kung saan maraming hayop kagaya ng mga kabayo.

Kaya naman marami rin ang nagbabakasyon dito upang maranasan ang ibang uri ng pamumuhay.

Mabait ang Don, kahit na sino ay pinapatuloy niya sa kanyang tahanan. Lahat ng lumalapit ay tinutulungan nito sa abot ng kaniyang makakaya. Ang asawa nito na si Donya Trinidad ay matagal nang pumanaw habang ang mga anak nito ay pawang nasa ibang bansa. Bihira lamang ito na bisitahin ng mga apo kaya naman kung bibisitahin ito ay kaagad na malalaman ng bayan.

Kagaya ngayon. Engrande ang ginagawang paghahanda ng Don para sa pagdating ng apong si Diego. Nagpatawag ito ng maraming tao upang tulungan sila sa pagluluto ng mga pagkain, ang mansyon ay pinaayos nitong muli upang kumpunihin kung mayroon mang nasira.

“Mukhang engrande na naman ang paghahanda ng Don ah! Naku, ang sarap sigurong yumaman,” rinig ni Jimboy na sabi ni Mang Rene na umiinom na naman ng alak kahit na napakaaga pa.

Ngumiwi siya. Kilala talaga ito bilang manginginom sa kanilang lugar. Wala yatang araw na hindi ito lasing.

Tumawa siya rito, “Ay naku, Mang Rene. Pano ka ba naman yayaman e puro inom ang inaatupag mo?” biro niya ng lumapit dito. Binalingan niya ang tindera para bumili ng softdrink.

Tumawa ito lalo na parang baliw.

“Ang yabang mo naman, Jimboy! Kapag ako talaga yumaman, wala kang makukuha sa akin kahit na isang kusing!” ganting biro naman ng matanda.

Nagkatawanan sila. Mabait naman si Mang Rene. Maliban sa palagi itong lasing, kahit na kailan ay hindi ito naireklamo sa kahit na anong dahilan.

“Kung ako sa’yo, Mang Rene, ay magtrabaho ka na lang muna at ‘wag uminom. Doon, baka sakaling yumaman ka,” ngisi niya at iniwan ito.

Naglakad siya patungo sa bahay ng Don habang iniinom ang biniling inumin. Isa rin kasi siya na nagka-interes na tumulong sa pag-aayos. May bayad kasi kaya naengganyo siya ng mga kaibigang sina Nico at Sonny.

Ang kanyang tatay ay sumama din at natoka sa pagluluto habang sila ay lilinisin ang mga kwarto sa bahay.

“Dito kayo mag-umpisa ha? ‘Wag kayong mag-alala, malaki ang bahay pero hindi makalat kasi alaga naman ito. Gusto lang talaga niyang makasigurado,” paliwanag ng isang matandang babae na mayordoma daw ng Don.

Tumango silang tatlo kaya iniwan na rin sila nito.

Bitbit ang walis ay pumasok sila sa kwartong tinutukoy. Tama ang matanda, kakaunting alikabok lamang ang naipon nilang tatlo sa malaking kwarto.

Hindi niya mapigilan na humanga sa mga muwebles. Kitang-kita niya ang karangyaan ng bawat gamit sa loob ng bahay.

Nagpatuloy silang tatlo sa paglilinis hanggang sa mapadpad sa isang kwarto.

“Kailan kaya kami magkakaroon ng ganito sa bahay?” tanong ni Nico habang sinisipat ang isang upuan na kulay ginto.

Ngumisi siya sa kaibigan.

“Ibenta mo na lang kasi yang kidney mo!” biro niya at nagtawanan silang dalawa habang naglilinis.

Sa kabila ng pagbibiro, alam niyang pinagsusumikapan ang mga bagay kaya naniniwala siyang makakamit rin nila yun balang-araw.

“Hoy! Tingnan n’yo ‘to!” pabulong na tawag sa kanila ni Sonny.

Tumigil sila ni Nico sa paglilinis at kunot ang noong nilapitan ito. Sa likod ng isang malaking larawan ay may isang gawa sa metal at parisukat na lalagyan.

Vault! Naisaisip nila.

Nakakita na siya ng ganoon mula sa mga palabas na napapanood. Karaniwan ay sandamakmak na pera o kaya ay gold bars ang laman nito. Hindi niya akalain na makakakita siya nito sa bahay ng Don.

Nagkatinginan silang tatlo. Alam niya ang iniisip ng dalawa kaya naman mabilis niya itong sinaway.

“Hoy, kayo ha! Alam ko yang mga ganyan niyong tinginan. Masama ‘yan!”

Tinuruan siya ng mga magandang asal ng kanyang mga magulang kaya alam niyang masama ang magnakaw o magka-interes man lang sa bagay na hindi mo pag-aari.

“Di naman kami magnanakaw! Gusto lang naming makita, Jimboy!” sambit ni Nico.

Alam niyang mabait ang kanyang kaibigan ngunit mahirap magtiwala sa temptasyon. Umiling siya sa determinadong paraan.

“Kahit na!” giit niya pa.

Bilang kaibigan ng dalawa ay hindi niya maatim na may mangyaring masama sa mga ito. Pano na lamang kung may makahuli sa kanila at maisip na nagnanakaw sila? Alam niyang mabait at mabuting tao ang Don ngunit hindi nito kukunsintihin ang kanilang ginagawa lalo na’t pinagkatiwalaan sila nito ng husto.

“Sige na, Jimboy. Isang beses lang talaga.”

Siguro ay talagang interesado din si Jimboy kaya nakumbinsi siya ng mga kaibigan sa kabila ng determinasyon niyang pigilan ang mga ito.

“May passcode,” pahayag ni Sonny.

Huminga siya ng malalim at nagsabi ng posibleng numero. Marami-rami rin siyang alam dahil dating nagtatrabaho ang kanyang ama para sa pamilya ng butihing Don.

“Hindi eh. Ano pa?” Sabi ni Sonny nang subukan ang unang numerong sinabi ni Jimboy.

Akala niyo ay susuko na ang mga ito ngunit hindi. Sandali siyang nag-isip.

“Ah, subukan mo yung 1979. ‘Yon ang taon kung kailan siya nagpakasal.”

Sinubukan naman nito ang numero at pigil ang sigaw nang sa wakas ay bumukas ito.

Hindi nila inaasahan ang nakita sa loob. Nagkatinginan silang magkakaibigan.

Ang nasa loob ay pawang mga litrato nito kasama ang asawa at mga anak. Mayroon ding litrato ng mga apo nito na pinapadala marahil sa matanda.

Nang bumaba sila ay panay ang tanong ni Nico habang tahimik si Sonny.

“Hindi ko maintindihan. Bakit yun ang nakalagay?” kulit ni Nico.

Sasagot sana siya para ipaliwanag sa kaibigan ngunit inunahan siya ni Sonny. “Dahil ang pinakamahalaga niyang yaman ay ang kanyang pamilya.”

Ngumiti siya bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kaibigan. Kaya siguro napakayaman ng Don dahil alam nito kung ano ang tunay na pinakamahalaga.

Advertisement