
Eroplanong Papel
Bumubuhos na naman ang ulan. Kagaya ng nakagawian ay marahan niya itong pinanood mula sa bintana ng kwarto. Nakaupo siya sa kanyang kama.
Sa ganitong mga panahon, gusto ng mga tao na mamaluktot at matulog sa kanilang kama.
Ngunit kabaligtaran nito ang gusto ng bente singko anyos na si Saddie. Gusto niyang manatiling may malay, ayaw niyang sayangin ang nalalabi niyang oras. Gusto niyang lumabas at magpaulan kagaya ng dati pero hindi pwede.
Bumukas ang pinto at iniluwa nito ang kanyang nars na si Luisa. Sa loob ng dalawang taon niyang pananatili sa ospital ay ito na ang nag-asikaso sa kanya. Mula sa pagbibigay ng gamot hanggang sa pagpapalakas ng loob niya.
“Saddie, oras na para uminom ng gamot,” nakangiting saad ni Luisa.
Malapit na ang loob ng buong pamilya niya rito.
“Sige lang po.”
Minsan ay gusto niyang tanungin ang pamilya niya kung bakit pa sila nag-aaksaya ng pera sa kanya rito sa ospital. Samantalang siya, gusto niya na lang umuwi. Gusto niya nang humiga ulit sa kanyang makulay na kama, hindi kagaya sa ospital na puting-puti lamang ang unan at kobre kama. Pero alam niyang masasaktan ang kanyang nanay kaya hindi niya iyon ginagawa.
Kasi sa totoo lang, alam naman niya na wala nang pag-asa pa. Ilang taon na sila naghahanap ng tao na magdodonate ng puso sa kanya. Lahat na ng paraan ay ginawa ng mga ito. Hanggang ngayon ay nakapila pa rin ang pangalan niya sa heart center.
“Lungkot mo yata. Kumain ka na ba?” tanong ng nars.
Alam niyang nililibang lamang siya nito kaya pilit siyang ngumiti at tumango. “Wala kasi akong makausap dito.”
Hindi siya pinapayagang lumabas ng kanyang mama dahil sa pag-aalala na baka mapagod siya kaya naman ‘di na rin niya pinipilit.
“Gusto mo bang lumabas?” tanong nito.
Biglang lumiwanag ang mukha ng dalaga. Walang pag-aatubili siyang tumango. Parang ilang buwan na ang lumipas ng huli siyang masinagan ng araw. ‘Yon ay noong pinilit niya ang Kuya Juan niya.
“Hindi ako papayagan ni mama.”
Ngumiti si Luisa, sabay sabing, “Papayag yun, ako naman ang kasama mo.”
Nagkaroon siya ng pag-asa doon. Kinausap nito ang kanyang mama habang siya ay pasimpleng nagsuklay ng buhok bilang paghahanda. Kinuha rin niya ang isang kwaderno at panulat.
Madalas kasi ay ginagamit niya iyon para magsulat o gumuhit ng kung ano-ano.
Hindi alam ni Saddie kung pano nagawa ni Nurse Luisa na kumbinsihin ang kanyang mama na ilabas siya. Siguro nga ay dahil malaki ang tiwala nito sa nars na hindi papayagang may mangyari sa kanya.
Sakay ng kanyang wheelchair ay nagtungo sila sa isang bahagi ng ospital na hindi niya pa napupuntahan sa loob ng dalawang taon niyang pananatili rito.
“San tayo pupunta?” tanong niya rito.
Malaki ang ngisi nito at hindi na siya sinagot. Nanlaki ang mata niya ng makita ang isang hardin kung saan maraming pasyente na may mga kasama ring nars.
“Sino po sila?” kuryoso niyang tanong.
“Sila ay mga pasyente rin ng ospital na ito, Saddie. Kaya nga lang, ‘yong sakit nila ay hindi kagaya ng sa’yo. Hindi sila magagamot ng kahit na anong operasyon kasi iba yung sakit nila. Mas malalim ang pinanggagalingan.”
Nang tingnan niya ang paligid ay naintindihan niya ito. Ang mga taong ito ay wala na sa tamang pag-iisip, hindi kagaya niya. Hindi na nila nakikita pa ang tunay na mundo. Mukhang lamang silang malusog ngunit hindi.
“Halika, doon tayo,” sabi nito at itinulak ang kanyang wheelchair patungo sa kung saan.
Huminto sila sa isang lalaki na sa tantiya niya ay kaedaran niya lamang.
Tumingin ito sa kanila at ngumiti.
“Saddie, ito si Marco,” pakilala ni Nurse Luisa sa lalaki.
Tinitigan niya ang lalaki. Mukha itong normal, pero kung normal ito ay hindi ito dapat naroon. Kung ganon, ano kayang problema nito?
“Ikaw pala si Saddie? Lagi kang naikukuwento ni ate sakin,” ngumiti ito sa kanya kaya tumango siya at gumanti ng ngiti.
Binati din nito si Nurse Luisa na para bang matagal na silang magkakilala.
“Ano pong nangyari sa kanya?” tanong niya.
Nakita niya ang malambot na mata ng nurse dito. Kumunot ang kanyang noo ng makita ang pagkakahawig ng dalawa.
Ate?
Tumango si Luisa sa kanya bilang pagkumpirma.
“Kapatid ko si Marco.”
Mas lalo siyang naging interesado.
“Ano pong nangyari sa kanya kung ganoon?” hindi niya na napigilang mag-usisa.
“Mukha lang siyang normal pero ang hindi namin alam, hindi pala. Dati kasi ay talagang mahilig sila na gumala kapag gabi, kahit hindi siya pinapayagan nila mama. Pero dahil pasaway…” tumawa ito ng kaunti bago magpatuloy.
“Tumakas siya. Tapos nung umaga pagkauwi niya, wala siya sa kanyang sarili at marami siyang pasa sa mukha. Hindi sumasagot kahit na anong mangyari. Tapos nabalitaan namin na napaaway pala silang magkakaibigan. Yung mga kaibigan niyang lalaki lahat sila binawian ng buhay sa sobrang tindi ng tinamo. Ang mas malala pa ay yung matalik niyang kaibigan na babae, si Nicki? Nawala siya.”
Hindi natanggal ang kanyang titig sa magkapatid.
Huminga ito ng malalim. “Hinanap namin dahil malapit ang loob namin sa batang iyon. Pero nang makita namin siya eh naging mas mahirap para sa amin. Wala na rin e. Ang masaklap pa ay hindi lang siya brutal na pinaslang, pinagsamantalahan muna!”
Natutop niya ang kanyang bibig. Hindi akalain na may ganito palang kabigat na kwento ang nars na laging nagpapalakas ng loob niya. Mas lalo itong umiyak nang yakapin ito ni Marco.
“Mahal kita, ate.”
Maging siya ay muntik na ring maiyak.
“Pagkatapos nun, nag-iba na talaga si Marco. Hindi na siya nagsasalita o ngumingiti. Akala namin ayos lang, lilipas din at babalik rin yung dati pero hindi e. Ilang beses niyang sinubukan saktan yung sarilii niya kaya napagpasyahan namin nila mama na dalhin na lang siya dito para lagi siyang nababantayan at mas naaalagaan.”
Ngumiti siya kay Marco. Magkaiba sila ng pinagdadaanan. Dati iniisip niyang yung mga nagpapakamat*y ay dahil gusto na nila mawala. Walang rason. O kaya ay pagod na sila sa mundo pero ngayon? Hindi niya ito makuwestiyon.
“Pengeng papel,” sabi nito sa kanya kaya walang pag-aatubili na pumilas siya mula sa dala.
Tinupi tupi nito ang papel at ngumiti nang makita ang ginawa nito na eroplano. Parang ang tagal-tagal na mula nang makakita siya nito.
Nanghiram rin ito ng panulat sa kanya at may sinulat na kung ano sa eroplano bago nito ibinalik sa kanya ang panulat.
Ipinasok na ito ng nars na nagbabantay dito habang siya ay tumulak pabalik sa kanyang kwarto dala-dala ang ibinigay sa kanya.
Ilang araw ang lumipas at ilang araw rin na liban si Nurse Luisa. Nang bumalik ito pagkatapos ng isang linggo ay kinausap nito ang kanyang mga magulang sa paraang hindi niya maririnig.
“Bakit ka nawala, Nurse Luisa?” usisa ni Saddie sa nars nang dalhan siya nito ng gamot.
“Inasikaso ko lang kasi yung burol ng kapatid ko.”
Natahimik siya at agad na nalaman ang tinutukoy nito.
“Anong nangyari sa kanya?” mahina niyang tanong.
Umiling ang nurse at ginawaran siya ng malungkot na ngiti. “Hindi na kinaya. Kaya napagpasiyahan na lang niyang iwan ang lahat. Sabagay, naiintindihan ko naman ang kapatid ko.”
Nalungkot siya sa sinabi nito.
“Eto nga pala, nakita sa kwarto niya at binigay ng nars. Pero mukhang hindi para sa akin. Para sa’yo, Saddie.”
Ibinigay nito ang isang eroplanong papel sa kanya.
“Saddie,
Salamat sa pag-asa na ibinigay mo kay Ate Luisa. Kaya naman sana alagaan mo ang regalo ko sa iyo. Masaya akong aalis sa mundo dahil alam kong nabigyan kita ng pag-asa at dahil mapananatili ko ang pagmamahal ko para sa aking pamilya. Ingatan mo ng puso ko… na ngayon ay sa’yo na.
-Marco”
Gulat na gulat na napatingin siya kay Luisa. Niyakap niya ang butihing nurse, na parang kapatid kung ituring siya.
Ngumiti siya at tumingin sa langit. Pumikit siya para umusal ng panalangin. Taos puso din siyang nagpasalamat kay Marco.
“Siyempre naman, aalagaan ko ang pusong ibinigay mo, Marco,” bulong niya sa hangin habang taimtim na nananalangin sa mapayapang pagpanaog sa langit ng kaluluwa ng binata.